SA DARATING na 2016, magaganap na ang nationwide election sa Pilipinas. Napakahalaga ng eleksyon na ito dahil ditto na naman nakasalalay ang pag-ahon natin sa mga susunod na taon, lalo na sa unang anim na taon, dahil matatapos na nga ang termino ng ating kasalukuyang pangulo na si PNoy. Ibig sabihin lang nito, may bago na naman tayong ihahalal na Pangulo. Kaya ang masigasig na paghahanda para sa eleksyon ay nararapat lang! At dapat ito ay two-way. Anong two-way? Dapat hindi lang gobyerno ang naghahanda, kasi dapat pati rin tayong mga mamamayan ng bansa.
Naunana nang naipabalita ang bidding sa refurbishment at upgrade ng 82,000 PCOS machines na ginamit sa nakalipas na dalawang eleksyon sa ating bansa. At siyempre, may bidding pa para sa karagdagang machines na gagamitin.
Kanya-kanyana rin ang pagkampanya ng mga kakandidato sa susunod na eleksyon. Kabilaan na ang kanilang mga banners, posters, radio, at TV advertisements. Isa-isa na ring nagpapa-interview ang mga kakandidato para ibahagi ang iilan sa kanilang mga plano na mapaunlad ang bansa kung sakaling palarin na manalo sa kanilang puwestong ninanais. Naglalabas na rin sila ng kanilang mga saloobin sa mga isyung kinakaharap ng ating bansa.
Gaya ng nasabi ko kanina, two-way dapat ang paghahanda. Dapat, tayo ring mga mamamayan, lalo na ang mga botante ay may maigting na paghahanda rin para sa Halalan 2016. Siyempre una riyan ay ang pagpaparehistro ng mga Pinoy lalo na kung qualified na sila. Lalo na ang mga kabataan, nararapat lang na huwag silang tamaring magsagot ng mga forms, at magpakuha ng biometrics sa kanilang mga barangay upang makakuha ng voter’s ID at makaboto sa susunod na eleksyon. “Make your very first vote counts!” Para sa iba riyan na may pag-aalinlangang bumoto dahil wala pang voter’s ID na nakuha noong nagparehistro, dapat ninyong malaman na hindi naman kinakailangan ang voter’s ID para makaboto sa Mayo sa susunod na taon. Kinakailangan lang, nakuhanan kayo ng biometrics. Dahil kung aasahan n’yo ang voter’s ID ninyo, matagal n’yo pa ngang makukuha ito. ‘Yung iba pa nga, matagal nang hindi pa nake-claim ang kanilang ID kahit naman nariyan na. Kaya, biometrics lang, unahin n’yo na.
Bilang responsableng mamamayan, kinakailangan ding ngayon pa lang, suriin n’yo na ang mga kumakandidato. Sila ay inyong kilatising maigi. Alamin ang kanilang mga plataporma at proyektong nais gawin kung sakaling mahahal sila. Tukuyin n’yo rin kung alin sa mga nagkalat na ads ang epal o papansin na political ads lamang. Tandaan, hindi ito itinuturing na political ads lalo na kung hindi pa nakapaghain ng certificate of candidacy ang bida sa nasabing ads. Siguraduhin ding sa darating na eleksyon, kayo ay may listahan na ng inyong ibobotong kandidato.
Hindi kinakailangang iisang partido lamang ang naghahanda, dapat lahat para tayo ay makaaasa ng matagumpay na Halalan 2016.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo