Paglapastangan sa Kasaysayan

ILANG IPIS ang pumasok sa utak ng isang mambabatas para ipanukala na palitan ng Cory Aquino Highway ang

pangalan ng EDSA? Kung pag-uusapan ang uri ng kalapastanganan sa kasaysayan, walang tatalo sa panukala.

‘Di pa ba sapat ang NAIA at monumento sa Ayala na national homage para sa mga Aquinos? Anong klaseng pagsisipsip ito ng mambabatas? Maliit pa ba ang kanyang pork barrel?

Tayong mga Pilipino ay may tinaguriang notorious “palit syndrome”.  Kada-kadaka, palit ang mga pa-ngalan ng historical landmarks. Palit ang mga pangalan ng mga kalye at paaralan. Wala tayong galang sa value ng kasaysayan. Only in the Philippines.

Bago ako maghurumentado, pinakikiusapan ko si P-Noy na hintuan ang ganitong kabaliwan. At ‘yung nagpanukalang mambabatas, kunin niya sa Palasyo para maglinis ng kanyang sapatos para lalo pang tumindi ang kanyang pagsisipsip.

SAMUT-SAMOT

 

KATAKA-TAKA NA wala nang ticker tape parade at pagdalaw sa Malacañang pagbalik ni Manny Pacquiao mula sa kanyang kwestyunableng pagkapanalo sa laban kay Marquez. Kahit sa GenSan, wala ring init ang pagsalubong sa kanya.  Dapat lang. Nakakasuka na.

Sobra nang focus ang national attention kay Pacquiao. Magtrabaho naman tayo. Ang laging pananalo ni Pacquiao ay ‘di mag-aangat sa kahirapan ng marami. Si Pacquiao lang at ang kanyang pamilya ang yumayaman at nakikinabang. Si Pacquiao ay dapat mag-isip-isip na rin. Kung tutuusin super billionaire na siya. Mabuhay man siya ng sampung beses, ‘di na niya kayang ubusin ang nakamal niyang kayamanan. Pangalagaan niya ang kanyang kalusugan. ‘Wag siyang tumulad sa kapalaran ni Muhammad Ali na may Parkinson’s disease. Ang sakit ay dumadapo sa lahat ng boksingero.

ALL ROADS lead to Divisoria. Isang umaga, nagmamadali ang aking misis sa pagbibihis. “Dad, punta ko’ng Divisoria para bumili ng LCD Christmas lights. ‘Yan ang uso ngayon.” Sabi ko: “Bakit ‘di sa supermarket na lang, daming tao du’n, madukutan ka pa.”

“Iba sa Divisoria. Nakakatawad nang malaki.” End of argument.

SA WAKAS, natapos din ang deadlock sa pag-aaway ng NBA owners at players. Nabalitang sa Dec. 25, magsisimula na ang 2011-2012 NBA Season. Ibig sabihin nito, araw-gabi tutok na naman ako sa mga laro. Mabuti. Talagang addict ako sa mga NBA games lalo na kung ang maglalaban ay Los Angeles Lakers at Boston Celtics. Nakakaalis ng depression at iba pang physical discomforts ang panonood.

KATATAPOS LANG ng International All-Breed Dog Championship Dog Show sa Tiendesitas, kung saan lumahok ang mahigit 100 iba’t ibang breed ng aso mula sa pitong groupings. Nag-champion ang isang Pomeranian sa best in show na hinusgahan ng Korean judge na si Mr. Jung at nag-champion din ang isang Labrador sa best in show na hinusgahan naman ng Taiwanese judge na si Mr. Tsai. Second time na ni Mr. Jung at first time pa lang nakapunta sa Pilipinas si Mr. Tsai. Kapwa sila nag-enjoy rito lalo na nu’ng matikman nila ang Filipino dishes tulad ng kare-kare, laeng, sinigang na bangus at crispy pata. Enjoy rin sila sa bibingka, mango juice at dried mango.

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Previous articlePut the Little Girl to Sleep
Next articleGinipit na Magbitiw sa Trabaho

No posts to display