ISA KAMING GRUPO ng mga OFW na na-repatriate at napauwi mula sa mga bansang Syria, Libya at Yemen. Kami ay tinipon ng isang NGO para sama-samang humingi ng tulong sa pamahalaan sa halip na paisa-isa ang aming
kilos. Magtatatlong buwan na kami rito sa Pilipinas. Mula nang kami ay dumating, ang una naming inasikaso ay kung paano magkakaroon ng hanapbuhay rito o kaya’y makapagpundar ng kahit maliit na negosyo. Kung negosyo ang itatayo namin, kailangan namin ang puhunan. Kaya’t laking tuwa namin nang mabalitaan namin na ang gobyerno, sa pamamagitan ng OWWA, ay may tinatawag na reintegration program na kung saan kaming mga OFW at dating OFW ay maaaring makautang ng livelihood loan. Sabay-sabay kaming nag-inquire sa pinakamalapit na opisina ng OWWA tungkol sa programang ito. At doo’y nalaman namin na puwede nga kaming mag-loan. Priority pa nga raw kaming mga OFW na na-displace ng mga kaguluhan sa abroad. Nag-fill up kami ng mga forms at tinipon ang mga requirements.
Magtatatlong buwan na mula nang kami ay mag-apply pero hanggang ngayo’y hindi pa napo-process ang aming mga application. Dahil ito sa walang maibigay na collateral ang isa sa amin para maka-avail ng loan. Ang isa nama’y di maaprubahan ang business plan o project proposal. Ang isa naman sa amin ay hindi pa nabibigyan ng seminar tungkol sa paggawa ng proposal dahil wala pa raw ang taga-DTI na magsasagawa ng seminar. Ayon sa mga nakakuwentuhan naming iba pang OFW, ganito rin daw ang kanilang problema sa pag-aaply sa OWWA reintegration program. Ano pa po ang dapat naming gawin?
—Lydia, Arnel, Demetrio, Alyssa at Harlin ng Pasay City
NASA AKIN NA ang detalye ng inyong mga application at ang inyong mga reklamo. Hayaan ninyo’t tuwiran ko itong ipaaabot kay OWWA Administrator Carmelita Dimzon. Sa karanasan ko kay Admin Dimzon, mabilis naman siyang umaksyon sa ganitong mga problema.
Imumungkahi ko rin sa kanya ang ilang ideya ko kung paano magagawa pang simple ang processing ng mga application para sa OWWA reintegration program. Halimbawa’y maaaring i-waive ang collateral sa ilang loan, o kaya’y bawasan ang ilang requirement at gawing simple na lang ang project proposal o business plan.
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo