NOONG NAKARAANG Linggo, isang kasunduan ang nilagdaan sa pagitan ng PhilHealth at ng Commission on Filipinos Overseas o CFO upang lalo pang palaganapin ang impormasyon tungkol sa mga benepisyo na maaaring makamit ng mga overseas Filipinos mula sa PhilHealth. Ang kasunduan ay nilagdaan nina PhilHealth President at CEO Alexander A. Padilla at CFO Chairperson, Secretary Imelda M. Nicolas.
Gaano nga ba kahalaga ang maiseguro namin ang kalusugan ng ating mga bagong bayani?
Simula pa noong 2005 nang isalin ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang pamamahala ng programang Medicare sa PhilHealth, tuluy-tuloy na ang mga kaganapan upang matiyak na may masasandalan ang ating mga bagong bayani sa oras ng kanilang pangangailangang medikal, kahit sila ay nasa ibang bansa. Dahil bawa’t Pilipino ay dapat miyembro ng PhilHealth, may coverage pa rin ang ating mga OFWs, maging ang kanilang mga legal dependents na nandito sa Pilipinas.
Kabilang sa aming database ngayon ay ang mga land-based at sea-based na migrant workers. Ang land-based migrant workers ay ang mga miyembrong mayroong kontrata sa kani-kanilang employer na naka-base sa ibang bansa. Dumadaan sila sa Philippine Overseas Employment Administration o POEA, kung saan kabilang sa kanilang binabayaran upang makakuha ng Overseas Employment Certificate o OEC ay ang kanilang kontribusyon sa PhilHealth. Ang taunang prima ay nagkakahalagang P2,400.00 at ito ay maaaring bayaran nang taunan, o depende sa haba ng kanilang kontrata, subali’t hindi lalagpas ng limang taon.
Ang mga seaman o sea-based migrant workers naman ay nakapaloob sa Formal Economy. Ang kanilang manning agency ay naka-base rito sa Pilipinas, at ang kanilang prima ay inihuhulog ng kanilang employer, kasama ang katumbas na halaga na kumakatawan naman sa employer counterpart.
Alam ba ninyo na ang pagpapa-ospital ng isang migrant worker-member sa ibang bansa ay covered ng PhilHealth?
Para sa ating mga migrant worker-members, maoperahan man kayo o maospital kayo sa ibang bansa, maaari pa rin ninyong makamit ang inyong benepisyo mula sa PhilHealth. Ito ay sa pamamagitan ng pag-reimburse ng inyong benepisyo sa loob ng 180 araw mula sa araw ng pagkaka-discharge ninyo sa ospital. Ibig sabihin, kailangan maipadala ninyo sa PhilHealth dito sa Pilipinas ang inyong claim documents upang mai-proseso ang inyong claim. Babayaran naman ng PhilHealth ang inyong claim ayon sa Philippine peso value nito.
Kung sakali naman na ang inyong dependent dito sa Pilipinas ang maospital, at kayo bilang principal member ay nasa ibang bansa, maaari pa ring magamit ang inyong benepisyo. Tiyakin lamang na may kopya ng inyong Member Data Record ang inyong legal dependents, kung saan ang kanilang mga pangalan ay nakatala. Kung wala naman nito, maaari pa rin magkamit ng benepisyo sa tulong ng mga PhilHealth CARES o ang mga Customer Assistance, Relations and Empowerment staff na nakatalaga sa piling ospital dito sa Pilipinas. Tutulungan nila kayo upang matiyak na magagamit ninyo ang inyong benepisyo, oras na ito ay inyong kailanganin.
Sa tuwing sumasali ang PhilHealth sa mga InterAgency Missions sa ibang bansa, madalas naitatanong din sa amin kung paano mag-enrol ang isang OFW na matagal nang naninirahan sa ibang bansa. Simple lamang po: kung may Internet access, mag-log on sa aming website, www.philhealth.gov.ph, i-click ang ONLINE SERVICES, piliin ang eRegistration, at sundan ang paraan ng pagpapa-register. Hindi na kailangan pang mag-attach ng mga supporting documents, maliban na lamang kung ang mga ito ay hihingiin ng PhilHealth.
Dahil hangarin ng PhilHealth na maiseguro ang kalusugan ng bawa’t Pilipino, maging ang mga nagtatrabaho sa ibang bansa ay kasali sa National Health Insurance Program. Kaya para sa ating mga kababayan na may kapamilyang OFW, pakihatid ang magandang balitang ito.
Hanggang sa susunod na edisyon ng Alagang PhilHealth. Kung may nais pa kayong itanong tungkol sa paksa natin ngayon, mag-email lamang sa [email protected], o tumawag sa aming Corporate Action Center sa (02) 441-7442. Maaari ring silipin ang aming social media accounts: www.facebook.com/PhilHealth, www.youtube.com/teamphilhealth at @teamphilhealth sa Twitter.
Alagang PhilHealth
Dr. Israel Francis A. Pargas