ISANG MAHUSAY na mambabatas at senador na naman ang lumisan sa mundong mapaghamon. Noong Lunes ay napabalitang binawian na ng buhay ang matalinong senador na si Joker Arroyo. Sa edad na 88 ay pumanaw si Sen. Arroyo pagkatapos ng isang heart surgery na isinagawa sa kanya sa U.S. Mabibilang lamang sa kamay ang katulad ni Sen. Joker Arroyo pagdating sa kahusayan bilang isang mambabatas.
Maraming nais maging senador ngayong darating na 2016 election ngunit malalayo ang kalibre ng mga ito kung ikukumpara sa isang Joker Arroyo. Marami sa kanila ay galing ng Kongreso ngunit hindi naman nila nalalaman ang tunay na gawain ng isang mambabatas. Kadalasan ay nakayayamot nang marining ang mga kamangmangan nila sa tuwing sasabihin nilang nais nilang maging senador para makatulong pa raw nang husto sa mga tao.
Minsan na ring nagpakita ng pagkainis noon si Sen. Joker Arroyo sa kanyang mga kapwa senador dahil sa kawalan ng kaalaman ng mga ito sa usaping pagsasabatas at sa tunay na dapat nilalayon ng isang senador. Nakalulungkot isipin na iilan lamang sa ating mga senador ang tunay na nakauunawa ng kanilang mga tungkulin. Marami pa ring sinasamantala lamang ang kanilang kasikatan para makaupo sa posisyon bilang senador kahit hindi naman nila lubos na nauunawaan ang gawaing nito at kahit na wala silang kakayahan para magampanan ito.
SI SEN. Joker Arroyo ay isang magaling na abogado. Nagtapos siya ng abogasiya mula sa University of the Philippines at naging professor ng law sa UP College of Law. Nilabanan niya ang pagdedeklara ng Martial Law ni Pangulong Ferdinand Marcos noong 1972 sa pamamagitan ng paghahain ng kaso sa Supreme Court na kumukuwestyon sa legalidad nito. Ipinakulong din ni Marcos si Joker Arroyo dahil sa patuloy na pagtutol niya sa diktadurya ng bagong pamahalaang pinagtibay ng 1973 constitution.
Kasama rin si Joker Arroyo sa mga taong lumaban noong 1986 para tuluyang mapatalsik si Marcos sa puwesto. Si Joker Arroyo ang tumayong abogado ni Pangulong Cory Aquino noong hinarap niya si Marcos sa isang snap election. Noong umupo si Cory Aquino bilang pangulo ng bansa ay itinalaga si Joker Arroyo bilang executive secretary ni Pangulong Aquino. Naging bahagi siya ng good government ni Aquino sa loob ng 6 na taon.
Bilang bahagi ng gabinete ni Pangulong Aquino ay ipinakita ni Joker Arroyo ang kanyang kahusayan at katapatan sa pamahalaan at bayan. Sa ilalim naman ng rehimeng Estrada ay muling nakibaka si Sen. Joker Arroyo bilang tumayong lead prosecutor ng Kongreso sa kasong impeachment laban kay Pangulong Estrada sa ginawang impeachment trial sa Senado. Maraming pinahanga si Sen. Arroyo sa kanyang talino at husay sa batas.
BILANG SENADOR ay naging mentor si Sen. Joker Arroyo ng maraming non-lawyer senators gaya nina Sen. Legarda, Sen. Lacson, Sen. Honasan, at marami pang iba. Nagpasa ng maraming mahuhusay na batas at tinitingala bilang isa sa pinakamatalinong senador sa kasaysayan ng Pilipinas. Kilala rin si Sen. Joker Arroyo bilang simple at hindi nagpayaman gaya ng kanyang matalik na kaibigan na si dating Senator Rene Saguisag. Gaya ni Sen. Lacson ay hindi rin niya ginagamit ang kanyang pork barrel dahil naniniwala si Sen. Arroyo na ang paggawa ng mahuhusay at matatalinong batas ang pangunahing responsibilidad ng isang senador.
Muli siyang tumindig at ipinaglaban ang katuwiran sa Senado sa impeachment trial ni dating Chief Justice Corona. Hindi gaya ng ilang senador na nakisawsaw lamang sa isyu at nagpatangay sa agos ng tubig sa ilog ng Senado, sinalungat ito ni Sen. Arroyo at nanindigan sa prinsipyo ng batas. Tanging sina ni Sen. Miriam Defensor Santiago, Sen. Bongbong Marcos, at Sen. Joker Arroyo ang bumoto nang salungat sa karamihan.
Kung pakikinggan mo ang bawat salita ni Sen. Arroyo tuwing siya ay nagpapaliwanag, tiyak na mamamangha ka sa husay at talino niya sa batas at paghimay ng mga isyu sa ating lipunan. Siya ay laging nakapanig sa katuwiran at katotohanan at hindi sa tao o personalidad.
NAKALULUNGKOT AT nakakapanghinayang na ang isang pantas sa pulitika at batas ay lumisan na. Nakababagabag na nawalan na naman tayo ng mahusay na mambabatas. Mga tunay na humahabi ng matitino at kapaki-pakinabang na batas. Ngunit, mapalad na rin tayo na minsan sa ating buhay ay dumaan sa Kongreso ng Pilipinas ang isang Joker Arroyo na nagpakita ng tunay na huwaran ng isang senador at kongresista.
Kung sana lang ay katulad ni Joker Arroyo ang mga kakandidato ngayong eleksyon para sa pagka-senador. Ang mga taong gaya ni Sen. Joker Arroyo ang dapat nating piliin sa pagboto ng senador. Isang taong may dedikasyon sa paggawa ng batas. Mahusay sa lehislasyon ng batas at hindi kung anu-ano ang ginagawa.
Hindi naman natin kailangan ng senador na gustong tumulong sa mga tao sa pamamagitan ng pamimigay ng pera, pagkain, pabahay, pagpagawa ng basketball court, at kung ano-ano pa, dahil hindi ito ang gawain ng isang senador. Halatang kapangyarihan lamang ang habol ng maraming nagnanais kumandidato para rito. Isang stepping stone lamang sa kanila ang pagse-senador para sa hinaharap ay makatakbo sila bilang pangalawang pangulo at pangulo ng bansa.
Ang kailangan natin ay isang gaya ni Sen. Joker Arroyo. Paalam sa iyong paglisan.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan at napanonood sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Ang inyong lingkod ay napanonood sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Panoorin ang T3: Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6843.
Shooting Range
Raffy Tulfo