GRABE NA ang mga kriminal ngayon. Kung dati-rati, nagnanakaw lang. Pero ngayon, nanloob na nga, pinatay pa ‘yung biktima.
Heto nga’t nu’ng magimbal ang buong showbiz sa pagpaslang sa dakilang ina ni Cherry Pie Picache, ilan nang comments ang nababasa namin na sana ay ibalik na ang death penalty para mabawasan na ang gusto pang gumawa ng krimen.
‘Yung iba’y ipinu-push naman nang husto bilang presidente sa 2016 si Davao City Mayor Rodrigo Duterte na aminadong ilan na ang naitutumbang mga addict, pusher at masasamang loob sa Davao, kaya ito ang siyudad sa pilipinas na kokonti ang bilang ng krimen, dahil nga takot ang karamihan na masampulan ng kamay na bakal ni Duterte.
Si Tirso Cruz III naman sa kanyang FB account ay nagsabing kaya hindi rin maiaalis sa iba na maghanda ng baril sa bahay in case me umatakeng masasamang loob.
Sa totoo lang, kahit nga ang ilang kapulisan ngayon ay “gago” na rin at sumasabay na rin sa pagka-kriminal.
Hindi naman namin nilalahat ang kapulisan ngunit nakalulungkot lang na madalas mabalita ngayon na sangkot sa isang krimen ang ilang pulis na dapat sana’y siya pa ang protektor ng taumbayan, pero sila pa palang promotor sa masasamang gawain.
Hay, nako…. Kelan kaya tayo puwedeng lumakad sa kalye na lahit kuntodo alahas pa ang suot mo ay panatag naman ang kalooban mo?
Nako, malabo na yatang mangyari yon, kaya hangga’t hindi pa natin nararamdaman ang kaligtasan natin ay ibayong pag-iingat na muna ang ating dapat gawin.
Sa lahat ng panahon. Sa lahat ng pagkakataon.
Oh My G!
by Ogie Diaz