PANGALAWANG MALAKING pagsabog muli ang naganap sa Cotabato City noong Lunes, August 5, na kumitil sa buhay ng walong katao at 30 ang nasugatan. Kung matatandaan natin, kamakalian lang ay walo rin ang iniwang patay ng naunang insidente ng pagsabog sa isang commercial center dito, kung saan may pagtitipon ang ilang doktor at sales representative.
Ang ikalawang pagsabog ay nagmula sa isang multicab na nakaparada malapit sa Villa Funeral Parlor sa kanto ng Maniara Street at Sinsuat Avenue, kung saan sa pagkakataong iyon, ay paparating naman ang convoy ni Cotabato City Mayor Japal Guiani Jr. Mapalad si Mayor na lulan ng isang mamaha-ling SUV at hindi siya nasaktan sa pagsabog.
KINONDENA NG Palasyo ang terorismong ito na pinaniniwalaang kagagawan ng mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), isang humiwalay na grupo sa Moro Islamic Liberation Front (MILF). Ito ang ipinahayag ni Secretary Herminio Coloma ng Presidential Communications Operations Office. Dagdag pa nito na hindi titigil ang pamahalaan sa pagtugis ng mga kriminal na may kagagawan nito.
Inaalam pa rin ng pulisya kung anong uri ng pangpa-sabog ang ginamit dito, ayon kay Cotobato City Police Chief Senior Superintendent Rolen Balquin. Pinag-utos na ni Chief Superintendent Charles Calima, director ng Central Mindanao Regional office na paigtingin din ang seguridad at pagbabantay ng mga pulis at sundalo sa Cotabato.
ANG HIGIT na nakakalungkot ay ang pagsabog na ito ay itinaon sa oras na maraming tao ang nasa kalsada. May i-lang mga bata ang kasama sa namatay na dumadaan lang sa lugar noong nangyari ang pagsabog.
Kaugnay nito ay ipinag-utos ni Senior Superintendent Reuben Theodore Sindac, PNP Public Information Office Chief, na palawakin ang “incident management measures and mobilized emergency response teams” at tutukan ang pangyayaring ito.
Dapat sigurong pagbuhusan din ng Pangulo ng pondo ang mga internal na problemang pang seguridad. Mabuti ang ginawa ng Pangulo sa suporta at paglagay ng mala-king pondo para pambili ng mga bagong gamit ng military at pulisya. Ngunit, kailangan din ng balanseng pamamahala at prayoridad lalo na para sa seguridad ng mga ordinaryong Pilipino sa araw-araw nilang pamumuhay.
Iilan lang ang nakasakay sa SUV, katulad ni Mayor na protektado sa mga ganitong pagsabog. Kailangan palawakin ang intelligence service ng military para hindi tayo nabubulaga sa mga terorismong tulad nito. Kailangan ding maglaan ng malaking pondo para suportahan ang “disaster measures and response project” ng mga ahensyang naatasan sa gatinong gawain.
MAGING ANG masiglang ekonomiya sa kasalukuyan ay apektado ng karahasang ito sa Cotabato. Ang NCR ang sentro ng merkado ng bansa. Hindi malayong dito ang susunod na pag-atake ng mga kriminal na ’yan. Dapat ay maghigpit ng security pati ang pamunuan ng mga pribadong negosyo at kumpanya katulad ng mga malls at buildings sa Makati.
Ang madalas nating maling gawi ay aaksyon lamang kapag may nangyari na. “Prevention is better than cure,” ito ang magandang pilosopiya laban sa terorismo dahil nagtatagumpay ang terorismo sa oras na maisagawa ang karahasan.
Ang tanong ko kay PNoy, ligtas ba ang tuwid na daan? Hindi lang korapsyon ang problema ng Pilipinas sa napakahabang panahon, mahal na Pangulo. Matagal na ring may problema sa karahasan at seguridad ang mga boss mo!
Shooting Range
Raffy Tulfo