KAHAPON NANG UMAGA habang sinusulat namin ang kolum na ito, aliw na aliw sa panonood ng mga tao sa Las Vegas ang aming mga kaibigan. Hapon na du’n habang tumitipa kami, parami na nang parami ang manonood ng salpukan nina Manny Pacquiao at Ricky Hatton sa MGM Grand Garden Arena.
Nagkakape ang mga kaibigan namin sa isang hotel na malapit sa MGM, kaya ang napagbalingan nilang pagmasdan ay ang mga Pinoy at Briton na handang-handa nang manood ng The Battle of East And West.
Sabi sa amin ni John Bautista na matagal nang naninirahan-nagtatrabaho sa Las Vegas, “Fully-booked ang mga hotels dito. Pati ang maliliit na hotel, booked din. Ang dami-dami nang Pinoy dito ngayon, nakita ko rin ang mga sikat na politicians natin dito, may naiwan pa kaya diyan?” Tawa nang tawang tanong ng aming kaibigan.
Ikinuwento tuloy namin kay John B. ang mga umiikot na text dito sa atin ngayon. Sinabi kasi ni Pacman sa isa niyang panayam sa CNN na kapag may laban daw siya, zero ang criminality rate dito sa Pilipinas. Pati raw kasi ang mga magnanakaw, mandurukot at iba pang may mga ilegal na trabaho ay nakatutok din sa kanyang laban.
Ang sabi naman ng text, “Totoong wala na dito sa ‘Pinas ang mga magnanakaw, nasa Las Vegas na silang lahat, nandu’n na ang mga politicians natin para manood din ng laban ni Pacman!”
“Nasa isang coffee shop kami ngayon, nagpapalipas ng oras, malapit na kaming magpunta sa MGM para sa fight. Pero from where we are right now, nakikita namin ang mga Pinoy na init na init nang mapanood ang laban nina Pacman at Hatton.
“Sangkatutak na rin ang mga British dito, sinabi sa akin ng friend kong nagtatrabaho sa Mandalay, wala na ring vacant rooms sa kanila, dahil ang dami-daming Briton na nagpa-reserve na sa kanila noon pa para manood ng laban.
“Ubusan na naman ng boses ito mamaya. Hindi magpapakabog ang lahi natin sa kantiyawan. Kung ang mga Mexicans nga na sobrang dami na dito sa Las Vegas, e, walang nagawa, ang mga Briton pa kaya?” Natatawang komento ng aming kaibigan.
IBANG KLASE ANG kasikatan ni Pacman. Nu’ng dumating ang Team Pacquiao sa Las Vegas, inabangan ng mga kababayan natin ang Pambansang Kamao, pero nagulat ang mga kaibigan namin sa kanilang nasaksihan.
Ibang klase raw si Pacman dahil pati mga Puti, nakikipagkamay at pumipila para lang makapagpa-picture taking sa tabi niya. Ganu’n kalakas ang dating ni Pacman, sikat na sikat na talaga siya sa buong mundo.
“Habang pinagkakaguluhan siya, kami namang magkakatropa, tinitingnan naming mabuti si Manny. Ang liit-liit niya kapag napapaikutan na siya ng mga Puti.
“Pero naman, ibang klase talaga siyang sumuntok, pamatay! Huwag lang siyang masisingitan ni Hatton, kanyang-kanya na naman ang fight na ito,” sabi naman ni Ramil Andrada na nagtatrabaho sa isang hotel du’n.
Nitong mga huling linggo, naging negatibo ang imahe ni Pacman dito sa atin, nahati sa dalawang paksiyon ang ating mga kababayan, isang naghahangad ng bagong tagumpay para kay Manny at isa namang nagsasabing sana’y makatikim siya ng pagkatalo para makapulot siya ng leksiyon sa mga padalos-dalos niyang desisyon.
Pero iba pa rin ang ating lahi. Basta kababayan na natin ang nakasalang sa isang mahalagang laban, ang tampo ay nakakalimutan na natin at matinding dasal pa rin ang ating iniaalay, tulad ng pambansang emosyon kahapon sa laban nila ni Ricky Hatton.
Maluwag ang mga kalye, walang katrapik-trapik dahil ang mga nanood lang sa mga malls at restaurant ng laban nina Pacman at Hatton ang naglabasan ng bahay, ‘yun ang ibig sabihin ni Manny Pacquiao sa “zero krimen” na sinabi niya sa CNN.
At tulad ng inaasahan at dasal ng ating mga kababayan, muling itinayo ni Manny Pacquiao ang bandila ng Pilipinas sa mapa ng mundo, pinatumba ni Pacman si Ricky Hatton sa ikalawang round pa lang, kaya hindi na makatayo ang Briton!
Nagbunyi ang mga Pinoy, hindi matapus-tapos ang mga sigawan at kantiyawan sa MGM Grand Hotel Arena, dahil hindi lang pala mga Mexicano ang kayang patumbahin ng Pambansang Kamao kundi pati ang ibang lahi rin.
Mabuhay si Pacman, mabuhay ang mga Pinoy!
Cristy Per Minute
by Cristy Fermin