Pagpapalagay na Patay na ang Asawa

Dear Atty. Acosta,

MAY NAKAPAG-SABI po sa akin na ang mas madaling paraan daw po ng pakikipaghiwalay sa aking asawa ay sa pamamagitan ng pagpapadeklara ng presumptive death niya. Paano po ba ito gawin? Matagal na po kaming hindi nagkikita ng aking asawa at ang huli kong balita ay mayroon na siyang pamilya sa ibang babae. Gusto ko po sanang mag-move on na at makapag-asawa ulit. Mayroon akong boyfriend ngayon at willing siyang pakasalan ako kaya nais ko sanang maayos na ang aking problema sa lalong madaling panahon. Maraming salamat po.

Angelita

 

Dear Angelita,

SA UMPISA pa lamang, dapat ninyong malaman na hindi pamalit sa pagpapawalang-bisa ng isang kasal ang pagpapadeklarang “presumptively dead” ang iyong asawa. Ang pagpapadeklara na “presumptively dead” ang isang tao ay kinakailangang nag-ugat sa totoong paniniwala na namatay na nga ang isang tao at hindi upang ipamalit sa proseso ng pagpapawalang-bisa o pagpapadeklarang walang-bisa ang isang kasal.

Dapat din ninyong malaman na hindi mapapawawalang-bisa ang inyong kasal sa pamamagitan ng isang deklarasyong patay na ang inyong asawa. Ang epekto ng deklarasyong mula sa hukuman na “presumptively dead” na ang inyong asawa ay kahalintulad ng epekto kung talagang namatay nga ang inyong asawa. Nananatiling balido ang nasabing kasal ngunit napuputol na ang legal na ugnayan ng mag-asawa dahil sa pagkamatay ng isa sa mga partido rito. At dahil na rin dito, kapag bumalik ang asawa na nauna nang naideklara ng hukuman na patay na, manunumbalik ang legal na relasyon na namamagitan sa mag-asawa at magpapatuloy ang bisa ng kanilang kasal. Samakatuwid, kung kayo ay magpapakasal sa ibang tao pagkatapos maideklarang patay na ang inyong naunang asawa at ang huli ay mu-ling lumitaw at ipinatala ang kanyang sinum-paang salaysay ng pagbabalik, agad na mapuputol ang inyong legal na relasyon sa inyong bagong asawa at manunumbalik ang legal na relasyon ninyo sa inyong naunang asawa. (Art. 41, Family Code of the Philippines)

Ayon sa batas, maaaring magsampa ng petisyon upang ipadeklarang patay na ang asawa kung ito ay nawawala o hindi nagpapakita ng apat (4) na taon at mayroong malakas na paniniwala ang nanatiling asawa na ito ay patay na. Kung nawala naman ang asawa habang nagaganap ang isang mapanganib na sitwasyon gaya ng pagkawala ng barko, maaaring magsampa ng petisyon ang nanatiling asawa upang ipadeklarang patay na ang kanyang asawa pagkalipas ng dalawang (2) taon. (Art. 41, Family Code of the Philippines kaugnay ng Art. 391, Civil Code of the Philippines)

Upang makapaglagak kayo ng ganitong petisyon, kinakailangang totoong hindi ninyo alam kung nasaan na ang inyong asawa at wala ka-yong anumang balita patungkol sa kanya. Hindi sapat na kayo ay hindi na nagkikita o nag-uusap ng inyong asawa upang maipadeklara itong patay na. Kinakailangan na inyong hinanap ang inyong asawa ngunit walang nangyari sa nasabing paghahanap upang inyong mapatunayan na kayo ay mayroong totoo at bukal na paniniwala na namatay na nga ang inyong asawa.

Kung ang inyong nais ay legal na putulin ang ugnayan ninyo bilang mag-asawa habang kayo ay nabubuhay pa, ang tamang aksyon na kailangan ninyong gawin ay maglagak ng petisyon sa hukuman upang mapadeklarang walang-bisa o ipawalang-bisa ang inyong kasal at hindi magnais na mapabilis ang proseso sa pamamagitan ng pagsisinungaling sa hukuman. Isa sa mga basehan na nakasaad sa batas ng pagpapadeklara na walang-bisa ang isang kasal ay ang pagkakaroon ng “psychological incapa-city” ng isa sa partido sa kasal. (Art. 36, Family Code) Kung inyong mapapatunayan sa harap ng hukuman na ang inyong asawa ay mayroong “psychological incapacity”, idedeklara nito na walang-bisa ang inyong kasal. Ang “psychological incapacity” ay isang kapansanan kung saan ang isang tao ay walang kakayanang gampanan ang mga pangu-

nahing obligasyon ng pag-aasawa.

Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyon na ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong ibang maidagdag.

Halinang manood ng “PUBLIC ATORNI: ASUNTO O AREGLO” tuwing LUNES, 9:20 pm sa AksyonTV. 

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleUod
Next articleAng mga Boss na Winawalanghiya!

No posts to display