NAALALA KO si dating Megastar Sharon Cu-neta ang unang umawit nito. Sinundan ni Florante. Golden record hit nu’ng late 90s. Sa mga homecoming, reunion at kasalan, ito ang theme song. Maaya, mahapdi, may kalungkutang awit tungkol sa sumpaan ng dalawang mag-irog. Magmamahalan hanggang pumuti ang buhok ng isa’t isa.
Lihim akong naluluha ‘pag naririnig ko ang awit. Masyado kasi akong sentimental at sensitibo. Lalo na ngayon na mabilis na ang pag-agos ng aking pagtanda.
Dalawang taon mula ngayon, magdiriwang kami ng aking maybahay ng 50th golden wedding anniversary. Parang kailan lang. Para nga bang hinihipan ng hangin ang panahon. Masarap lingunin ang nakalipas: mga hamon at pakikibakang isinabalikat, luha’t ngiti ng pagsasama, pagbalangkas sa mga pangarap na sa tulong ng Maykapal, halos lahat ay natupad. Napakasarap lingunin.
‘Di magkalayo ang aming edad at parehong may natural na dinaramdam ngayon, kasama sa agos ng pagtanda. Ngunit sa mga pinagdaanan, pinanday ang aming matibay na pagsasama… for better or for worse… till death do us part.
Biniyayaan kami ng isang babaeng anak (Therese) at son-in-law (John) at dalawang malulusog at magagandang apo (sina Anton at Daniela). Mga kuwintas ng sampagita sa buhay naming mag-asawa. Wala na. Wala na kaming mahihiling pa.
Ano ang naging mapanuring leksyon ng buhay? Marami. Iba’y buo; iba’y pira-piraso. ‘Di kayang isulat sa isang aklat.
“Mamahalin kita kahit puti na ang buhok ko…” hagod ng awit.
Isang ginintuang alaala ang biglang kumalap: ang aking pumanaw na inay at itay sa mabulaklak naming hardin sa San Pablo, Laguna isang mahanging tag-araw. Magkahawak ang kamay, pinanonood ang haring araw sa paglubog, puso sa pusong pag-uugnayan at pagtatahi ng kani-lang nakalipas.
“Mamahalin kita kahit puti na ang buhok ko…”
SAMUT-SAMOT
KASING BILIS ng kidlat kung maningil, mabagal pa sa usad ng pagong kung magserbisyo. Ganyan ang Sky Cable. Kamakailan sa gitna ng labanan ng Lakers at Phoenix Suns ng NBA, biglang nag-alburuto ang Video 2 ng Sky Cable. Nagdilim ang screen. Mahigit akong isang oras na tumatawag sa Customer Hotline ng Sky Cable subalit ‘pag ‘di busy, walang sumasagot. Halos mapudpod na ang daliri ko. Notorious ang Sky Cable sa ganitong uri ng serbisyo. Subalit ‘pag katapusan ng buwan, alas-6 pa lang ng umaga nangongolekta na. Wala ba tayong makuhang proteksyon?
INUTIL ANG DTI sa pag protekta ng mga consumers. Ngawa lang nang ngawa sa TV para maipakitang mayroon silang ginagawa. Sa U.S. at iba pang advanced countries, well protected ang consumers sa unscrupulous traders at matibay na uri ng serbisyo ng mga mangangalakal. At talagang ipinatutupad nila ang batas. Sa atin, ang daming ipinapasang batas subalit kahit isa walang natutupad.
HALOS KARAMIHAN ng heinous crimes ay drug-driven lalo na kung rape. Very alarming na ang drug trarfficking. Masahol pa rito, kasangkot kalimitan ang PDEA agents. Kamakailan dalawang ex-chiefs ng PDEA ang kinasuhan ng FBI for planting Marijuana sa unsuspecting suspects. Dapat matinong PDEA chief ang ilagay. ‘Yong determined at uncorruptible. Ang drug syndicate ay napakalakas ng influence at network. Kailangang kontrahin mga ito ng PDEA.
AYON SA huling ulat, mahigit 1.5 million ang lulong sa droga sa ating bansa. ‘Di pa accurate ang bilang na ito. Maaaring mahigit pa rito. Ang masama, mga biktima ay mga nasa squatter’s areas at ilan sa mga mayayamang pamilya. Kailangan ang concerted efforts ng pamahalaan at communities sa pagsugpo ng droga.
IT DOES not pay to be a loyal partyman. Ito ang masaklap na karanasan ng aking kaibigan, dating Sec. Vic Ziga. Sen. Ziga has never changed parties in all his political life. He has been a Liberal for as long as he can remember. Ngayon na kailangan niya ang tulong ng partido sa pagtakbo bilang diputado ng kanyang anak sa Albay, binagsak siya ng partido at pinili ang anak ni Rep. Edcel Lagman, isang lipat-partidong pulitiko. At ang may pakana nito ay si DILG Sec. Mar Roxas.
ISANG KAIBIGAN ang nagwika na sa patuloy na iba’t ibang natural calamities sa buong mundo, malamang nalalapit na ang pagtatapos ng daigdig. Ayon daw ito sa mga propeta at sa New Testament. Sagot namin, walang nakaaalam – kundi Diyos lang – ng pangyayaring ito. Pagkatapos ng Great Flood na ikinabuhay lang ni Noah at kanyang pamilya, nangako ang Diyos na ‘di na muli Niyang gugunawin ang mundo sa pamamagitan ng tubig. Interpretasyon ng iba, kaya naimbento ang atomic bomb at iba pang weapons of destruction para sa paggunaw ng mundo. Kailan ang end-times? At mga nangyayari ngayon ay nagbabadya ba nito?
MUKHANG MALALIM na ang lamat ng relationship ng mga Cojuangco at Aquino. Ang pagtakbo bilang senador sa UNA ni Tingting Cojuangco ay palatandaan nito. Dismayado raw si Peping Cojuangco sa pagbabale-wala sa kanila ni Pangulong P-Noy.
WALANDYO! ITO ang masasabi ko sa mabilis na aksyon ni DoJ Sec. Leila de Lima sa nangyaring grenade-throwing sa Bilibid Prison nakaraang Biyernes. Winalis lahat niya ang mga kasangkot na opisyales at 117 jail guards. Sa inspeksyon niya, nakalimas ng maraming punyal, pana, paltik at cellphones. Matagal nang sakit ng ulo ang sitwasyon sa penitentiary. Pugad ng drug addicts, away at kung anu-ano pang bisyo. ‘Di rin ligtas sa malimit na pagtakas ng high-profiled inmates. Dapat maglagay ng determined at honest Bureau head at masusing tingnan ang security network. Congrats, Sec. de Lima!
PALAWAK NA nang palawak ang pyramiding scams sa Mindanao. Marami pang natuklasan ang NBI pagkatapos ng Aman Securities scam. Mabigat nito, ang mga nagpakulo ay nagtatago o nakatakas na sa ibang bansa. Aabot diumano sa 20 bilyong piso ang sangkot na salapi. Uulitin natin na ang mga investor ang dapat sisihin sa masaklap nilang kapalaran. Marami kasi sa atin ang ganid. Ang SEC ay dapat paigtingin ang pagmamanman sa ganitong operations. Kakaawa ang mga gullible investor.
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez