KAILAN LANG ay nabanggit ko sa aking artikulo na tila pasimpleng nagparamdam ang Pangulo sa posibleng pag-abutan niya ng basbas sa darating na 2016 election. Iisang pangalan ang lumutang sa huling SONA ni PNoy at mas binigyan pa ng malalim na kahulugan ang pagbanggit na ito dahil sinabi ng Pangulo na matagal na niyang kasama sa laban ang taong ito simula pa noong panunungkulan ng kanyang ina bilang pangulo ng bansa.
Ang aking tinutukoy ay ang bise president na si Jejomar Binay. Sa panawagan ni PNoy na ang dapat pillin ng taong bayan ang kandidatong tiyak na magsusulong ng mga proyektong kanyang nasimulan na ay para bang nagpapahiwatig na ang Pangulo na kung sino ang tutugon sa hamon na ito ay siya nang makakakuha ng suporta ng administrasyon.
Sa isang panayam sa telebisyon ay tahasang sinabi ni VP Binay na handa siyang isulong at ipagpatuloy ang mga nasimulang proyekto at adhikain ng administrasyong Aquino. Ito’y tila isang kasunduang ipinadadaan sa hangin upang masagap at malaman na ng taong bayan ang maaaring pagsasanib-puwersang ito. Sa artikulong ito ay susuriin natin kung ano ang mga implikasyon ng pagsanib-puwersa ng dalawang malaki at malakas na mga partido ni PNoy at Binay.
SA KASAYSAYAN ng ating politika ay bibihirang nagsasama sa administrasyon ang isang kandidato ng pagka-presidente at bise presidente. Isang package deal nga kung ituring ang tambalan ng mga kandidatong ito. At kung sakaling magkaganito nga ang sitwasyon kung saan magkahiwalay ang partido ng presidente at bise presidente, ang bise presidente ay nagiging kritiko ng presidente at tila hindi nagsusuportahan ang dalawa.
Ngunit tila iba ang naging sitwasyon sa pagitan nila PNoy at Binay. Bukod lamang sa hindi pagkakabigay ng posisyon kay Binay sa DILG, sa kabila ng pagpaparamdam ni Binay ng pagnanais na makuha ang posisyon, ay naging tahimik at masunurin lang ito sa kung ano ang naiatas sa kanya ng Pangulo.
Tila nagbunga ngayon ang pagiging low profile at masunurin ni Binay sa administrasyong Aquino. Parang siya na nga yata ang magmamana ng basbas ng Pangulo para pumalit sa kanya sa 2016. Kung magkakaganito nga ay lalo pang tataas ang tiyansang makuha ni Binay ang inaasam nitong pinakamataas na puwesto sa gobyerno.
ANG DALAWANG malalaking partido politikal sa ating bansa ngayon ang itinuturing na paaralan kung saan nagtatapos ang nagiging presidente, bise presidente, senador at mga kongresista ang siyang nagdidirekta sa pupuntahan ng ating bansa. Ang Liberal Party (LP), kung saan nagmula si PNoy at United Nationalist Alliance (UNA) na itinatag naman ni Binay ang dalawang maimpluwensya at makapangyarihan sa politika sa ating bansa.
Ang mga Senador at Kongresista ay halos nahahati lamang sa pagiging miyembro ng LP o kaya ay UNA. Kung mangyayaring magsasanib puwersa ang LP at UNA para sa napipintong pagtakbo ni Binay sa 2016, masasabing ito na ang pinakamalaking pagsasanib ng alyansang politikal sa kasaysayan ng ating bansa. Sa biglang tingin ay sasabihin mong mabuti ang pagsasanib na ito dahil nagkakaroon ng pagkakaisa ang mga politiko sa ating bayan, ngunit ang mas malalim na implikasyon nito ay mapanganib sa ating demokrasya.
Kung ang miyembro ng Ehekutibo gaya ng presidente, bise presidente, at kung halos 80% ng miyembro ng mataas at mababang kapulungan ng Kongreso ay galing sa iisang partido ay mamawalan na ng saysay ang disenyong “check and balance” ng ating Saligang Batas dahil iisa ang agenda ng mga ito, dahil galing sila sa iisang partido.
Hindi magiging malusog ang palitan ng pananaw dahil may iisa naman silang pananaw. Maaari ring makontrol ng isang malaking partidong ito ang interes ng bayan. At ang pinakanakakatakot ay kaya nilang magtakipan ng kabulukan kung magiging ganito nga ang pamamalakad nila at mananatili sila sa kapangyarihan sa kabila ng kabulukang ito dahil nasa kanila ang kapangyarihan ng “numero” sa politika.
KUNG MATUTULOY nga ang pagsasanib-puwersang ito ay tiyak na mananalo si Binay sa 2016 bilang bagong pangulo ng Pilipinas. Kung magiging pragmatiko ang pangulo sa kanyang pananaw sa politika ay nasa kanyang adbentahe ang pagsasanib-puwersang ito. Una ay tiyak na maitutuloy ang kanyang sinimulan at maaaring matapos pa ito sa panahon ni Binay bilang pangulo, ngunit maaalala pa rin si PNoy bilang tagapagsulong nito at sa huli ay sa kanya pa rin ang kredito kahit na wala na siya sa puwesto.
Pangalawa, ay matitiyak din ni PNoy na kung sakaling may magsampa sa kanya ng kaso kung wala na siya sa kapangyarihan ay hindi ito maisusulong at hindi siya makukulong gaya ng sinapit nila Gloria Macapagal Arroyo at Joseph Estrada noon.
Pangatlo, mukhang hindi na susugal si PNoy sa karera ni DILG Secretary Mar Roxas para sa pagkapresidente dahil sa itinatakbo ng sitwasyon ngayon ay basang-basa ang papel ni Roxas sa imahe niyang namumulitika. Bukod pa rito ay napakababa ng rating ni Roxas sa mga surveys na ginagawa hinggil sa karera para pagkapangulo.
Ang tanong ngayon ay para sa interes nga ba ng bayan ang pagsasanib-puwersang ito o interes lamang nina PNoy at Binay?
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan sa 92.3 FM, Lunes hanggang Biyernes, 2:00–4:00 pm. Ang inyong lingkod ay mapanonood din sa Aksyon Tanghali news, Lunes hanggang Biyernes, 12:00–12:30 pm sa TV5. Samantalang ang T3 Enforced naman ay mapapanood na sa bago nitong timeslot na 12:30–1:00 pm, Lunes hanggang Biyernes sa TV5 pa rin.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo