SA BUROL NG aming colleague at kaibigang Archie de Calma namin muling nakita si Cesar ‘Buboy’ Montano after a long time. Kasama ang kanyang misis na si Sunshine Cruz at anak na si Angela, nag-pay ng last respects nila sa naging malapit ding writer sa kanilang pamilya.
Matagal din naming nakatsikahan ang mag-asawa at si Buboy nga eh, nakiumpok pa sa mga nakikilamay na mga kaibigan at kaanak ni Archie.
Sabi ni Buboy, he has to move on. Kaya nga kinabukasan, sasabak na siya uli sa shoot ng commercial niya for TM. Sariwa pa rin naman ang sugat na dulot ng pagkawala ng kanyang anak na si Angelo at patuloy na iniinda ito. Pero kelangan daw niyang ituloy ang buhay, alang-alang din sa kanyang mga minamahal.
Isang bagay na nakae-excite ngayon kay Buboy eh, ang pagdating ng kanyang anak na si Diego (with Teresa Loyzaga) na binata (15 years old) na. Umuwi sa bansa ang mag-ina (from Perth, Australia) at maiiwan daw si Diego sa piling ng ama, dahil dito na ito mag-aaral. May magandang buhay na rin sa Australia si Teresa at meron na ring boyfriend.
Proud na proud si Buboy nang ipakita sa amin ang pictures nila ni Diego sa kanyang cellphone. For his age, mataas nga raw si Diego, dahil malakas ang dugo ng mga Loyzaga na pawang matatangkad.
Sabi ni Buboy, magko-concentrate daw siyang muli sa showbiz. Naghihintay lang siya ng balita from ABS-CBN kung ang The Singing Bee na mataas sa ratings nang mawala eh, ibabalik pa, dahil nami-miss na rin daw niya ang mga kasama niya sa programa.
Nang balingan ko naman si Sunshine at usisain sa muli nilang pagkikita ni Teresa, proud na proud din ito sa pagsasabing sila ngayon ang tsika partners. Ipinakita rin sa akin ni Sunshine ang mga pictures nila ni Teresa nang umuwi ito, at textmates din daw sila.
Nagku-compare notes ba sila? Tumawa nang tumawa si ‘Shine.
Siya naman daw ang wala munang balak na mag-concentrate sa pagbabalik sa limelight. Kuntento siya being a wife to Buboy and mother to their Tres Marias. At ngayon ngang naririto si Diego, muli raw may magiging buddy si Angela.
“Ako na rin ang may ayaw. Isa sa amin ang kailangang tumutok sa mga bata. May mga sakripisyong kailangan talagang gawin para sa mga mahal mo.”
‘Shine showed more pics sa kanyang cellphone sa mga travels nilang mag-anak at marami sa mga ito eh, kuha sa beach kaya napansin naming seksing-seksi pa rin si ‘Shine na mag-two-piece. Pero for her husband’s eyes na nga lang daw ‘yun!
Sabi rin ni Buboy, malamang na gumawa rin siya ng mga show sa Kapatid station (TV5). Pero lahat naman daw eh, under negotiatons pa.
Masama ba ang loob niya na hindi siya pinalad sa pulitika?
“Hindi naman. Naiyak lang ang puso ko pero ganu’n talaga. Open naman tayo sa lahat ng darating pa.”
SABI NG MGA involved sa Cinemedia Films na sina Rondell Lindayag at Biboy Arboleda, background lang daw ng ikot ng istorya ng buhay ng isang nagpanggap na journalist na Noy ang pangalan (portrayed by Coco Martin) sa matutunghayan sa mga eksena sa pelikulang prinodyus nila – ang ‘Noy’ – ang campaign sorties ng President-apparent na si Benigno ‘Noynoy’ Aquino III.
Nagkaroon ng konsepto si Coco na siyang nag-spearhead ng nasabing proyekto at hindi naman daw ito ginawa na merong political agenda. Kung natalo man daw o nanalo si Noy (Aquino) eh, ipalalabas pa rin nila ang nasabing pelikula.
According to Coco, “Gusto ko namang sumabak sa paggawa ng kakaibang pelikula. Nu’ng una, akala ko para lang itong magiging isang docu sa nagaganap sa mga campaign sorties sa mata ng isang ordinaryong tao na gaya ng karakter ko na nakikibaka sa buhay at kung anong relasyon nito sa buhay ng karakter ko na sinasalamin naman ng bawat isa sa ‘tin.”
Nilinaw ng grupo na hindi tungkol sa pulitika ang Noy na mapapanood na sa June 2.
Isang sugal din daw ito on the part of Coco, na mukhang gusto ring maging direktor in the future although the film was directed by Dondon Santos.
Pawang mga kaibigan ni Coco at nakasama na sa ilang pelikula niya ang kinuha nila for the film. At isa nga rito na talagang inakong kanya na ang role nang mabasa pa lang ang script eh, ang premyadong aktres na si Cherry Pie Picache. Dahil wala naman daw silang budget, matinding pakiusapan sa manager nitong si Ed Instrella ang nangyari. Pero sadyang gusto ni Pie ang kanyang karakter sa pelikula. Kaya kahit alam din niyang may second at third choice pa, kung sakaling ‘di umubra ang schedule niya, being the professional that she is, inayos ni Pie sa tulong na rin ng Cinemedia staff ang takbo ng skeds niya.
Pero alam naman natin kasi ang tindi ng isang Cherry Pie, ke malaki o maliit na role, napupulsuhan ang tindi ng impact ng gagawin niya. Kaya, kesehodang makipag-agawan at angkinin ang role, alam niya, meant to be hers ito!
The Pillar
by Pilar Mateo