KUNG MAAALALA n’yo ay hindi itinuloy ang eleksyon sa Sangguniang Kabataan (SK) noong nakaraang taon. Bukod dito ay nagkaroon pa ng hakbang ang Kongreso na tuluyan nang tanggalin ang SK sa mga barangay dahil maraming kaso ng katiwalian ang nag-uugat dito at nagsasangkot maging sa mga kagawad at barangay chairman. Ang reklamo ng marami ay tila ginagamit lang ang SK ng mga tiwaling opisyal ng lokal na pamahalaan para sa kanilang mga kalokohan.
Marami rin ang nagsasabi na tila nagiging training ground ito ng mga kabataan kung paano kikita at mag-kickback sa pondo ng barangay. Nakalulungkot isipin na taliwas ito sa prinsipyo at pilosopiya ng batas na nagsulong sa SK. Dito sana magmumula ang mga bagong lider ng bayan, ngunit iba ang nagiging bunga nito. Maaga pa lang, marunong na silang mamulitika at karamihan sa mga naging opisyales ng SK ay pawang mga anak din ng mga barangay chairman, mayor at gobernador.
Ang sabi ni Gat Jose Rizal ay ang kabatan daw ang pag-asa ng bayan. Sa tamang edukasyon at kasanayan sa pamumuno at pagiging lider sa mga barangay at komunidad ay tiyak na magbubunga ito ng mahuhusay na pinuno ng ating bansa sa hinaharap. Sila na nga sana ang tinutukoy ni Rizal na pag-asa ng bayan. Sa artikulong ito ay pag-uusapan natin ang mga bagong patakaran sa SK at ang ginawang pag-amyenda dito. Sisiyasatin natin kung sa pagkakataong ito ay magiging angkop na ang SK sa tinutukoy nating pag-asa ng bayan!
SERYOSO AT hindi biro ang mga reklamo ng katiwalian at korapsyon na nakarating sa mga mambabatas kaya naman hindi sila nagdalawang-isip na amyendahan ang mga alituntunin sa SK, kasama ang Department of Interior and Local Government (DILG). Sa bagong SK ay may mga pagbabagong sa tingin ko ay higit na makapagpapabago sa maruming imaheng nabuo ng SK sa lumipas na maraming taon. Ito ang mga sumusunod: Una, ay ang paglilimita ng age range ng mga maaaring kumandidato sa 18-24; pangalawa, ang pagtataguyod ng Local Youth Development Council; ikatlo, ang pagbabawal na kumandidato ang may kaanak na kasalukuyang nanunungkulan sa nasyonal at lokal na pamahalaan hanggang sa ikaapat na pagkakaugnay sa dugo.
Si Senador Bam Aquino ang nangunguna sa pag-aamyenda ng batas hinggil dito. Ang Senate Bill no. 2401 o mas kilala sa tawag na Youth Development and Empowerment Act 2014 ay naglalayong pagandahin ang mga alintuntunin ng SK upang tunay nitong magampanan ang tungkulin sa pagsasanay ng mga kabataan upang maging mahuhusay na pinuno ng ating bansa. Ito rin ang dahilan kaya’t muling hinihiling ng senador na ipagpaliban ang eleksyon ng SK na magaganap sana sa buwan Pebrero 2015 at ililipat sa Oktubre ng 2016.
Ang paglilipat ng eleksyon ng SK sa ikalawang pagkakataon ay upang mapaigi pa ang mga reporma na nais ng mga mambabatas maipatupad. Noong Oktubre pa ng 2013, unang ipinagpaliban ang SK election kaya naman inaalmahan ito ng National Youth Commission (NYC). Sinabi ng NYC Assistant Secretary na si Percival Cendaña, magiging malaking pagbabale-wala ito sa karapatan at kakayahan ng mga kabataan na makilahok sa pamahalaan. Ipinag-uutos ng batas ang pakikilahok na ito kaya’t dapat itong galangin ng mga mambabatas.
SA TINGIN ko ay may punto naman ang paglilimita sa edad na 18-24 sa mga kakandidato sa SK election. Ang nangyayari kasi noon ay tila sunud-sunuran lamang ang mga SK officers sa mga kagawad, barangay chairman ng kanilang lugar. Parang mga robot na inuutusan lamang. Madaling mabilog ang ulo ng isang taong wala pa sa edad na 18. Ito ay ayon sa pag-aaral ng mga psychologist at sociologist. Hindi gaya ng taong umedad ng 18 pataas na nagkakaroon ng malaking kumpiyansa sa sarili. Nakapagdedesisyon sila nang mag-isa at hindi naiimpluwensyahan ng mga nakatatanda sa kanya.
Maganda rin ang panukalang hindi papayagang kumandidato ang isang may kaugnayan sa dugo, hanggang sa ikaapat na lebel ng pagiging magkamag-anak. Ito ay upang maputol na ang tradisyunal na political dynasty. Napansin kasi ng mga akademiko na ayon sa isang pag-aaral ay nagiging tulay lamang ang SK noon sa pagkakaroon ng political dynasty. Ito ang dapat putulin. Sa pamamagitan din ng panukalang ito ay mabibigyan ng pagkakataon ang mga kabataang hindi napabibilang sa mga pamilya ng traditional politicians. Ito ay isang magandang hakbang para matapos na ang problema natin sa political dynasty na kadalasang pinagmumulan ng korapsyon sa kapangyarihan sa pamahalaan.
Ang pagsusulong ng Local Youth Development Council ay maganda rin upang masigurong ang lahat ng mga youth at student leaders ay makalahok sa mga proyekto at ugnayan ng SK. Masinop nitong mahahanap ang mga mahuhusay na youth leaders at magagamit ang kanilang talento sa pagpapaunlad ng SK at mga proyekto nito.
SA TINGIN ko ay mahalaga na hindi madaliin ang pagbabalik ng SK upang mapaghandaan pa ito ng mga karapat-dapat na kabataang kakandidato. Mas maigi rin na lalo pang mapaganda ng mga mababatas ang mga bagong probisyon dito na magtitiyak na ang mga kabataan ang tunay na pag-asa ng bayan.
Ang inyong lingkod ay napakikinggan sa Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.
Napanonood din ang inyong lingkod sa newscast na Aksyon sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 12:00-12:30 noon. At sa T3 Enforced, 12:30-1:00 pm, Lunes hanggang Biyernes pa rin sa TV5.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo