Pagputi ng Uwak

PAGPUTI NG uwak. Pag-itim ng tagak. Isang napakatandang kasabihan na narinig ko pa sa lola ko sa talampakan. Paksa ko nga-yon tungkol sa isang uwak.

Nu’ng isang linggo, nagising ako sa ‘di normal na ingay ng mga lovebirds sa aking garden aviary. Kaibang ingay. Parang may nangyayari o mangyayari. Pupungas-pungas akong gumising. Sa bubong ng aviary, may isang uwak, wari ko’y galing sa isang mahabang paglalakbay at tila may sugat sa pakpak. ‘ Di kumikilos, ‘di makalipad.

Dahan-dahan kong hinawakan ang sugatang uwak at binigyan ng tubig. Binigyan ko rin ng himaymay na tinapay na kanyang tinuka. Napansin kong may galos din ang kaliwang mata. Hinayaan ko siyang magpahinga. Saglit pang may mga ilang ibong maya na umaligid sa mga puno sa paligid. Para bang nakikiusyoso. Samantala, mga lovebirds ay walang tigil sa ingay at pagsipol.

Pagkaraan ng ilang oras, bumalik ako ngunit wala na ang uwak. Lumipad na kung saan.

Bakit ang uwak ang paksa ng pitak ngayon? Kahapon, umuwi ako sa baryo kong sinilangan – Bulaho, San Pablo, Laguna – pagkalipas marahil ng sampung taon. Isang high school classmate sa dating Ateneo de San Pablo, nag-anyaya sa akin. Halos 50 taon na kaming ‘di nagkita. At masayang-malungkot buong araw naming reunion.

Pagkaraan ng 10 taon, kapansin-pansin na walang katiting pagbabago sa baryo. Baku-bako pa rin ang daan, sirang eskuwelahan, nanlilimahid na batang mahirap na pagala-gala sa lansangan. Sa isang tindahan, ilang mga kalalakihan na pakiwari ko’y walang trabaho naka-istambay, naninigarilyo at nag-iinuman. Ang health center ay sira-sira pa rin at walang gamot. Wala pa ring potable water.

Ito rin ang situwasyon ng baryo nu’ng huling dalaw ko. Tila ba ang baryo ay nalubog sa isang lubak na ‘di na makakaahon. Walang progreso. Walang pag-asa sa magandang uri ng buhay. Isang baryo na parang nilimot na ng panahon. Ano ang ginagawa ng pamahalaan? Sino ang magmamalasakit sa kanila?

Isa pang halos nakakabinging tanong ang kumulog sa aking isip. Kailan aahon ang aking baryo sa pusali at kumunoy ng paghihirap?

Ngayon batid ko na ang sagot: Pagputi ng uwak.

 

SAMUT-SAMOT

 

AMID THUNDEROUS cheers from thousands of admirers, TV superstar Oprah Winfrey praised India’s longest literary festivals. Considered one of the world’s influential women, Oprah lived up to her billing as the headline draw at the event boasting literary greats such as Tom Stoppard and Richard  Dawkins.

ISANG 34 anyos na lalaki ang namatay sa  Southern China sa H1N1 bird flu virus. Ang biktima ay bus driver sa Shenzhu, malapit sa Hong Kong. Ang bird flu virus ay nakukuha mula sa contact with infected birds, eggs o bird’s nests. Ang sakit na ito ay wala pa sa ating bayan. Salamat naman. Pero kailangang alerto ang ating health officials.

SA BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, 10 baryo ang nilusob ng mga daga kamakailan. Mahigit na 3,800 hectares of rice and corn lands ang napinsala. Municipalities ng Mallis at Ramon ang grabeng apektado. Mga magsasaka ay humihingi ng tulong sa DA para sa suliranin.

NABURA NA sa mga pahayagan ang isyu ng partition ng Camarines Sur. Balitang nawalan na rin ng interes si Rep. Arnulfo Fuentebella, author ng panukala. Malaking tagumpay ito kay Gov. L-Ray Villafuerte, isang batang-batang dynamic leader na puwede nang sumabak sa Senado. Sa kanyang pamamahala, naging number one tourist spot ang Camarines Sur, tinalo ang Boracay, Maynila at Cebu. Napaunlad din niya ang local economy. Ang mga Fuentebella ay mahigit nang isang siglo na namamayani sa lalawigan. Ngunit ‘di nila nagawa ang achievements ni Villafuerte. Dapat nang magpahi-nga ang mga Fuentebella at ipaubaya na lang sa mga batang lider ang pamamahala sa lalawigan.

DATI, ANG San Pablo City, Laguna ang numero unong siyudad sa Southern Tagalog. Mas maunlad pang ‘di hamak sa Lucena, Lipa o Batangas. Ngunit ang siyudad ay naiwan sa lubluban ng kalabaw. Patay ang mga negosyo. Bagsak ang peace and order. Sugal. Drugs. At kurapsyon sa governance ang naghahari. Karambola ang traffic. Kaawa-awang lungsod ko.

HANGARIN KONG magtapos ng college sa UP o Ateneo subalit sinamang-palad ako sa entrance exams kaya napadpad ako sa Lyceum. School of Journalism Batch ‘70. ‘Di rin ako nagsisisi. Napakahusay ng edukasyon sa Lyceum. Napanday ang aking talino ng magagaling na guro sa pamamahayag kagaya ng pumanaw na dean, Jose Lansang, Sr. Dito ko nakasalamuha ang mga Laurel na naghubog sa akin ng nasyonalismo. Kaklase – at hanggang ngayon ay matalik na kaibigan – si Ka Satur Ocampo, dating aktibista at mambabatas, Willy Baun, sikat na kolumnista, Doming Landicho, UP professor emeritus at Palanca awardee, at Butch Ayllon, top PR man. ‘Di ko kapalaran ang Ateneo o UP. Subalit sa Lyceum ko natagpuan ang aking hinahanap na edukasyon. Mahigit nang 60 anyos ang institusyon. At sa portals nito maraming nag-graduate na nagtagumpay sa kanilang propesyon, nakapaglingkod sa Diyos, sa bayan at mamamayan.

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Previous articleBenepisyo Para sa Marino
Next articleProblema sa Kasarian

No posts to display