SA KABILA ng kaliwa’t kanang reklamo laban sa taxi drivers na namimili ng pasahero, nais pa rin bigyang-papuri ng WANTED SA RADYO ang mga taxi driver sa Metro Manila lalo pa ‘yung mga miyembro ng Radyo5 Taxi Squad.
Hindi ko na mabilang ang dami ng mga taxi driver na nagsadya sa action center ng WSR upang magsoli ng mga gamit na naiwan ng kanilang mga pasahero. Karamihan sa mga isinusurender na mga gamit ay mga laptop computer at mamahaling cellphone.
Marami na rin ang nagsoli ng mga wallet na naglalaman ng libu-libong piso. At sa maniwala kayo o hindi, may isang taxi driver ang nagsurender ng ilang kilong Shabu na may street value na milyung-milyong piso. Mayroon na ring nag-turnover ng baril.
Nakatanggap na rin kami ng DVD player, music organ, gitara, atbp.
SIYEMPRE, ANG ilang kilong Shabu na isinurender sa amin ay agad rin naming ipinasa sa PDEA. Halos lahat ng mga gamit na isinusurender sa amin ay aming ding natutunton ang mga may-ari nito at agad na naibabalik sa kanila ang kanilang mga gamit.
Pero ang mga gamit na isinoli at hindi na namin matunton ang mga may-ari sapagkat nasa abroad na ang mga ito, halimbawa, ibinabalik din namin sa mga taxi driver na nagsoli ng nasabing mga gamit. Ang tawag namin dito ay “whereabouts unknown, return to finder”.
KAYA KO tinatalakay ngayon ang usaping ito dahil nais kong mabigyan ng pagkilala ang napakarami nating mga taxi driver na tapat sa kanilang trabaho at hindi nagpapadala sa tukso sa kabila ng kahirapan sa buhay na kanilang kinakaharap.
Ilan sa ating mga taxi driver ay nakapagbigay na rin ng karangalan sa ating bayan. Marami na rin kasi sa mga nasoling gamit sa WANTED SA RADYO ay pag-aari ng mga banyaga ng iba’t-ibang bansa. At ang mga banyagang ito ay nangakong ipagmamalaki nila ang Pilipinas pag-uwi sa kanilang bayan dahil sa pagiging tapat ng mga Pilipino.
MAHIRAP ANG buhay ng taxi driver. Pero kahanga-hanga ang napakarami sa kanila dahil sa kabila ng hirap ng kanilang trabaho, dahil sa kanilang todong kayod, naitataguyod nila nang maayos ang kanilang pamilya.
Marami akong alam na mga taxi driver na napagtapos ang kanilang mga anak sa Medicine o Law. Ilan sa kanila ay napagtapos ang kanilang mga anak sa kursong in-demand sa abroad at ang kanilang mga anak na ito ay may magaganda nang trabaho sa ibang bansa ngayon.
Pero sa kabila ng tagumpay ng mga anak, hindi sila umasa sa kanila at patuloy pa ring kumakayod. Marahil dito sila masaya. Kahit hindi kalakihan ang kita, nakahuhugot sila ng kasiyahan at libangan sa buhay sa pagi-ging isang taxi driver na kumikita nang marangal.
ANG NAKALULUNGKOT nga lang, ang mga taxi driver ang paboritong kotongan ng mga tiwaling traffic enforcer at pulis. Sila ang madalas na nagiging biktima ng hulidap at ng iba’t ibang modus operandi ng pangongotong ng mga luku-lukong pulis.
Pero ang pinakamasaklap, pagdating sa gabi, may ka-sabihang ang isang paa ng isang taxi driver ay nakabaon na sa hukay dahil sa panganib na kinakaharap nito hindi mula sa mga hulidaper kundi mula sa mga totoong holdaper na adik at kargado ng Shabu.
Marami na akong nabalitaan na mga taxi driver na matapos holdapin ay pinapatay pa. Pero sa kabila nito, marami pa rin tayong matatapang at tapat na mga taxi driver na nagsisilbi sa ating mga commuter.
Shooting Range
Raffy Tulfo