Dear Atty Acosta,
PAANO MAILILIPAT sa aking pangalan ang titulo ng lupa na aking binili? May nilagdaan na Deed of Absolute Sale ng dating may-ari nito. Nais ko sanang gamitin ito bilang collateral sa loan sa bangko.
Gina
Dear Gina,
UPANG MAILIPAT ang titulo ng lupa sa iyong pangalan, kinakailangan mong iparehistro ang Deed of Absolute Sale sa Register of Deeds ng lugar kung nasaan ang lupa na iyong binili. Kinakailangan ding isuko ng dating may-ari ng lupa ang kanyang duplicate certificate of title sa Register of Deeds. Ang pagbibigay nito ay ang ituturing na konklusibong awtoridad mula sa nakarehistrong may-ari ng lupa na magsagawa ng panibagong certificate ukol sa lupa na kanyang ibinenta. Kapag narehistro na ang Deed of Absolute Sale, naisuko na ang owner’s duplicate certificate of title, at nabayaran na ang mga “taxes” gaya ng “capital gains at transfer tax” hinihingi ng batas at regulasyon sa pagbenta at paglipat ng titulo ng lupa, kakanselahin na ang titulo ng dating may-ari nito at mabibigyan ka ng panibagong titulo na nasa iyong pangalan.
Bilang may-ari ng lupa, maaari mong gawin ang lahat ng iyong naisin sa iyong pagmamay-ari na walang limitasyon maliban na lamang sa mga isinasaad ng ating batas (Article 428, New Civil Code of the Philippines). Maaari mo itong ibenta o ipagkaloob nang libre sa ibang tao sa pamamagitan ng isang donation. Maaari mo rin itong magamit bilang isang collateral sa isang pagkakautang. Upang magamit mo itong collateral, kinakailangan mong magsagawa ng isang contract of mortgage. Ang mga sumusunod ay mga batayan upang maging legal at may bisa ang isang contract of mortgage, ayon sa Article 2085 ng Civil Code:
It must be constituted to secure the fulfillment of a principal obligation;
The mortgagor must be the absolute owner of the land mortgaged;
The mortgagor must have free disposal of his property or in the absence thereof, that he is legally authorized for the purpose of the Philippines.
Kinakailangan ding nakarehistro sa Registry of Deeds ang kontrata ng pagsangla. Kapag narehisto ito, magkakaroon ng anotasyon sa titulo ng lupang isinangla ukol dito. Ito ang magsisilbing pagpapaalam sa ibang tao o sa publiko na ang lupang iyon ay ginamit upang seguruhan ang isang pagkakautang.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta