HINDI LANG malaking isda kundi ay mala-balyena pa nga ang pinag-aagawang Bonifacio Global City (BGC) ng lungsod ng Makati at Taguig. Humigit-kumulang na P6 billion ang kinikita ng Taguig mula sa buwis na nakokolekta sa BGC taun-taon. May bonus pa ang Makati kung magkataon dahil babawiin pa nila ang kabuuang kita ng Taguig ng 20 taon galing sa buwis.
Naghahanda ang Makati para sa pag-“takeover” nito sa BGC matapos magdesisyon ang Court of Appeals (CA) na ibasura ang inilabas na injunction ng Pasig court noong 1994 na pumabor sa Taguig. Binaligtad din ng CA ang desisyon ng Regional Trial Court ng Pasig nitong 2008 lamang na nagsasabing sakop ng Taguig ang pitong military barangay, ang inner Fort barangays at ang high-end na Bonifacio Global City.
BUKOD SA bilyong halaga ng pera at mga business groups na nakabase sa BGC, ang isyu rito ay masalimuot kaugnay ang maaaring mangyari sa Taguig City. Una na rito ay ang pagka-reclass ng Taguig pabalik sa munisipalidad dahil sa malaking pagbaba ng kita nito mula sa buwis.
Kung magkakaganito, maapektuhan ang interes ng buong Taguig mula sa mga pangunahing sangay nito hanggang sa pinakamaliit na unit ng lungsod. Una na ang budget at pondong nagpapagalaw sa mga proyekto para sa mga paaralan, barangay, kalsada, ospital at pangkabuhayan.
ANG KASONG ito ay 20 years nang dinidinig ng korte. Pinunto ng desisyon ng CA ang Presidential Proclamation 2475 ni dating Pangulong Ferdinand Marcos noong 1986 at Proclamation 518 ni Pangulong Cory Aquino noong 1990 na nagdeklara na nasasakop ng Makati ang 729 ektaryang lupa ng Fort Bonifacio.
Kung lalawakan natin ang pagtingin sa kasong ito, ang Presidential Proclamation 2475 at 518 ay hindi pinansin ng Pasig Court noong 1994 at 2008. Hindi ito constitutional dahil sa mga mas mabibigat na evidence na prinisinta ng Taguig. Kung gano’n, ano ang naging turning point ng kaso?
Napag-alaman ko na binigyang-diin ng CA ang pagtanggap ng mga “questionable evidence” ng Pasig Court na diumano’y hindi sumunod o nagkaroon daw ng “violations of rules of court”. Hindi raw dapat naiprisinta ang mga ebidensya na iyon dahil may mga ebidensyang hindi dapat tinanggap “under the rules of court” base sa mga teknikalidad.
Lumalabas ngayon na “discretion” ang isyu dahil tumanggap ang Pasig Court ng ebidensyang hindi dapat at nakaapekto ito nang malaki para pumabor ang desisyon ng korte noong 1994 at 2008 saTaguig.
Kung “discretion” nga, ang ibig sabihin ba ay maaaring may nakaimpluwensya sa Pasig Court? Sino naman ang maimpluwensyang may interes dito para sa Taguig?
Sa kabilang banda, baka naman tama ang disposisyon ng Pasig Court. Bakit hindi nakita ang “violations of rules of court” noong 2008 nang nagbaba ng desisyon ang Pasig Regional Trial Court? Bakit ngayon lang nakita ang puntong ito?
Hindi kaya ang impluwensya at pulitika ay ngayon mismo nagaganap dahil may mas mataas na opisyal ng gobyerno ang may mas malaking interes dito?
Si Vice President Jejomar Binay ay matagal naging Mayor ng Makati at noong 2010 election ay nanalo siya bilang pangalawang Pangulo. May kinalaman ka ba rito, Mr. Vice President?
Ang inyong lingkod ay napakikinggan sa Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at sa 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo