Pagbabago ng Pangalan sa Birth Certificate

Dear Atty. Acosta,

ANG NAKALAGAY sa birth certificate ko ay Daisy, ngunit ibang pa-

ngalan ang ginagamit ko simula pagkabata. Ano po ba ang dapat kong gawin gayong ayaw nang tanggapin ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang Affidavit na nagpapaliwanag sa pagkakaiba ng pangalan na nakalagay sa birth certificate ko at sa iba ko pang rekords. Kailangan ko raw munang ayusin ang pangalan ko, bago ako makakuha ng passport. Sabi po nila ay magkakagastos daw ako ng pitong libong piso para maayos ang pangalan ko. Wala na po bang ibang paraan para maayos ang pangalan ko nang hindi gumagastos ng ganong halaga?

Salamat po,

Vanessa

Dear Vanessa,

AYON SA R.A. 9048 na pinamatagang “An Act Authorizing the City or Municipal Civil Registrar or Consul-General to Correct a Clerical or Typographical Error in the Entry and/or Change of First Name or Nickname in the Civil Register without Need of Judicial Order, Amending for this Purpose Articles 376 and 412 of the Civil Code of the Philippines maaari mong baguhin ang pangalan na nakalagay sa iyong birth certificate kung ang pangalang ginagamit mo ngayon ay siyang ginagamit mo mula pagkabata at kilala ka na sa pangalang iyon. Ito ay naaayon sa Section 4 ng R.A. 9048 na nagsasaad na: The petition for change of first name or nickname may be allowed if the new name has been habitually and continuously used by the petitioner and he has been publicly known by the first name or nickname in the community.

Para mabago ang pangalan sa iyong birth certificate kinakailangan mong magsumite ng isang petition kaugnay sa kahilingan mong palitan ang pangalan mo sa iyong birth certificate. Ito ay isusumite mo sa Local Civil Registry ng lungsod o munisipyo kung saan nakarehistro ang iyong kapanganakan. Kinakailangan mo ring magsumite ng certified true machine copy ng pahina kung saan nakasulat ang entry na nais mong mapalitan; dalawang dokumento, public o private, na pagbabasehan ng pagpapalit o pagbabago ng pangalan; at iba pang dokumentong kinakailangan para sa aplikasyon. Dapat ka ring magsumite ng kaukulang clearances galing sa mga law enforcement agencies bilang patunay na wala kang pending case o criminal record (Section 5, R.A. 9048).

Para sa halaga na ibabayad mo sa iyong aplikasyon, makabubuti kung sasadya ka nang personal sa local civil registry, kung saan nakarehistro ang iyong kapanganakan upang tanungin ang kaukulang filing fee. Kailangan mo ring magbayad para sa publication ng iyong petition dahil ang nasabing petisyon ay kinakailangan na mailathala sa isang newspaper of general circulation ng isang beses sa magkasunod na dalawang linggo. Ang bayad naman para sa publication ay dedepende sa dyaryo o tabloid na lalathala sa iyong petisyon. Hindi mo naman binanggit sa iyong salaysay ang paraan na sinabi sa iyo ng Department of Foreign Affairs (DFA) kung saan ay magbabayad ka ng pitong libong piso para maayos ang iyong pangalan sa birth certificate. Sa sitwasyon mo, ang paraan na nakasaad sa R.A. 9048 ang pinakamabilis na solusyon para mabago ang pangalan sa iyong birth certificate. Maaari ka rin naman magsampa sa korte ng kaukulang petisyon ngunit ang prosesong ito ay matagal.

Malugod po namin kayong  inaanyayahan na manood ng “Public Atorni” sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, sa ganap na 4:30 ng hapon.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleSorrow Express
Next articleSapilitang Fundraising ni Ma’am!

No posts to display