ANG ISANG lipunang may demokrasya ay naggagarantiya ng pagkakapantay-pantay ng karapatan ng mga tao maging mayaman man ito o mahirap. Ang pamahalaan ang siyang nangangalaga sa pantay na karapatang ito at siya ring umuusig sa mga mapang-abuso.
Ang kapangyarihang mayroon ang pamahalaan ay ipinagkakaloob lamang ng mga tao na nananalig sa katapatan ng gobyerno at ng mga ahensya nito. Kung ang mga patakarang ipinaiiral upang magkaroon ng kabutihan sa isang lipunan, ay sumasalungat sa unang prinsipyo ng demokratikong bansa, kung saan ang pagkakapantay-pantay ng karapatan ng bawat miyembro ng lipunan ay mahalaga, dapat itong baguhin upang maging angkop sa Saligang Batas na siyang pangunahing gabay ng isang lipunan.
Ang nais kong puntuhin sa artikulong ito ay dalawang isyu ng pag-aabuso sa kapangyarihan na kumatok sa ating lipunan. Una ay ang isyu ng “off-loading” ng Bureau of Immigration at pangalawa ay ang naging kapalpakan ng isang opisyal ng Cebu Pacific sa hindi pagpapasakay sa isang batang pasahero dahil umano sa kuwestyonableng sira sa pasaporte nito.
ANG MAKAPAGBIYAHE sa ibang lugar ay isang karapatang ginagarantiyahan ng ating Saligang Batas para sa bawat isang mamamayang may legal at mabuting pakay para sa ikauunlad nito o maging sa pansariling benepisyo.
Hindi dapat ito pumapabor sa mga iilang makapangyarihan o mayayaman sa lipunan. Ang karapatang ito ay dapat para sa lahat ng taong may lehitimong pakay at papeles, maging mayaman o mahirap man ito.
Ang Bureau of Immigration ang ahensyang nagangalaga sa mga transakyon sa lipunang may kinalaman sa paglalakbay, paalis man o papasok sa loob ng ating bansa.
Ngunit nitong mga nakaraang araw ay naging usap-usapan ang umano’y hindi makatuwirang paghihigpit ng mga Immigration officer sa mga ordinaryong kababayan nating nagnanais makapagbiyahe sa ibang bansa.
Ang polisiyang “off-loading” ay ang hindi pagpapasakay sa eroplano ng mga biyaherong pinigilan ng mga Immigration officer dahil sa hindi sila nakapasa sa mga pagtatanong at “standard” ng mga Immigration officer base sa pag-uusisang ginawa ng mga ito.
Ang pagsasala sa mga mananakay ng eroplano ng mga Immigration officer natin sa bansa sa pamamagitan ng ilang mga katanungan ay dati ng bahagi ng sistemang pinaiiral sa ating mga malalaking paliparan. Ngunit ang “off-loading” na pinag-uusapan ngayon ay naiiba dahil ito ay hindi nagiging patas sa mga mamamayang nagnanais makalabas ng bansa base sa kanilang katayuan sa buhay.
Mas nagiging pang-mayaman at edukado ang mga tema ng pagtatanong ngayon at kadalasan ay humuhusga ito sa kakayahan ng isang pasahero na gumastos at makapaglabas ng pera. Hindi naman lahat ng gustong makapagbiyahe palabas ng bansa ay mayayaman at may pinag-aralan. Maraming mga biyaherong mahihirap at walang pinag-aralan na ang tanging pakay ay makapagtrabaho sa ibang bansa o hanapin ang kanilang kapalaran sa buhay. Hindi sila dapat nalilimitahan sa buhay.
Ang mga maralitang ito ay hindi dapat nalilimitahan ng bagong patakarang “off-loading” dahil lamang hindi nila nasasagot ang mga tanong ng mga Immigration officer gaya ng kung paano ito sagutin ng mga mayayaman at may pinag-aralan. Ito ay isang uri ng paghamak at hindi pagkakapantay-pantay sa karapatang ipinagkaloob sa atin ng ating saligang batas.
Dapat ay pag-aralang mabuti ng pamunuan ng Bureau of Immigration kung papaano dapat tanungin at husgahan ang mga nagnanais na bumiyahe palabas ng bansa. Dapat din ay busisiin ng Korte Suprema kung may nalalabag na karapatang pantao ang “off-loading” policy.
Kung ipinagmamalaki natin ang ating mga magagandang lugar dito sa Pilipinas at hinihikayat nang buong pagtanggap ang mga turista ng ibang lahi na magpunta sa atin, dapat ay gayun din ang pagsuporta ng ating pamahalaan sa mga Pilipinong nais lumabas ng bansa sa pamamagitan ng mga ahensya nitong may tungkulin sa ganitong aspeto ng kalakaran.
Ang bawat isang Pilipino, lalo na ang mga maralita ang siyang dapat mas ginagabayan ng ating pamahalaan at hindi pinagmamalupitan.
NITONG NAKARAANG mga araw ay napabalita sa mga pahayagan at pinag-usapan sa mga social media networks ang hindi pagpapasakay ng isang opisyal ng Cebu Pacific sa isang batang pasahero dahil umano sa depektibong pasaporte, sa kabila ng pagmamakaawa ng ina ng bata dahil sa may imporanteng medical appointment ang mga ito sa bansang nais nilang puntahan.
Kalaunan ay nakasakay na rin ang mga pobreng biyahero sa ibang flight makaraang sabihin ng DFA na wala namang depekto ang pasaporte ng bata. Ito ay malinaw na isang uri na naman ng pang-aabuso sa kapangyarihan ng opisyal na ito ng Cebu Pacific.
Hindi masama ang mag-ingat sa mga pasaherong pinasasakay sa eroplano lalo’t kamakailan lang ay may eroplanong nawawala at hinihinalang biktima ng high jacking. Ngunit dapat ay maging matalino at mapang-unawa pa rin ang mga opisyal ng airlines lalo’t ang nakasalalay sa biyahe ay may kinalaman sa kalusugan.
Isang bata ang pinaghihinalaan at may malubhang karamdaman pa. Wala bang utak o common sense man lang ang opisyal ng Cebu Pacific na ito at hindi binigyan ng konsiderayon ang batang may sakit. Kung namatay ang batang ito dahil sa hindi naibigay ang kinakailangang agarang lunas sa lalong madaling panahon, dahil naantala ang biyahe nito bunsod ng kapalpakan ng opisyales na ito ng Cebu Pacific, ay maibabalik ba nila ang buhay ng bata?
Dapat ay maging malinaw ang mga patakaran sa mga paliparan sa mga ganitong aspeto at problema. Dapat ay maging maagap din ang DFA sa pagtugon sa mga problemang ganito.
Sabi nga sa isang kasabihan, aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo.
Ang inyong lingkod ay napakikinggan at napanonood sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo