NARARAPAT LAMANG NA suriin ang pag-iisip ng isang kandidato, lalo na ang tumatakbo sa pagkapangulo, ang kundisyon nito sa kalusugan.
Ito ang binigyang-diin ni Senate President Juan Ponce-Enrile, kaugnay ito sa kumakalat umanong pekeng psychiatric report laban kay Sen. Benigno “Noynoy Aquino III, na lumalabas na umano’y may problema sa pag-iisip.
“That is fair game, dahil he’s going to be the president of the country. He has to make decisions. Eh, kung may topak? Pa’no ‘yun? Dapat na mentally at emotionally stable ang mga kumakandidato sa pagkapangulo,” diin ni Enrile.
Sinabi pa ni Enrile na kung hindi nabibigyan ng kaukulang pagsusuri sa pag-iisip ang isang kandidato, maaring maging kagaya sila ni Roman Emperor Caligula na ginawa niyang consul ang kabayo niya.
Pinayuhan din ni Enrile si Sen. Manuel Villar na dapat na suriin din kung nagsisinungaling ito dahil sa dapat na maging candid ang isang pangulo, transparent at hindi nagsisinungaling sa mga mamamayan.
Kaugnay pa rin ng iringan sa pagitan nina Aquino at Villar, ipinagpapalagay ni Enrile na mas marami pang mga batuhan ng putik ang magkabilang panig, kaya’t dapat ay matibay ang sikmura ng mga ito.
Idiniin pa ni Enrile na naniniwala siyang ‘destiny’ ang pagiging pangulo. “Kaya’t ‘yung magagaling ay hindi nakakapasok at ‘yung mediocre, sila’ng napapasok. ‘Yung mga magagaling magtago ng kanilang mga kasalanan ang napapasok,” sabi ni ni Enrile.
(Cynthia Virtudazo)