HABANG SINUSULAT ko ang aking column ay nakabukas sa aking harapan ang website ng Commission on Population, isang sangay ng Department of Health na mayroong mandato sa pangkalahatang koordinasyon, pag-monitor at paggawa ng mga polisiya para sa mga programa ukol sa populasyon. Ang nakatawag ng aking pansin ay ang population clock na nasa ilalim ng digital clock na nagsasaad ng Philippine Standard Time. Nakasaad sa ilalim ng population clock ang projected population sa petsa at oras na ito. Hindi ko mapigilang ngumiti at mag-isip, dahil wala pang isang minuto ay nadaragdagan ang numero sa population clock, na ang ibig sabihin ay maaaring nadadagdagan ang populasyon ng ating bansa.
One hundred one million five hundred fifty thousand one hundred twenty three – 101,555,123 – ito ang nakatalang projected population sa oras na ito. Napakalaking numero nito at katumbas din ang napakalaking responsibilidad para sa PhilHealth! Paano nga ba gagawin ng PhilHealth na mayroon lamang mahigit na 5,000 empleyado na mapaglingkuran ang lahat ng mga Pilipino?
Sa kasalukuyan, 87% ng 2014 projected population o mahigit na 86 milyong Pilipino na ang mayroon ng health insurance coverage sa ilalim ng PhilHealth. Mahigit na 36 milyon na ang miyembro ng PhilHealth na nasa ilalim ng iba’t ibang membership category nito. Ang Formal Economy ay binubuo ng mga kawani mula sa pribado at pampublikong sektor, kasambahay, driver, at may-ari ng mga negosyo. Ang kategorya namang sumasakop sa mga nagtatrabaho sa ibang bansa o Overseas Filipino Workers, may sariling mga hanapbuhay, freelancers, at organized group, ay ang Informal Economy. Ang mga mahihirap naman ang bumubuo sa Indigent at Sponsored Program sa tulong ng national government, mga lokal na pamahalaan, at iba pang sponsors. At s’yempre, hindi natin nakalilimutan ang mga nakatatanda, dahil sakop sila ng Lifetime Members at Senior Citizens Program.
Maging ang mga banyagang nandito sa ating bansa, nagtatrabaho man o dito na naninirahan ay sakop pa rin ng ating programa. Ang mga Pilipinong mayroong dual citizenship, ang mga banyagang naging Pilipino, at maging ang mga rebeldeng nagbalik-loob sa pamahalaan ay kasali rin sa PhilHealth.
At dahil inaatasan ng batas ang PhilHealth na mabigyan ng kaseguruhang pangkalusugan ang lahat ng Pilipino, malaking hamon pa ang aming kinakaharap upang matugunan ang mabigat na tungkuling nakaatang sa aming balikat. Kung kaya naman mas pinadali na namin ang proseso ng enrolment, kung saan kailangan lamang magsumite ng properly filled out PhilHealth Member Registration Form upang maging miyembro. Mas pinalawig din namin ang aming pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan kagaya ng Dept. of Social Welfare and Development, SSS, Pag-IBIG, lokal na pamahalaan, mga organisasyon, ang partner naming healthcare providers, mga pribadong sektor, at maging sa Office of the Senior Citizen upang maabot lahat ng mga Pilipino.
Maliban dito, patuloy naming pinararami ang bilang ng aming mga frontline offices dahil maliban sa mga Regional Offices, mayroon na rin kaming Local Health Insurance Offices (LHIO). At dahil mahilig tayong pumunta sa shopping malls, ang PhilHealth ay mayroong PhilHealth Express sa mga partner naming shopping malls kagaya ng Robinsons, SM, Ayala, Gaisano, at iba pa sa buong bansa. Kamakailan nga lamang ay nagbukas ang LHIO Valenzuela sa PureGold Paso de Blas sa Valenzuela City at ang LHIO Tuguegarao City sa Region II.
Upang masigurong mabibigyan ng health insurance coverage ang mga mahihirap na Pilipino na hindi kasama sa talaan ng DSWD, ipinatupad ng PhilHealth ang Point of Care Enrollment System. Sa ilalim nito, ang mga nasa class C3 o D na naka-confine sa alinman sa 85 DOH-retained hospital at ibang ospital na pinangangasiwaan ng mga lokal na pamahalaan ay awtomatikong makagagamit ng PhilHealth benefits at mai-enrol sa programa basta’t sila ay nakapasa sa evaluation ng medical social worker sa panahon ng admission sa ospital. Layunin din nito na mabago ang pananaw ng mga mahihirap na magpagamot sa mga ospital dahil alam nilang may tulong mula sa PhilHealth na maaari nilang asahan.
At para naman sa mga techie, puwedeng-puwede nang mag-enrol online. Bumisita lamang sa www.philhealth.gov.ph.
Bago nga pala ako magpaalam ay may paalala ako sa mga nakatatanda na hindi pa nakarehistro sa PhilHealth. Hindi na ninyo kailangang magsadya pa sa aming tanggapan upang magparehistro. Maaari kayong makipag-ugnayan sa OSCA o sa anumang tanggapang itinalaga ng inyong lokal na pamahalaan upang maiproseso ang inyong PhilHealth membership. At kung sakali mang gagamitin na ninyo ang PhilHealth benefits sa ospital, ipakita lamang ang inyong OSCA ID o anumang ID na nagpapatunay na kayo ay senior citizen na, maglakip na rin ng duly accomplished PhilHealth Member Registration Form at ma-a-avail na ninyo ang benepisyo ng PhilHealth. Paalala lamang po, huwag na huwag po kayong makikipag-usap sa mga fixers.
Para sa karagdagang tanong tungkol sa paksa natin ngayon, tumawag sa aming Call Center sa (02) 441-7442, mag-email sa [email protected], o mag-post ng komento sa aming Facebook page, www.facebook.com/PhilHealth.
Alagang PhilHealth
Dr. Israel Francis A. Pargas