Pacquiao Overdose

WALA NA ba tayong iba pang mapag-uusapan kundi si Pacquiao? Sigaw ni Pete, aking barbero. Pahabol niya: Natalo, eh ‘di natalo. Tama na ang sisihan o iyakan. Bahala na si Manny ang sisihin o iyakan. Bahala na si Manny ang magdesisyon sa buhay niya. Napakarami na nating problema. Sa Mindanao, maraming nagugutom dahil sa baha. Marami pang ‘di nahuhukay. Ibaling natin ang atensiyon sa kanila. Tumango ang mga kausap niya. Naintindihan ang kanyang punto.

Ayon ako sa oberbasyon ni Pete. Sa loob ng isang dekada, wala na tayong pinag-usapan kundi ang ring career ni Pacquiao. Totoo, nagdala siya ng dangal sa ating bansa. Ngunit siya lang ba ang dapat pag-ukulan natin ng panahon? Trabaho, trabaho. ‘Yan ang dapat nating gawin para umunlad ang bayan at ating kinabukasan. Si Pacquiao ay bilyonaryo na. Pabayaan na natin siya.

Maaaring sabihin ng iba na ako’y kill joy. Maaari nga. Subalit gusto ko lang ilagay ang mga bagay sa tamang paglagyan. ‘Di si Pacquiao ang dapat na mga sentro ng ating atensiyon at buhay.

Sa kabilang dako, naawa ako sa ating champ. Nabubulagan siya sa malagim na katotohanan na palubog na sa kanya ang araw. Lahat ng bagay sa mundo ay may katapusan.

Sigaw rin ng kanyang ina, Aling Dionesia: “Hoy kayong mga ‘Merkanong promoter at coach, ‘wag na ninyong pilitin lumaban pa ang aking anak. ‘Di naman kayo ang nana-knock-out at nababasagan ng mukha. Tantanan na ninyo siya!” Galing sa puso ng isang nagmamahal at nagmamalasakit na ina. Wala na akong dapat idagdag.

Lahat ng material sa buhay ay tinatamasa na ni Pacquiao maliban sa katahimikan ng puso at isip. Bilanggo siya ng labis na pagkaganid. Ito nag kanyang malaking problema subalit tila ‘di niya batid. Sobra na! Tama na, Manny!

SAMUT-SAMOT

DINE-DEADMA NATIN ang problema laban sa China. Akala natin, kusang aalis ito. Ngunit nagkakamali tayo. Ang China ang bagong aggressor or imperialist ng ating panahon. ‘Di ang Amerika o ibang bansa. Katawa-tawa na ang ginagawa sa atin. Batok lang tayo ng batok. Ngunit ‘di pinapansin. Dapat tumawag si P-Noy ng national security summit tungkol sa problema. ‘Di ito kusang aalis.

ANO ANG hugis at tunog ng 2013? Bagong taon, bagong pag-asa. Huwag tayong bumitaw sa pananalig sa Diyos. Ngunit gawin natin ang dapat gawin. ‘Di dapat iasa ang lahat sa Diyos. Sukdulan ang kalamidad na sumakmal sa atin. Kahuli-hulihan ang bagyong “Pablo” sa Mindanao. Kahabag-habag ang mga kapatid natin doon. Tumulong tayo kahit bahagya.

ANIM NA buwan sa susunod na taon ay batuhan ng putik sa pulitika. Sana’y putik lang. ‘Wag bala. Nakabuti na ngayon pa lang tinututukan ni DILG Sec. Mar Roxas ang election hot spots. Subalit ang solusyon nito’y dismantling ng political warlord sa pagbabawal sa mga unauthorized firearms. Ang PNP ay magsumikap na maging neutral. Ang Comelec ay dapat maging doubly efficient at ipatupad nang mahigbit ang batas. Mga pulitiko ay dapat mahinahon at mamamayan ay dapat mapagmatiyag.

MGA KAULULAN na namang pelikula ang entries sa taunang Manila Film Festival. Ang pinag-isang pelikula nina Bong Revilla at Vic Sotto ay maaaring mamayagpag na naman. Ganito rin ang “Shake, Rattle and Roll.” Wala na ba tayong may kabuluhang pelikula na ipalabas? Mga walang social o cultural values ang mga ito. Taun-taon, ganyan ang uri ng pelikula. Kinikiliti ang mahihirap na manonood ng mga corny at toilet jokes. Ang “El Presidente” ni Gov. E.R. Ejercito ay kaiba. May historical value sapagkat tungkol sa buhay at kabayanihan ni Gen. Emilio Aguinaldo. Ganitong uri ng pelikula ang dapat panoorin.

NAKIKIRAMAY AKO kay Pareng Roy Acosta, editor ng Business Mirror, sa pagkamatay kamakailan ng kanyang kaisa-isang anak, Noy, sa batang edad na 47. Biktima ng heart attack. Mahapdi, masakit ang nangyari. Subalit dapat tanggapin ang kalooban ng Diyos. Ang buhay ay maikli. Ito ay hiram. Kaya dapat maging handa ‘pag tinawag sa itaas.

HALOS BUWAN-BUWAN, ‘di ako nawawalan ng dumadalaw na kaibigang pumapanaw. Pabirong wika ni Zip Roxas, isang beteranong journalist, “very active daw si kalawit.” Ay, talagang ganyan. Kaya nararapat na punuin ng magandang alaala ang bawat segundo ng hiram na buhay.

BUMULUSOK SA 4th place si Rep. Cynthia Villar sa mga surveys ng Pulse Asia at SWS. Nakatulong nang malaki ang milyun-milyong ginagastos niya sa TV ads at ang pamimigay niya ng house and lot sa “Wil Time, Bigtime” program sa Channel 5. Ito ang lamang ng bilyonaryang kandidato. Kawaawa ang mga walang naiba-budget sa TV ads. Dadamputin sa kangkungan. Biro mo P365,000 ang bayad sa 5 second na commercial ads. Si Villar ay naglalabas ng ads 5 beses isang araw sa dalawang major stations. Kuentahin ninyo kung magkano ito.

SA RECENT senatorial survey, bumaba sina Sen. Anthony Triallanes at Rep. SonnyAngara. Delikado ang 10th-12th posisyon nila. Mahigpit ang labanan sa panghuling posisyon. Si Bam Aquino ay nanganganib din. Numero 19th. Kahit anong hila paitaas ang gawin, malabo. Sa tingin ko, wrong timing ang kanyang pagtakbo. Hilaw pa.

KAIBA SI VP Jojo Binay. Mag-text ka sa kanya, siguradong sasagot siya. ‘Di tulad ng iba. Sampung text na walang acknowledgement o sagot. Sa akin, nakaiinis at nakaiinsulto ang ganitong tao. Ugali kong mag-text back. Dangan lamang, nade-delay kasi drayber ko ang gumagawa. Hanggang ngayon, ‘di pa ako marunong mag-text. He, he, he.

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Previous articlePinoy Parazzi Vol 6 Issue 7 December 17 – 18, 2012
Next articleAnak Na Hinold Ng Among Barangay Chairman, Natubos Na

No posts to display