IKINASAL NOONG AUGUST 8 (August 9 sa ‘Pinas) si Krista Ranillo sa non-showbiz boyfriend nitong si Niño Lim na nakilala ng aktres two months ago sa Los Angeles, California.
Isang simpleng kasal ang naganap, kung saan ay dinaluhan ng kanyang ama na si Mat Ranillo III at ng kanyang tiyahin na si Suzzette Ranillo.
NANG PUNTAHAN NAMIN ang 3rd death anniversarry ng asawa ni Boots Anson-Roa sa Pasig, laking gulat namin nang aming makita si Gloria Sevilla, lola ni Krista.
“Nanay bakit nandito kayo sa Pilipinas? ‘Di ba dapat nasa Amerika kayo dahil kasal ngayon ni Krista?” tanong namin iyon.
Saglit kaming tinitigan nang makahulugan ni Tita Gloria. Dama namin ang tago niyang damdamin. “Sinong ikinasal?” Tanong na obvious na nagkukunwari lang. “Kasal ngayon ng paborito mong apo na si Krista?” Ulit namin.
Humugot ng isang malalim na buntong-hininga si Nanay Gloria, tsaka tinitigan kami nang mas makahulugan. “Ang baluktot ay hindi maitutuwid ng isa pang baluktot na desisyon?” ‘Yun lang ang kanyang pinakawalang pahayag.
“Nanay ano ang ibig mong sabihin? Galit ka kay Krista at sa ginawa nitong pagpapakasal ngayon?” ulit namin sa isa sa mga respetadong aktres ng bansa.
Muling tinitigan kami ng aming kausap at sa pagkakataong iyon, nakita namin ang nagbabantang pagtulo ng kanyang luha. “Nanay, naiiyak kayo. Masama ba ang loob n’yo?” tanong uli namin.
Saglit na bumuwelo ang aming kausap. “Hindi, may problema lang ako sa mata kaya parang naluluha iyan.”
Tago at may kimkim na sama ng loob si Nanay Gloria sa katatapos na kasal ni Krista Ranillo. Hindi man niya iyon tuwirang inamin sa amin, nagpahayag naman siya ng ganitong litanya nang wala na ang dala naming camera: “Kilala ninyo ako napaka-vocal kong magsalita. Pero iniiwasan ko talagang magsalita tungkol kay Krista dahil ayokong makasakit ng damdamin. Basta ang masasabi ko lang, Morly anak, hindi ko gusto ang naging desisyon nila at hindi ko gusto ang mga nangyayari!”
PATAPOS NANG SINABI ng ABS-CBN na hindi nila pinapayagang mag-resign si Willie Revillame sa kanilang TV Network at kailangang tapusin ng aktor ang pinirmahan nitong kontrata. Kaugnay ito ng presscon si Willie kamakailan para ipaalam sa lahat na siya ay boluntaryong nagre-resign sa dati network.
Ayon kay Willie, masakit man daw sa loob niyang bitiwan ang programang naging bahagi ng kanyang buhay, kailangan na niyang gawin iyon para makapag-move on na siya.
“Ipinakikita ko lang sana, may isa akong salita. Sinabi ko noon na kung hindi tatanggalin si Jobert Sucaldito, ako mismo ang magre-resign at ginawa ko naman ngayon, ‘di ba?”
Ayon kay Willie, wala na siyang galit sa mga taong dumurog sa kanya noong mga panahong bumagsak siya. Pero ang hindi raw niya makakalimutan ay ang hindi makataong ginawa umano sa kanya ng TV Patrol. “Grabe naman kasi ang ginawa sa akin, para bang pinalabas nilang napakasama kong tao. Kaya du’n sumasama talaga ang loob ko.”
Sa kabuuan, sinabi ni Willie na sa ngayon ay wala pa raw offer ang Channel 5 or Channel 7 sa kanya, pero may kumakausap na sa kanya. “Ang Channel 13, kinausap na ako pero ang sabi ko tatapusin ko muna ang problemang ito bago ako magdesisyon sa kung ano ang gagawin ko sa aking pagbabalik sa telebisyon.”
IN FAIRNESS KAY Sharon Cuneta, hindi naman flop ang kanyang concert dahil nakita naman naming maraming tao ang nanood ng kanyang Mega Drama Concert sa Araneta. ‘Yun nga lang, ‘yung mga napanood namin sa nasabing konsiyerto ay hindi na bago sa aming paningin, dahil paulit-ulit na namin iyong nakita sa programang Sharon.
Huwag namang magagalit si Sharon, pero kung wala sina Pokwang at Ai-Ai de las Alas, wala kaming makikitang bago sa kanyang concert, dahil ang lahat ng kanyang mga kinanta ro’n ay pinaglumaan na ng panahon.
Sa kabilang banda, may gusto lang sana kaming i-suggest kay Sharon sa susunod niyang concert. Sana ay tigilan na niyang mag-pretend na pumayat na siya. Dapat niyang tanggapin nang buong-puso na mataba siya at wala naman akong nakikitang masama kung patuloy siyang lomobo. Dahil bukod sa maganda siya, mana lang siya sa kanyang butihing ina na si Mommy Elaine.
More Luck
by Morly Alinio