GUSTO NA LANG naming isipin na ang dahilan ng pagiging pikon ngayon ni Luis Manzano sa pagsagot sa mga tanong tungkol sa paghihiwalay nila ni Angel Locsin ay dahil masyado pa siyang emosyonal ngayon.
Sa biglang paghusga ay parang nagsusuplado siya, parang nagiging nega, pero kung uunawain natin ang posisyon ng aktor ay parang binabantayan lang niya nang maayos ang kanyang emosyon.
Mapanglinlang kasi ang emosyon, kapag nagpatalo ka rito ay napakarami mong pagsisisihan at mga salitang kailangang kainin sa bandang huli. Hindi ba’t ang pagiging padalos-dalos nga sa pagsasalita ang madalas na nagiging dahilan ng mga away sa mundo?
Maraming hindi nasiyahan sa hindi pagsagot nang diretso ni Luis sa mga tanong tungkol sa kanila ni Angel nu’ng presscon ng In My Life, isa na namang pelikula ni Governor Vilma Santos na ngayon pa lang ay pinaglalaanan na namin ng panahon para panoorin, sa pakiramdam ng mga kasamahan naming manunulat ay nag-ipit ng mga detalye si Luis.
Ang katwiran ng binatang aktor, kung paano raw nila inalagaan ni Angel ang kanilang relasyon mula nu’ng una pa lang ay ganu’ng pag-aalaga rin ang gusto niyang ibigay ngayon, kaya ayaw niyang tumodo sa pagbibigay ng mga detalye kung bakit sila nagkahiwalay ng dalaga.
Pero sa opinyon naman ng mga manunulat, pati na rin ng kolumnistang ito, pinasok nila ni Angel ang pampublikong buhay, mga pampublikong pigura silang naturingan, kaya anumang nagaganap tungkol sa kanilang buhay na propesyonal at personal ay pinagkakainteresan ng marami.
Kung mga ordinaryong estudyante ba silang nagmahalan sa loob ng bakuran ng unibersidad ay ganitong interes din ang makikita nila sa mga manunulat at sa publikong sumusubaybay sa kanilang buhay at career?
NAKAKITA NG KAKAMPI-tagapagtanggol ang tinanghal na National Artist sa larangan ng sining na biswal na si Direk Carlo J. Caparas sa Palasyo. Nagpalabas na ng pahayag ang Malacañang na oo nga’t nasa pagsusuri na ng Supreme Court ang reklamo ng ilang sektor tungkol sa mga napiling pambansang alagad ng sining ay sinabi ng Palasyo na ang pinal na magdedesisyon pa rin tungkol sa usapin ay ang Pangulong Gloria Arroyo.
Sa pagsasabi nu’n ay nakakahon na ang magiging resulta ng pagsusuri ng SC, paninindigan ng Palasyo ang pagkapili sa mga tinutuligsang personalidad, walang maaaring bumawi sa kanilang parangal.
Pero suwabe ang komento ni Direk Carlo nu’ng makarating sa kanya ang desisyon ng Supreme Court na ipagpaliban muna ang pagpaparangal sa kanila, “No one is above the law, kaya maluwag sa kalooban kong tatanggapin kung anuman ang hakbang na gawin at pagdesisyunan nila,” sabi ng magaling na nobelista at direktor.
Hindi rin siya nagsasarado ng posibilidad tungkol sa paglahok sa mundo ng pulitika sa susunod na halalan, kung ang emosyon daw niya ngayon ang kanyang pakikinggan bilang inaping alagad ng sining, natural lang na tumawid sa kanyang isip ang pagkandidato para magkaroon ng boses ang mga inaapi.
“Hindi lang naman ako ang nakararamdam ng pang-aapi, mas maraming pang iba, kaya bakit nga ang hindi kung ako ang magiging tulay ng mga kababayan nating inaapi para mapakinggan ang kanilang saloobin?
“Pero isang major decision ito na kailangan ko munang ikonsulta sa asawa ko, hindi puwedeng ako lang ang magdesisyon tungkol dito, napakahalaga ng boses ni Donna sa gagawin kong desisyon.
“Kailangang dalawa kaming may gusto sa gagawin ko, dahil kahit gusto ko at ayaw niya, mahirap kumilos kapag ganu’n,” pahayag pa ni Direk Carlo.
Kapag ganyan na nag-isyu na ng pahayag ang tagapagsalita ng Palasyo na nasa pangulo pa rin ang pinal na desisyon tungkol sa pamimili ng mga pararangalang National Artist ay maraming sigaw na naman ang masasayang.
Parang nagpakapagod lang sa pagmamartsa at pagsigaw ang ilang sektor na tumutuligsa sa mga napili pero sa bandang huli naman pala ay wala ring positibong resulta ang kanilang ipinaglalaban.
Cristy Per Minute
by Cristy Fermin