NOON PA man ay naging problema na ng Hari ng España ang pakikialam ng mga prayleng Kastila sa pagpapatakbo ng politika sa Pilipinas noong panahon ng kolonisasyon sa ilalim ng bansang España. Katunayan ay pinabalik ang mga Hesuwitang prayle sa España dahil sa mga isyu ng katiwalian at korapsyon. Kaya naman namayani ang kapangyarihan ng mga Dominikanong prayle sa bansa. Bungsod nito ay nakuha nila ang maraming lupain sa Luzon, partikular ang probinsya ng Laguna. Itinatag din nila ang pinakamatandang unibersidad sa Asya at ito ang Unibersisdad de Santo Tomas o mas kilala ngayon sa katawagang UST.
Ang awayang politika rin sa pagitan ng mga Hesuwita at Dominikanong prayle ang naging mitsa ng pagpapatalsik sa mga Heswita sa Pilipinas. Nakabalik na lamang ang mga Heswitang pari sa pagbubukas nila ng isang maliit na paaralan sa Maynila para sa mga batang lalaki, na ngayon ay mas kilala sa pangalang Ateneo de Manila.
Ang gulong ito na dulot ng pakikialam ng mga prayle sa mga gawain at desisyon ng pamahalaan ang isa sa mga naging basehan ng paghihiwalay ng simbahan at gobyerno nang isulat ang unang Saligang Batas ng Pilipinas sa simbahan ng Malolos, Bulacan na lumikha sa tinaguriang “The Malolos Republic”. Si Heneral Emilio Aguinaldo ang iniluklok bilang pangulo sa gobyerno ng Malolos.
BAKIT BA tila hindi maunawaan ng ilang mga obispo ang pilosopiya sa ginawang paghihiwalay na ito sa kapangyarihan ng simbahan at gobyerno sa ating Saligang Batas? Paulit-ulit na lang ang usapin hinggil dito sa napakaraming isyung pinagdebatehan sa mga lansangan, opisina, paaralan, at Kongreso. Ngayon, isang obispo na naman ang pumupilit sa pamahalaang Aquino sa isyu na dapat nang palayain si dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo mula sa pagkakapiit nito sa ilalim ng isang hospital arrest.
Batay sa isang pahayagan, isang Catholic Archbishop ang nag-uudyok sa Sandiganbayan na palayain ang nakapiit na si Pampanga Representative Gloria Macapagal-Arroyo at hayaan umano ang hustisya ang humusga at hindi ang galit ng kasalukuyang administrasyon kay Arroyo. Sa isang papel na may pamagat na “A Call for Justice, Mercy and Compassion,” na isinulat ni Lipa Archbishop Ramon Arguelles, sinabi niyang dapat ay isinasa-isang tabi ng anti-graft court ang pressure sa politika mula sa administrasyong kasalukuyan, at iresolba ang kaso ni Arroyo base lamang sa mga ebidensyang naipresenta na.
Idinagdag pa ni Archbishop Arguelles na may malubhang sakit ang dating pangulo na isang degenerative bone disease at ang kanyang patuloy na pagkakadetine sa Veterans Memorial Medical Center sa Quezon City ay isang kawalan ng awa at malasakit. Ito ang tema ng kanyang papel na isinulat at naging tema rin ng pagbisita ni Pope Francis sa ating bansa. Ipinahayag ng obispo ang kanyang paniniwala na ang patuloy na pagkaka-detain sa kabila ng kawalan ng balido at malakas na ebidensya laban kay Arroyo ay bahagi ng tinatawag niyang “obsessive anger” ng administrasyong Aquino.
NAKATUTULONG BA talaga ang mga ganitong pahayag ng isang taong may posisyon sa simbahan, sa pagresolba sa mga isyu ng katiwalian at maging katarungan sa ating bansa? Hindi ba lalo lang itong lumilikha ng paghihiwalay at pagkakawatak-watak ng mga paniniwala ng tao sa ating lipunan, partikular ang mga miyembro ng kanyang kinabibilangang simbahan at mga taong nasa labas ng relihiyong Katolika?
Madalas na sinasabi ng mga gaya ni Archbishop Arguelles na ang kanilang pahayag ay hindi sumasalamin sa posisyon ng simbahan at personal nila itong opinyon bilang mga lehitimong mamamayan ng Pilipinas. Kaya hindi umano nila sinusuway ang ipinag-uutos ng ating Saligang Batas na “separation of churh and the state”. Ngunit sa kabilang banda, napaghihiwalay nga ba ang personal na paniniwala sa pagkatao ng isang indibidwal na Pilipino? Maaari bang sabihin, halimbawa, ng isang abogado na hindi siya naniniwala sa mga korte at maging sa talino o “wisdom” ng Supreme Court?
Ang mga alagad ng simbahan ay tali sa mga prinsipyo at paniniwala ng kanilang pananampalataya at kagyat na lumalabas ang ilan sa mga pari, sa simbahang Katolika sa oras na hindi na sila nakikiisa sa mandato ng kanilang simbahan. Ang ibig sabihin ay mahirap mapaghiwalay ang politikal na pananaw ng isang obispo sa pananaw ng simbahan, lalo na sa mata ng mga mananampalataya. Kaya naman maaaring pakahulugan na ang mga pag-atake ni Archbishop Arguelles kay PNoy, gaya ng kanyang binabanggit na “obsessive anger”, ay pag-atake na rin ng simbahang Katolika sa pamahalaan.
BATID NATING lahat na naging bahagi rin ng talumpati ni PNoy sa harap ni Pope Francis ang kanyang panawagan na sana ay maging patas ang simbahan sa pagbabalangkas nito ng mga isyu sa lipunan at pag-atake sa kanyang pamahalaan. Ang hindi pagkakaunawaan at tila pakikialam ng simbahan sa pamahalaan sa mga politikal na aspeto ng desisyon nito ang lalong nagpapagulo sa ating lipunan.
Sadyang pinaghihiwalay ang kapangyarihan ng simbahan at gobyerno sa ating Saligang Batas upang matiyak ang malayang pagpili ng ating mga kababayan sa kanilang mga politikal na paniniwala at hakbang. Ang simbahan, bilang may kapangyarihang moral na magpasunod sa mga mananampalataya nito, ay maaaring magkait sa malayang pagpili ng isang Katoliko sa kanyang politikal na paniniwala, kung may mga ganitong politikal na pahayag mula sa simbahan mismo.
Sana ay maging responsable ang mga taong ito sa kanilang mga pahayag dahil mayroon silang posisyong dapat ingatan at mayroon ding batas na dapat sundin.
Ang inyong lingkod ay napakikinggan sa Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo