ANG MGA kabataan ngayon ay maraming karamdaman. Nariyan ang “katam” o katamaran, jirits o iritable at S o sumpong. Iisa ang rason ng mga bagets kung bakit sila nagkakaganyang mga mentalidad, iyon ay dahil sa kapaguran.
Pero hindi ba dapat nagtataka ka na kung bakit ka nakararanas ng pagod kung wala ka namang ginagawa? ‘Yung tipong nagbabasa ka lang ng pocketbook, pagod ka na agad. Nagta-type ka lang sa computer, pagod ka na agad? Okay lang sana kung sa isang buong araw, wala kang ginawa kundi maglakad o kaya mag akyat-panaog sa 20-floor building, nakapapagod talaga iyon.
Kung irarason mo naman na baka dahil puyat ka kaya lagi kang pagod. Oo, isa ring sanhi ng pagod ang kulang sa tulog, pero hindi iyon ang palaging rason. Anu-ano pa nga ba?
- Dehydrated ka
Kabilin-bilinan sa atin ng mga doktor na mainam sa katawan ang pag-inom ng 8 hanggang 10 basong tubig kada araw. Ito ay nagpapaganda ng takbo ng dugo sa ating katawan at siya ring bahala sa pagdala ng mga sustansya at bitamina na nakukuha sa mga pagkain patungo sa iba’t ibang parte ng katawan. Kaya posibleng-posible talaga na makaramdan ka ng pagod kung hindi sapat ang tubig na iyong iniinom.
- Hindi ka nag-almusal
Alam ng lahat kung gaano kaimportante ang almusal. Sabi nga sa kasabihan sa Ingles “Eat breakfast like a King, lunch like a middle class and dinner like pauper.” Pinakaimportanteng parte ng araw ang pag-aalmusal. Ito ay sa kadahilanan na nagbibigay ito ng lakas at enerhiya sa bago mong araw na haharapin matapos kang mag-fasting ng buong gabi. Hindi sapat ang basta-basta lang kumain sa almusal. Kumain ng masustansya at kumpleto sa almusal. Kung hindi sapat ang sustansya ng nakukuha sa iyong kinaing almusal, alas-diyes pa lang, makararamdam ka na agad ng pagod, wala itong halong biro o pagmamalabis dahil ito ay naaayon lang sa research na isinagawa.
- Masyado kang perfectionist
Hindi maganda sa kalusugan ng pangangatawan at mentalidad ang pagiging laging perfectionist. ‘Yung tipong wala sa iyong diksyunaryo ang maging second best. Makararamdam ka talaga ng pagod lalo na kung kilos nang kilos ka pa rin hanggang sa maabot ang isang bagay na hindi naman kakayanin ng iyong pangangatawan. Mas maganda pa rin kung positibo ang pananaw mo sa buhay at wala kang sariling kinakalaban.
- Maling diyeta
Ang sobra ay nakasasama. Ang sobrang alat ay maaaring makapagpataas ng blood level. Ang sobrang sugar sa katawan ay maaaring magdulot ng sakit gaya ng diabetes. Ngunit, ang hindi n’yo alam, ang sobrang pagbabawas ng pagkain ay nakasasama rin. Ito ang nagiging sanhi ng pagiging palaging pagod ninyo. Kulang na ang sustansiya na nakukuha ng katawan kaya nagiging mahina ito. Nakadaragdag din sa pagiging matamlay ng pangangatawan ang mga maling alternatibo na ipinapalit natin sa mga pagkain. Halimbawa ang hilig nating mag-energy booster drink pero hindi natin alam na ang simpleng pag-inom lang ng tubig ay sapat na para makapagpalakas sa atin. Ang hilig din nating kumain sa mga fast food kaya hindi na nabibigyan ang ating katawan ng fiber-packed foods na nakapagpapalakas din sa atin.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo