NGARAG SI Ate Gay nang makausap namin dahil katatapos lang niyang rehearsal para sa nalalapit na concert sa Mall of Asia Arena on November 30, Friday. Kahit may halong takot at kaba ang tinaturiang “Mash-up Queen” handa na itong pasayahin ang kanyang fans.
Katatapos lang mag-concert nina Regine Velasquez at Jennifer Lopez sa Arena at parehong box-office success ito. Mahigitan o mapantayan kaya ni Ate Gay ang lakas ng impact ng manonood sa kanya? “Kinakabahan na nga ako kasi magkasunod kami ni J Lo sa venue. Though isang malaking karangalan sa akin na mag-perform sa Arena kasama ang mga idolo sa industry. Nakita ko ang mga nanood kina J Lo at Regine, sana naman may tao ako sa bubong, hahaha! Sobra lang ako natutuwa sa nangyayari sa akin at nakakagulat,” say niya.
Sa dami ng production numbers ni Ate Gay, kakayanin kaya ng powers niya? “Ngayon lang ako magsi-show na excited, handa kami sa rehearsal at saka ayaw kong mawala ‘yung momentum kaya araw-araw kaming nagre-rehearsal. Nakakapagpahinga naman ako nang maayos dahil hindi ako pumapasok sa gabi. After the show na ako uli tatanggap,” turan nito.
Masasabing si Ate Gay ang kauna-unahang beki na magpe-perform ng kanyang major solo concert sa MOA Arena. Maraming nakae-excite na production numbers ang inihanda ng singer-comedian para sa ikasisiya ng manonood. Ikinuwento rin niya kung gaano nakati-thrill ang portion niya with Brazilian Boys, Serena, John Lapuz, Ate Guy, etc. “Grabe ang preparation namin for a major major concert. Kailangan mong mag-dance workshop, ang dami-daming kailangang pag-aralan na mga kanta. Bago lahat ng kakantahin ko, pati mash-ups ko, pinag-iigihan ko,” pahayag ni AG.
Ipinagmalaki ni Joed Serrano na nakatawag-pansin kay J Lo ang katabing billboard niya sa MOA. Si Ate Gay na naka-Marlyn Monroe kaya’t agad tinanong kung sino raw ‘yun? Ang sagot ng kausap, “She’s a Mash-up Queen” here in the Philippines na lalong ikinatuwa ni Ate Gay dahil napansin ang beauty niya ng international singer-actress.
Maraming magagandang plano si Joed para kay Ate Gay. After the concert, gusto niyang magkapelikula ang singer/ comedian. Magkaroon ng world tour o kaya makapag- provincial tour. Sinabi rin niya, may naka-line-up na show si Lea Salonga for next year, then James Ingrams, George Benson with Lani Misalucha, March 16.
Biniro namin si Ate Gay na baka biglang mawala ang boses niya, like Regine Velasquez, baka bigla siyang mag-walk-out. Pabirong tsika niya, “Hindi. Sabi ko nga, may boses at wala, wala na silang pakialam sa boses. Ang mahalaga matuwa sila.”
Tinanong rin namin si Ate Gay kung nagkita at nagkausap na sila ni Vice-Ganda. “Nagkita kami sa ASAP nu’ng mag-guest ako. Sabi niya, susuportahan raw niya ako pero wala naman akong nakita. Inaabangan ko nga pero wala pa rin. Baka sa show mismo, masarap, kaibigan ko si Vice at saka, bakit ako nagpa-girl? Dati kasi T-shirt at rubber shoes lang ako sa Punchline. Si Vice ang namimili ng mga damit na gagamitin ko, pero akin ang mga ‘yun,” natatawang pahayag ni Ate Gay.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield