PARANG MALAYO PA ang tingin natin sa darating na eleksiyon, pero para sa mga tradisyunal na pulitiko, ilang tulog na lang ‘yun. Dahil du’n, kanya-kanyang pag-iingay na ang mga pulitikong may pinupuntiryang posisyon sa 2010, pangnasyonal man o panglokal ang kanilang inaasinta, ngayon pa lang.
Hindi namin sinasabing lahat, pero maraming pulitikong nakikisakay sa kinang ng bituin ng mga artista. Ano nga ba naman kasi ang pinakamadaling paraan para sila mapag-usapan, ‘di ang gamitin ang mga sikat na personalidad?
Nasusulat sila, mapag-uusapan sa radyo at maiinterbyu sa mga talk shows. Kanya-kanyang paraan lang ‘yan. Merong pilit na ikinakabit ang pangalan sa isang sexy star. Kunwari’y nanliligaw ang pulitiko, pero ang totoo, ‘yun lang ang ginawa nitong pasaporte para umingay ang kanyang pangalan.
Meron namang nakikiangkas sa mga napapanahong isyu, para silang mga bawang na kasahog sa lahat ng lutuin. Tulad na lang ngayon, kinuwestiyon ng National Historical Institute ang tiyempo ng pagkanta ni Martin Nievera ng Lupang Hinirang sa nakaraang matagumpay na laban ni Manny Pacquiao.
Mali ang tiyempo, sigaw ng ahensiya, dahil ang dapat na 4/4 na beat lamang ng ating Pambansang Awit ay hindi ginawa ni Martin. May batas sa tamang pagkanta ng Lupang Hinirang, hindi maaaring baguhin ang tiyempo at mga letra ng Pambansang Awit, ayon sa tagapagsalita ng NHI.
Nakalulungkot na paraan ng pagpapasalamat ‘yun sa kagandahang-loob ni Martin na kumanta ng Lupang Hinirang sa salpukang Pacquiao-Hatton, ni libreng ticket o t-shirt nga ay hindi man lang nabigyan si Martin, pero ganito pa ang kinahinatnan ng ginawa niyang pagmamagandang-loob.
Meron nang nakiangkas sa isyu, may isang pulitikong nagpaplanong magdemanda kay Martin. Kailangan daw turuan ng leksiyon ang Concert King, dahil walang karapatan ang kahit sino na baguhin ang orihinal na tiyempo ng ating Pambansang Awit.
Wala rin daw karapatang kantahin ni Martin ang Lupang Hinirang dahil American passport ang kanyang ginagamit, isang tunay na Pilipino raw ang dapat kumanta nu’n sa laban ni Pacman.
OA ang dating sa amin ng pag-iingay na ito. Ni hindi man lang binigyang-halaga ang pagsisikap ni Martin na makabisa nang buong-buo ang mga letra ng Lupang Hinirang, kahit pa mas mahabang panahon ang ipinamalagi ng Concert King sa Amerika kesa sa ating bansa.
Para namang isang napakalaking krimen na ang ginawa ni Martin, samantalang ang pagkakanta niya naman ay mula sa puso, damang-dama mo ang sinseridad sa kanyang pagkanta.
Si Pacman ang pumili kay Martin Nivera para kumanta sa laban nito. Itinuring namang isang malaking karangalan ni Martin ang pagkanta ng Lupang Hinirang, pero ito pa pala ang paraan ng pasasalamat na matitikman niya pagkatapos ng lahat.
Sabi nga ni Martin, habang kumakanta siya sa gitna ng ring sa laban ni Pacman, hindi ang Concert King ang kumakanta, kundi isang ordinaryong Pilipinong nagmamalaki-nagyayabang na siya’y isang Pilipino.
Tantanan na nga tayo ng mga pulitikong ito na parang mangingisda na namamandaw ng magagamit na isyu sa dagat ng showbiz para lang umingay ang kanilang pangalan!
Ang dami-raming mas malalaking isyung dapat nilang unahin na paborable sa kanilang mga nasasakupan. Pero bakit ang hindi naman sinasadyang kakapusan ni Martin ang kanilang inaatupag?
HIYANG-HIYA SI MANNY Pacquiao kay Martin Nievera. Hindi niya akalain na sa ganito pala mauuwi ang hindi niya pagdadalawang-isip ng pang-iimbita kay Martin para kumanta sa kanyang laban.
Walang talent fee si Martin sa pagkanta, hindi rin ito nakatanggap ng balato mula sa Pambansang Kamao, ni libreng t-shirt nga, hindi ito nabigyan pero ang pangalan ng Concert King ang nakasalang ngayon sa kontrobersiya.
Hay, naku!
Muli, onli in da Pilipins.
Cristy Per Minute
by Cristy Fermin