Pagseseguro sa kalusugan ng nasa Informal Sector

BILANG OPISYAL na tagapagsalita ng PhilHealth, isa sa aking tungkulin ay maipalaganap ang impormasyon ukol sa PhilHealth sa pamamagitan ng media.  At sa aking mga media guestings, marami akong natatanggap na katanungan tungkol sa pagpapamiyembro sa PhilHealth. Karamihan sa mga katanungan ay nagmula  sa mga kababayan nating mayroong iba’t ibang hanapbuhay kagaya ng may mga sariling negosyo, may maliit na sari-sari store, mga freelance professionals, at iba pa.

Mayroon din akong nakakausap na mga tinatawag na talents sa mga istasyon ng radyo at TV, kung saan walang employee-employer relationship sa kumpanya na ganito rin ang katanungan.

Natutuwa ako dahil sa tingin ko ay tumataas na ang kamalayan ng ating mga kababayan hinggil sa pagseseguro ng kanilang kalusugan o sa health insurance. Unti-unti na nating naipauunawa sa ating mga kababayan ang kahalagahan ng health insurance, hindi lamang para sa kanilang personal na pangangailangan, ngunit ang mas mahalaga ay ang maiseguro ang kalusugan ng kanilang buong pamilya.

Kaya naman tatalakayin ko ngayon ang Informal Economy – isang malaking sektor na bumubuo sa membership ng PhilHealth. Masasabi ko ring ang sektor na ito ang isa sa pinakamalaking hamon sa PhilHealth na maiseguro dahil napakalaki ng sakop nito. Ayon sa aming pinakabagong batas, ang Republic Act 10606 o ang bagong batas ng National Health Insurance Program, sakop ng informal economy ang mga sumusunod:

  • Migrant Workers – mga Pilipino, may legal mang papel (documented) o wala (undocumented) na mayroong pinagkakakitaan sa ibang bansa. Kinakailangan lamang na hindi sila citizen sa bansa kung saan sila nagtatrabaho.
  • Informal Sector – mga nagtitinda sa kalsada kagaya ng magtataho, magbabalut, nagtitinda sa talipapa at palengke, mga pedicab at tricycle drivers, small construction workers, at mga home-based industries
  • Self-earning individuals/professionals kagaya ng doktor, abogado, inhinyero, artista, atleta, at iba pa
  • Mga Pilipino na mayroong dual citizenship
  • Mga Naturalized Filipino Citizen
  • Mga banyagang nagtatrabaho o nakatira sa Pilipinas

Kabilang rin dito ang mga:

  • Empleyadong nahiwalay sa trabaho
  • Mga indibidwal na mababa sa 21 taong gulang ngunit hindi na maaaring ideklarang dependent ninuman
  • At iba pang indibidwal na hindi sakop ng ibang membership program ng PhilHealth

Ang taunang prima ay P2,400 para sa mga kumikita ng hanggang P25,000 kada buwan at maaaring bayaran kada tatlong buwan (P600.00), semi-annual (P1,200) o taunan. Aba, ito ay katumbas lamang ng P6.60 kada araw, mas mababa pa sa halaga ng isang donut o pamasahe sa pampublikong sasakyan. At sa halagang ito, ang kalusugan ng buong pamilya kagaya ng legal na asawa at mga anak na mababa sa 21 taong gulang ang nakaseguro!

At dahil ang PhilHealth ay isang social health insurance, kung saan ang prima ng mga miyembro ay pinagsasama-sama upang matulungan ang miyembrong nagkakasakit, ipinatutupad ng PhilHealth na mas mataas nang kaunti ang prima ng mga miyembrong kumikita ng mahigit sa P25,000 kada buwan, kung saan ang kanilang taunang prima ay P3,600. Maaari rin itong bayaran ng kada tatlong buwan (P900) at P1,800 naman kung semi-annually.

Bago nga pala ako magpaalam ay nais kong ipaalala na hanggang sa September 30 pa maaaring bayaran ang prima para sa 3rd quarter ng taong kasalukuyan. Para maiwasan ang abala at makalimutan pa ang pagbabayad ng inyong prima, maaari na kayong pumunta sa alinmang PhilHealth Local Health Insurance Office o sa mga PhilHealth Accredited Collecting Agents (ACAs)  tulad ng mga bangko, CIS Bayad Center, SM Retail Inc., MLhuillier at iba pa. Ang mga sangay ng Philippine Postal Corporation at piling lokal na pamahalaan sa buong bansa ay tumatanggap na rin ng prima ng PhilHealth.  Para sa kumpletong listahan ng ACAs, maaari itong makita sa www.philhealth.gov.ph.

Para sa karagdagang tanong tungkol sa paksa natin ngayon, tumawag sa aming Call Center sa (02) 441-7442, mag-email [email protected], o mag-post ng komento sa aming Facebook page, www.facebook.com/PhilHealth.

Alagang PhilHealth

Dr. Israel Francis A. Pargas

Previous articleUnang double OT para sa season na ito
Next articlePalapit Na Banta Sa Bansa

No posts to display