Dear Atty. Acosta,
AKO PO si Belinda from Laguna. Itatanong ko lang po sana ang tungkol sa paggamit ng apelyido. Sa kasalukuyan po kasi ay hiwalay ako sa aking asawa. Kukuha po kasi ako ng passport at nais ko po sanang gamitin ang apelyido ko noong dalaga pa ako. Wala po kaming legal na paghihiwalay. Ito ay aming napagkasun-duan lamang. Maaari po ba ang apelyido ko po noong dalaga ang aking gamitin? Ano po ba ang mga dapat ko gawin?
Lubos na gumagalang,
Belinda
Dear Belinda,
AMING IPINAGPAPALAGAY mula sa nabanggit ninyong katanungan na isang beses pa lamang kayo kukuha ng pasaporte mula sa Department of Foreign Affairs (DFA). Walang batas na nagbabawal na gamitin ninyo ang inyong pangalan sa pagkadalaga sa pagkuha ng inyong pasaporte. Sa katunayan, walang obligasyon ang isang misis na gamitin ang apelyido ng kanyang asawa pagkatapos ni-lang ikasal. Ang tanging binabanggit ng batas ukol sa apelyido ng isang babaeng nag-asawa ay ang kanyang mga maaaring pagpilian ng mga pangalan na puwede niyang gamitin. Hindi ipinag-uutos ng batas na gamitin ng babaeng may asawa ang apelyido o pangalan ng kanyang mister. (Art. 370, Civil Code of the Philippines)
Sa kasong Remo vs. The Hon. Secretary of Foreign Affairs (G.R. No. 169202, March 5, 2010) sinaad ng Korte Suprema na “(c)learly, a married woman has an option, but not a duty, to use the surname of the husband in any of the ways provided by Article 370 of the Civil Code. She is therefore allowed to use not only any of the three names provided in Article 370, but also her maiden name upon marriage. She is not prohibited from continuously using her maiden name once she is married because when a woman marries, she does not change her name but only her civil status. Further, this interpretation is in consonance with the principle that surnames indicate descent.”
Nakasaad din sa nasabing desisyon na kahit ang batas na pumapatungkol sa pasaporte o ang R.A. No. 8239 ay hindi ipinagbabawal na ang isang babaeng may asawa ay gamitin ang kanyang pangalan sa pagkadalaga sa kanyang pasaporte. Sa katunayan, ang DFA sa pagkilala ng karapatang ito, ay pinapayagan ang isang babaeng may asawa na gamitin ang kanyang pangalan sa pagkadalaga sa kanyang unang pag-aplay upang magawaran ng pasaporte. Hindi nito pinipilit o inuutos sa aplikanteng babae na gamitin ang apelyido ng kanyang asawa kung ito ay hindi niya nais.
Maliwanag sa mga nabanggit na maaari kayong mag-aplay sa DFA upang mabigyan ng pasaporte gamit ang inyong pangalan na siyang nakasaad sa inyong birth certificate.
Nawa’y kami ay nakatulong na maliwanagan kayo sa inyong suliranin.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta