MARAMI ANG NAGULAT nang pumutok ang balita na na-disband na ang MYMP na sina Juris at Chin. Hindi inaasahan ng lahat ang paghihiwalay dahil magpasa-hanggang ngayon naman ay patuloy pa rin ang pagtangkilik sa kanila ng tao. Pero may nakarating sa aming balita na hindi pala talaga maganda ang naging dahilan kung bakit naghiwalay ang dalawa.
Una, marami kasi ang nakakapansin na hindi na sila madalas makitang magkasama sa “Sessionistas” segment sa ASAP XV. Ilang linggong nag-perform ng solo si Juris.
Pangalawa, nag-release ng solo album ngayon si Juris under Star Records. Nang ma-interview namin si Juris, sinabi nito na ang original plan talaga ng Star Records ay gawan ng solo album si Juris na si Chin naman ang magpo-produce. Solo album talaga siya at hindi MYMP album. Hindi na natuloy ang proyekto dahil hindi na pumayag si Chin sa arrangement. Pero bago pa man ang proyektong ‘yan ng Star Records, may mga hindi na raw magagandang nangyayari sa dalawa.
‘Yan ang pangatlong punto. May isang showbiz insider ang nakapagsabi sa amin na napapadalas na raw ang pag-aaway ng dalawa. Umaabot pa rin sa punto na sinisiraan ng isa ‘yung isa sa pamamagitan ng Facebook. Kung anu-anong pangit na comments daw ang nilalagay ng isa laban sa isa, na ‘yung iba pa ang below the belt na daw talaga.
Sa pag-split-up nilang ito ni Chin, malamang maraming followers at fans nila ang nalungkot at na-disappoint. Hindi ba siya natatakot o nangangamba na baka ‘yung mga fans nila as MYMP ay iwanan na rin sila? Hindi, ang maikling sagot ni Juris. Dahil mismong mga fans at followers daw nila ang nagpapahatid ng mensahe na patuloy nilang susuportahan ang karera ni Juris kahit wala na siya sa MYMP.
Nu’ng Linggo, ini-launch na ang bagong vocalist at kapareha ni Chin sa MYMP. Magaling pero medyo mahiyain pa ang bagong singer. Pero nakikita naman naming may potential pa rin ang MYMP. Tinanong pala namin kay Juris na kung sakaling mag-request ng mga MYMP songs ang mga fans niya sa mga album at mall shows niya, kakantahin ba niya ito? “Oo naman. Wala namang problema sa akin,” maiksing sagot ni Juris.
SUCCESSFUL ANG PREMIERE night ng Paano Na Kaya? ng Star cinema sa SM Megamall kagabi. Napakaraming taong nagpunta lalo na ang mga Kimerald fans. Star-studded din ang event. Kumpiyansa ang Star Cinema na tatabo sa takilya ang unang handong nila ngayong 2010. Malakas talaga ang hatak nina Kim at Gerald, dahil pati ang kanilang soap na Kung Tayo’y Magkakalayo ay hataw rin sa ratings. Taob nito ang katapat na The Last Prince. Kabog!