NAGING outlet ni Alden Richards ang paglalaro ng online game na Mobile Legend para mapagtagumpayan niya ang pinagdaanang depression at anxiety na epekto ng pandemic dahil sa covid-19. Ito ang inamin niya sa interview ni Jessica Soho sa programang Kapuso Mo Jessica Soho nitong Linggo, August 23.
Pagtatapat ng aktor, “Nung first week ng lockdown wala pa namang effect. Nung pumapasok na yung second week, third week, sabi ko hindi na normal.
“Sobrang nakatulong sa akin yung online gaming to cope with anxiety. Kumbaga, outlet ko po siya.”
Ginawa na ring raket ni Alden habang pandemic ang online gaming. Madalas siyang mag-live stream habang naglalaro ng mobile legend.
“Nase-sendan po ako ng ng stars ng mga nanonood sa akin. Nagre-range po between P100,000. Isa po yon sa mga raket ko ngayong quarantine,” sey pa ng binata.
Inamin ng leading man noon ni Kathryn Bernardo sa Hello, Love, Goodbye na bata pa lang ay mahilig na talaga siyang maglaro ng computer games.
“Seven years old pa lang ako naglalaro na talaga ako ng napakaraming games, playstations, ganyan. Outlet ko siya na naging bonding din namin ng kapatid ko, nasa US na siya pero gamer pa rin siya hanggang ngayon,” kuwento ni Alden.
“Ang ginagawa ko no’n dati, may baon akong P50 sa school, hindi ko yon gagastusin kasi mahal ang renta ng PC, parang P25 per hour para makapaglaro. Itatabi ko yung sengkuwenta pesos, maglalakad ako papuntang school, hindi ako magko-commute.
“Para maka-survive, manghihingi na lang ako ng pagkain don sa mga kaklase kong mayayaman. Sabi ko, one day magkakaroon din ako ng sarili kong computer, hindi ko na kailang tipirin yung sarili ko para makapaglaro lang sa computer shop.
“So, isa rin yon sa naging inpirasyon ko na… ang sarap talaga pag dumadaan lahat sa hirap, eh,” pagre-recall pa niya.
Pero bukod sa online gaming, ibinahagi rin ni Alden na madalas niyang kausapin ang Diyos para mas maging matatag at panatag siya pagharap sa krisis na pinagdadaanan ng bansa.
“Wag na wag ninyong tatanggalin yung ugali ng pagdarasal. Kausapin ninyo ang Diyos. Napakasarap kausapin ni Lord, yung mga alone time ko I always do.
“Yung tenga naman po ng Diyos laging bukas yan, eh. Sabihin mo lang lahat ng nasa loob mo para gumaan. Kasi kung kinikimkim lang po lahat. Ang dami ko pong kakilala ngayon na may depression, nawawalan ng pag-asa, nahihirapan silang maka-cope, kasi you can only do so much,” paalala ng aktor.