Ilang araw na lang ay masasaksihan na ng buong mundo ang pinakahihintay na laban sa kasalukuyang panahon at pinaniniwalaang pinakamalaking bakbakan sa kasaysayan ng boxing. Ang Mayweather-Pacquiao fight ay inaasahang magtatala rin ng pinakamalaking kita sa larangan ng boxing. Maging ang presyo ng ticket ay aabot sa $25,000.00 o may katumabas na higit sa 1 milyong piso.
Ang mga kalsada ay tiyak na magmimistulang karagatan sa luwang ng trapiko dahil ang lahat ay tututok sa labanang ito. Gaya na rin ng mga nagdaang laban ni Pacman, maging ang bilang ng krimen ay nababawasan nang malaking porsiyento. Si Manny rin ang tila pinakamahalagang Pilipino sa mga oras na ito at ang lahat ng Pilipino ay nagkakaisa para sa kanyang kaligtasan at tagumpay.
Ano man ang maging resulta ng laban ni Pacman sa May 3 ay tiyak na papabor ito sa kanya bilang isang pulitiko. Ang pangalang Pacquiao ay llamado sa magiging karera ng mga kandidatong nagbabalak na tumakbo sa pagka-senador. Manalo man o matalo si Pacman sa laban niya sa Linggo, tiyak na magdadala ito sa kanya sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso o ang Senado.
DAPAT NAMAN talagang pasalamatan si Pacquiao dahil sa sobra-sobrang karangalan na ibinibigay niya sa bansa. Katulad ng isang magulang na labis ang kagalakan dahil sa pagkamit ng kanyang anak ng medalya at pagbibigay sa kanila ng karangalan at pagkilala, ang buong bayan ay nagdiriwang sa tuwing iuuwi ni Manny ang tagumpay. Gaya rin ng isang magulang, ang taong bayan ay sumusubaybay sa kanyang laban.
Ngayon ay haharapin ni Pacman ang kanyang pinakamalaking laban at pinakahihintay sa lahat. Ang pakiramdam kasi ni Manny ay labis siyang hinamak ni Floyd, gaya rin ng paghamak ng mga dayuhan sa ating kasaysayan. Kaya naman tinitiyak ni Manny na ang araw ng paniningil ay magaganap sa labanang ito. Sabi nga Freddie Roach, head coach ni Manny, na kakaiba ang ipinakikitang determinasyon ni Manny sa laban na ito.
Ang kaapihan na dinaranas ng mga OFW sa kamay ng mga amo nila sa iba’t ibang bansa sa mundo ay laganap pa rin magpa-hanggang ngayon. Marahil ay ito ang isa sa mga motibasyon ni Manny sa kanyang mga laban. Ang ipakilala ang lahing Pilipino sa buong mundo at bigyang-respeto ito. Sa maraming bagay, tayo ay minamaliit, ngunit sa larangan ng boxing, taas-noo tayong lahat dahil sa karangalang ibinigay ni Pacman sa bawat Pilipino.
ANG KARANGALAN at respeto na tinatamasa natin ngayon sa larangan ng boxing ay mula sa isang simpleng tao. Isang kayod-isang tuka sila Manny noon at pinilit niyang magtrabaho sa murang edad para makahanap lang ng pang-araw-araw na kakainin. Ipinasan niya sa kanyang balikat ang responsibilidad na buhayin ang kanyang pamilya nang magsimula siyang maging boksingero. Ito ang mga katangiang labis na hinahangaan ng mga Pilipino at siya ring ipinakikita sa mga pelikula bilang pagkatao ng mga bida.
Masasabing ang pagkataong ito ang sangkap para maging numero uno sa karera sa pulitika. Dahil ang bansa natin ay itinuturing na isang third world, kung saan mas marami ang maralita kaysa mayaman, nagkakaroon ng malaking bentahe sa pulitika ang mga kandidatong nakikita ng mga botanteng nabibilang o nagmula sa kanilang uring maralita. Dito namamayagpag ang pagkatao ni Manny.
Sa mangyayaring laban ni Manny sa Linggo, tiyak ang suporta ng bawat Pilipino. At kung ano man ang mangyari ay mananatili ang suportang ito kay Manny. Kung sakaling palarin si Manny at maiuwi niya ang tagumpay, siguradong mag-uumapaw ang kagalakan sa bawat sulok ng Pilipinas. Baka ipagtibay ng Kongreso ang pagkilala sa kanya bilang bayani at magtayo pa ng rebulto para kay Manny.
MAAARI RIN namang hindi palarin si Manny sa laban niya kay Floyd. Walang talo ang boksingerong ito at kilala sa pagiging matalino sa loob at labas ng ring. Isa rin siyang gold medalist sa prestihiyosong Olympics, kung saan ang pinakamahuhusay sa buong mundo sa larangan ng boxing ay naglalaban. Kung mangyaring matalo si Manny, natityak ko pa ring hindi mawawala ang suportang ito ng mga Pilipino. Gaya nga ng sinabi ko na, maihahalintulad sa relasyon ng isang magulang at anak, ang relasyon ni Manny sa buong bayan. Ang sambayanang Pilipino, gaya ng isang magulang, ay yayakapin si Manny at susoportahan ano man ang resulta ng laban.
Sa madaling salita, matalo man o manalo si Manny sa Linggo ay llamado siya sa mga Pilipino. Ang simpatiya ng mga Pilipino kay Manny ay mananatiling mainit sa kabila ng pagkatalo nito. Ang pagboto sa kanya ng mga tao ang magiging kongkretong simbolo ng kanilang suporta sa kabila ng pagkatalo sa laban. Ngunit, kung magtatagumpay si Manny sa laban na ito, kahit siguro pagkapangulo ay magkakaroon siya ng laban sa mga nangungunang pulitiko.
Napanonood ang inyong lingkod sa Aksyon sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Ang inyong lingkod ay napakikinggan at napanonood din sa Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Paanorin ang T3 Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30-5:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833.
Shooting Range
Raffy Tulfo