NAKAUSAP NAMIN SAGLIT si Bianca Gonzales nang madalaw kasi sa SNN (Showbiz News Ngayon) nila ni Kuya Boy Abunda at may magandang balitang hatid ang kaibigan nina Toni Gonzaga at Mariel Rodriguez, na naipit nga sa nag-uumpugang bato nang magkaroon ng hidwaan ang dalawa.
From Bianca, sinabi nitong may magandang gesture ng namamagitan sa dalawa niyang kaibigan. Dahil nagte-text na raw si Mariel kay Toni, nang i-congratulate nito si Toni sa pelikula nila ni John Lloyd Cruz, ang My Amnesia Girl, na naging successful sa box-office.
Nag-thank you naman daw si Toni sa kaibigang si Mariel. Kaya nga hopeful si Bianca na hindi matatapos ang taon at mabubuo na naman ang triumvirate nila, kahit pa sabihing sandali lang ito magaganap for the meantime.
Kinumpirma na rin ito ng manager ni Mariel na si Kuya Boy.
“Hindi pa sila nagkikita pero ibig sabihin, it was good enough na may ganu’n, I think it’s a good start. There was a move, parang twice yatang nag-text, I’m not quite sure. Alam ko, nag-congratulate and Toni answered. It can be a start of something,” sabi pa ni kuya Boy.
Dagdag pa nito, “Siguro naman ay right time na rin for the two na ayusin na ang kung anumang differences since magpa-Pasko naman. Hindi kailangang i-push. It will take its natural course. Magkakasalubong at magkikita rin ‘yan. In the interview I had with Robin (Padilla), very open na ito sa pagsasalita about the two. At ‘yun din ang gusto niyang mangyari dahil alam niyang may magandang pinag-ugatan ang friendship ng dalawa.”
Nasa negotiation process pa raw ang napapabalitang pagbabalik ni Mariel sa telebisyon. Hindi naman daw kasi puwedeng sila lang ng kanyang alagang si Mariel ang nagpaplano ng lahat-lahat.
BINIBIRO NG MGA kaharap niya sa presscon ng entry ng RVQ Films na Father Jejemon” si Zsa Zsa Padilla na baka raw siya na ang susunod sa yapak ng matriarka ng Regal Films na si Mother Lily Monteverde sa pagiging isang producer.
Kahit na nga sa kalagitnaan na ng production pumasok si Zsa Zsa as producer nito, hands-on pa rin naman daw na masasabi ang naging pag-aasikaso niya sa budget at iba pang nakaka-stress na trabahong kinaharap niya sa kanilang produksyon.
“Ayoko naman kasi nu’ng nagpapatung-patong ang mga bills, ‘yung mga kailangan ng bayaran. Although at this point, siyempre, may mga reports ka pa ring kailangang hintayin. Hindi pala puwedeng sabay-sabay lahat na nand’yan na. Siyempre, mas sanay ako sa budgeting ng isang working Mom, ‘yung ginagawa ko sa budgeting sa bahay namin. Dito iba pala. Pero I’m getting used to it. Kasi, noon pa naman, plano na talaga namin ni Dolphy ang mag-produce ng indie films. Pero rito ako nasalang ngayon kaya, napag-aralan ko na the things I need to know and do.”
Nagiging emosyonal si Zsa Zsa when it comes sa mga tira sa kanyang Lovey na nagsasaad na dapat na itong mamahinga at tigilan na ang pagganap sa TV man o sa pelikula.
“Dolphy never hid naman the fact na kumbaga, retired na siya, eh. Kaya lang, gaya ng sabi niya, when an offer comes, it gives him that adrenaline rush. Kasi nga, this is his passion. Kaya kahit alam din namin na in some ways eh, mahihirapan siya physically, siya pa rin ang magsasabi kung kaya niya o hindi. And he loves what he does kaya bakit namin pipigilan? Kaligayahan na niya ito. Kaya, sana, hindi na nagsasabi ang iba na up to the last breath, parang ipinaghahanap-buhay lang niya ang pamilya niya. Totally not true!”
Eh, mga miron lang naman na walang alam sa buhay-pag-ibig nila kasi ang mahilig tumira sa kanila pagdating sa mga ganitong bagay.
Dolphy is already a national treasure. Anuman ang gawin nito, mahal ito ng masang Pilipino and it will stay that way hangga’t naghahatid pa siya ng kasiyahan sa bawat Pinoy na mahilig sa klase ng pagko-Comedy niya.
The Pillar
by Pilar Mateo