Pagsingil sa Utang na ‘Di Nababayaran

Dear  Atty. Acosta,

ANO PO ba ang magandang paraan ng paniningil ng utang na matagal nang hindi binabayaran? Pakiramdam ko po ay binabale-wala na ng mga taong umutang sa akin ang kanilang obligasyon. Ayoko na sanang padaanin ito sa barangay dahil nauwi lamang sa wala ang nakaraan naming pag-uusap doon at puro pangako lamang ang nangyari. Sana ay mabigyan ninyo ng pansin ang aking sulat. Maraming salamat.

Ren

 

Dear Ren,

BATID NAMIN ang iyong pagnanais na makuhang muli ang perang ipinahiram mo sa mga taong mayroong pagkakautang sa iyo. Sadyang nakalulungkot ang malagay sa sitwasyon na hindi mo mabawi ang perang pinaghirapan at pinag-ipunan dahil lamang sa kapabayaan ng iba. Maliban ditto, mahirap ang buhay sa kasalukuyan kung kaya’t mahalaga ang bawat sentimo na ating maitatabi upang mayroon tayong mahuhugot sa panahon ng pinansyal na pangangailangan.

Sa iyong sitwasyon, mayroong nakalaang lunas ang ating batas. Sa ganitong legal na suliranin, maaari kang magsampa ng action for collection of sum of money sa hukuman ng lugar kung saan ka nakatira. Kailangan mong mapatunayan na mayroong hiniram na halaga sa iyo ang mga taong iyong nabanggit, ang inyong naging kasunduan at ang mga probisyon nito, ang paniningil na ginawa mo at ang hindi pagbabayad ng mga ito kahit pa dumating na ang takdang panahon ng pagbabayad. Kung ang halaga ng pagkakautang sa iyo ng bawat isa sa humiram ng pera sa iyo ay hindi hihigit sa halagang isang daang libong piso, maaari kang maghain ng kasong small claims laban sa kanila. Ito ay maaaring ihain sa Metropolitan Trial Courts, Municipal Trial Courts in Cities, Municipal Trial Courts o Municipal Circuit Trial Courts na matatagpuan sa lugar kung saan ka naninirahan. (A.M. No. 08-8-7-SC)

Katulad ng naunang nabanggit, mahalaga na gumawa ka ng aksyon upang singilin ang mga taong mayroong utang sa iyo bago mo ihain ang alinman sa nasabing reklamo. Maaari mo itong gawin sa pamamagitan ng pakikipag-usap nang personal sa kanila. Ngunit kung hindi sila tumalima sa iyong paniningil at patuloy nilang tinatalikuran ang kanilang obligasyon sa iyo, makabubuti na magpadala ka sa kanila ng sulat ng paniningil o demand letter. Mahalaga na isaad mo sa nasabing sulat ang kabuuang halaga ng kanilang pagkakautang sa iyo, kasama na ang interes kung ito ay inyong napagkasunduan. Ipahayag mo sa nasabing sulat na kung hindi sila tutupad sa inyong naging kasunduan, ang susunod na hakbang na iyong gagawin ay ang pagsasampa na ng kaso laban sa kanila. Nawa’y sa paraang ito ay magising ang kanilang diwa at gawin ang nararapat ukol sa kanilang pinansyal na responsibilidad sa iyo. Kung hindi man ay magagamit mo ang nasabing sulat bilang patunay ng iyong written demand laban sa kanila.

Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleWorker On Leave
Next articleMga Tapat na Pilipino!

No posts to display