HINDI LANG mga naglalakihang parol, naggagandahang Christmas lights at nagbobonggahang dekorasyon ang magpapatalbugan ngayong Pasko dahil walong pelikulang Pilipino rin ang magpapamalas ng iba’t ibang kuwento.
Ang pagdaos ng Metro Manila Film Festival taun-taon ay kasama na rin sa tradisyon ng Paskong Pinoy. Isa na rin ito sa bonding ng buong pamilya matapos magsalu-salo sa masasarap na handaan sa hapag-kainan. Kung minsan pa nga, matapos mamasko ng mga bagets mula sa kanilang mga ninang at ninong, ang napamaskuhang pera ay kanilang ginagawang pang-sine sa kanilang paborito sa walong pelikula sa nasabing film festival.
Ang Metro Manila Film Festival ay masasabi ring pagbabalik sa buhay ng sining ng pelikulang Pilipino. Dahil tuwing MMFF, walang banyagang pelikula ang maaaring ipalabas. Atin lang tatangkilikin ang sariling atin at atin ding susuportahan ang mga pelikulang bunga ng sipag, puyat at pagod ng ating mga kapwa Pinoy.
Sa 15 na isinumite, walong pelikula lamang ang matatampok sa MMFF ngayong taon. Mga bagets, huwag kayong umasa na may Enteng Kabisote, Panday at Shake, Rattle and Roll series na tampok, dahil hindi sila kasama sa film fest ngayon. Huwag malungkot, maging positibo pa rin. Ayaw n’yo no’n, bagong mukha ng Metro Manila Film Festival ang makikita n’yo, hindi na ‘yung tulad noong nakaraang mga taon na halos kabisado mo na ang mga pelikula dahil puro serye lang naman ang mga ito.
Paniguradong may magugustuhan kayong mga pelikula ngayong taon. Baka nga mag-movie marathon pa kayo sa dami ng gusto n’yong panoorin. Dahil siniguro ng board na iba-iba ang genre ng mga official entries ngayon.
Sa mga bagets d’yan na mahilig sa action na may halong thriller, pila na para sa pelikulang 10,000 Hours at Boy Golden. Ang 10,000 hours ay pagbibidahan ni Robin Padilla habang ang Boy Golden naman ay pagbibidahan ni ER Ejercito.
Sa mga gusto namang maiyak sa katatawa, comedy films ang solusyon diyan. Ang MMFF ngayon ay may tatlong entries sa ilalim ng genre ng komedya. Ito ay ang Girl Boy Bakla Tomboy na pagbibidahan ni Vice Ganda, Kimmy Dora: ang Kiyemeng Prequel ni Eugene Domingo at My Little Bossings ni Vic Sotto, Kris Aquino, Baby James at Ryzza!
Hindi rin mawawala sa mga Pinoy ang pagkahilig sa horror films kaya huwag nang mag-atubili, manood na ng Pagpag: Siyam na Buhay na pagbibidahan nila Kathryn Bernardo at Daniel Padilla.
Isa sa pinakakaiba sa MMFF ngayong taon ay ang Kaleidoscope World na pagbibidahan ni Elmo Magalona. Ito ay Romance Musical Film. Ito ay para sa mga Pinoy na mahilig kiligin at mahilig sa musika.
At siyempre, hindi puwedeng mawala ang genre ng epic kung saan kapupulutan talaga ng aral. Ito ay ang biography film ni Pedro Calungsod: Batang Martir.
Kay raming pelikulang Pinoy ang pagpipilian. Kay raming paraan ng pagsuporta sa pelikulang Pinoy. Kaya, mga bagets, isama sa iyong itinerary sa Pasko ang pagtungo sa malls kasama ang pamilya para tangkilikin ang mga pelikulang tampok sa Metro Manila Film Festival 2013.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo