SA PAGBUBUKAS ng Radyo Singko 101.9 News FM sa Davao, minarapat ng inyong lingkod na personal na makasama ang mga Kapatid nating Davaoeño upang doon naman ay makapagbigay ng aming taos-pusong paglilingkod.
Alinsunod sa paglunsad ng 101.9 News FM, tatlong araw ng serbisyo ang inihatid ng TV5 kasama ang inyong lingkod at ng iba pang celebrities mula Disyembre 1 hanggang Disyembre 3.
ISANG MOTORCADE ang naganap noong Disyembre 1 ng umaga at isa namang mall show sa SM City Davao ang inihatid ng ating mga kapatid mula sa TV5 noong kinahapunan para sa Radyo Singko Todo Radyo Serbisyo event, upang ipamalas ang pagbubukas ng nasabing News FM sa nasabing lugar. At isang concert ang inihanda ni Megastar Sharon Cuneta sa Abreeza Mall noong Disyembre 2.
At noong Disyembre 3, inilunsad ng inyong lingkod ang Radyo Singko Taxi Squad sa SM City Davao kung saan nabig-yan ng pagkakataong sumali ang ating mga Kapatid na taxi driver. Libreng gupit, medical check-up at iridology check-up, masahe, stickers, at merienda ang ating ibinahagi sa kanila.
Kasabay ng pagdaraos ng Radyo Singko Taxi Squad ay ang opisyal na pagbubukas ng Radyo Singko 101.9 News FM Davao sa ere. Ating naisagawa ang sabay na pagbo-broadcast ng WANTED SA RADYO mula sa Maynila, kung saan naroon si Niña Taduran, at Davao para sa inyong lingkod. Atin ding narinig ang ilan sa mga sumbong ng ating mga Kapatid na taxi driver sa Davao na ating naaksyunan.
Taos-puso ang aking pasasalamat sampu ng aking mga kasamahan sa Radyo Singko at TV5 para sa napakainit na pagtanggap ng mga Davaoeño sa amin. Makaaasa kayo na patuloy naming gagawin ang lahat ng aming makakaya upang makapaghatid sa inyo ng tapat at mabilis na serbisyo.
ISA SA mga naaksyunang problema ay ang idinadaing ni Mang Edgardo Aseo, isang karpintero. Aminado si Mang Edgardo na siya ay isang squatter sa isang lupain sa Davao. At handa siyang umalis anumang oras, kahit pa baklasin ang kanyang ginawang bahay sa lugar. Ngunit isang balahurang pulis at tatlo pang kasama ang nagpalayas at umagaw sa kanyang bahay nang basta-basta.
Ang habol lamang dito ni Mang Edgardo ay ang kanyang mga gamit sa panghanap-buhay bilang isang karpinterpo, ngunit hindi ito naiintindihan ni SPO1 Wilfredo Andrel.
Sinubukan naming kausapin si SPO1 Andrel ngunit hindi niya sinasagot ang aming tawag. Minarapat naman naming lumapit kay Davao Vice Mayor Rodrigo Duterte at kanyang iminungkahi na ayusin ang problema sa Ombudsman. Amin ding nakausap ang Davao Police Director Col. Ronald dela Rosa at nangakong uutusang mapaalis ang mayabang na pulis na ito sa lugar, ibalik ang gamit ni Mang Edgardo, at sisiguraduhing walang titira sa nasabing lupa hangga’t hindi nalulutas ang kaso.
Ilang malalaking tao na ang aming nilapitan at mukhang hindi talaga natatakot itong ubod ng yabang na si SPO1 Andrel. Wala talagang balak umalis ang balahura sa lupa na hindi rin naman kanya. Ipinagyayabang ang pagka-pulis upang makapanakot. At imbes na ang sibilyan ang pino-protektahan, mukhang ang mga sibilyan pa ang dapat umiwas sa kanya.
Ano ba ang ipinagmamalaki mo SPO1 Andrel? Napakaliit na bagay lang naman ang hinihingi ni Mang Edgardo. Sana’y sumunod na lamang tayo sa batas, kung saan dapat nga ay alam n’yo na sa una’t sapul pa lang.
ANG INYONG lingkod ay napakikinggan sa programang WANTED SA RADYO sa 92.3FM, Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00pm. Ito ay kasabay na mapanonood sa AksyonTV Channel 41. Sa mga nais magsumbong o magreklamo, mag-text sa aming text hotline sa 0917-7WANTED.
Ang inyong lingkod ay mapanonood din sa T3 Reload, Lunes hanggang Biyernes, 5:30-6:00pm sa TV5.
Shooting Range
Raffy Tulfo