KANYA-KANYA ng paraan ang mga showbiz hopefuls kung paano nila papasukin ang showbiz at maging artista sa TV at pelikula. Para sa binata mula sa Sta. Cruz Laguna na si Amir Reyes, posibleng matupad ang kanyang matagal nang pangarap sa pagsali niya sa contest ng Eat Bulaga na “Macho Men.”
“Lahat naman po kami ay pare-parehong nangangarap and the best way to achieve it, para sa akin, ay sumali sa mga ganitong contest para makita ako ng publiko at magkaroon ng magandang exposure sa TV,” wika ni Amir.
“Iba po kasi kapag napanood ka nila sa Eat Bulaga. Natatandaan ka kaagad ng tao at do’n po yon puwedeng magsimula – yung unti-unti kang makilala,” dagdag pa niya.
Isa sa sa qualifications ng contestant ng “Macho Men” ay dapat marunong sumayaw. Mabuti na lang daw ang napagtagumpayan niya ito kaya nakapasok siya sa daily round ng competition nitong Lunes (Oct. 14).
“Hindi po talaga ako dancer, pero lahat naman ay puwedeng matutunan. Nagulat din po ako sa sarili ko na kaya ko rin naman palang sumayaw. Nadadaan naman po pala yon sa training,” natatawa niyang reakssyon.
Si Amir ay produkto ng iba’t ibang male pageant. Naging part time theater actor din siya at nasubukang lumabas sa mga teleserye bilang talent.
Isa rin siyang ramp model sa height na 5’10” at 3rd year Marketing student sa San Pedro College of Business Administrations.
Sa Saturday (Oct. 19) ay makakaharap ni Amir ang iba pang daily winners ng “Macho Men” ng Eat Bulaga.
“Sana po ay makalusot,” pag-asam ng binata na tinagurian ding “Race Car Driver’ ng Laguna.