Pagtulong ni Angel Locsin, inintriga – Cristy Fermin

ANG mga Pilipino saanman makarating ay palaging nakapulupot pa rin ang pusod sa kanilang pinagmulan. Maraming kababayan nating maraming taon nang naninirahan sa Amerika at Canada ang nagtutulong-tulong ngayon para makalikom ng halagang maipangtutulong nila sa mga kababayan nating dapang-dapa ang buhay ngayon dahil sa pananalanta ng bagyo at baha.

Sa Canada ay maraming grupong umaaksiyon para sa pangongolekta ng donasyon. Sa Winnipeg, Manitoba ay masayang ibinalita sa amin ng mga kaibigang Rey-Ar Reyes, Issi Bartolome at Neil Soliven na walong libong dolyar na ang nakokolekta nila para maipadala dito sa Pilipinas.

“Hindi pa ito kumpleto, marami pa kaming kokolektahin, marami pang gustong mag-donate para sa mga flood victims. Pagkatapos ng work namin, nag-iikot na kami for the collection,” balita pa sa amin ni Neil Soliven.

Siguradong malaking halaga nga ang maiipon nila dahil sangkatutak ang Pinoy sa Winnipeg, sa bawat kanto ay may pamilyang Pilipino, para ka ngang hindi naman umalis sa Pilipinas kapag nandu’n ka.

At napakarami ring club du’n, puro Pinoy ang natitipon-tipon kapag weekend para sa kanilang party, talong-talo nila ang iba pang mga dayuhang naninirahan du’n.

‘Yun ang Pinoy!

[ad#post-ad-box]

MAY sariling bersiyon ang kampo ni Angel Locsin kung bakit nagsolo ang young actress sa pamamahagi ng kanyang tulong sa mga kababayan nating sinalanta ng bagyo at baha.

Habang grupo-grupo kung kumilos ang maraming artista ng ABS-CBN para sa pagdadala-pamamahagi ng mga relief goods na pinamamahalaan ng Sagip-Kapamilya ay sumolo naman si Angel ng lakad.

Kinontra ng kampo ni Angel ang naunang balita na hindi niya naman kailangang kumuha ng mga relief goods sa Sagip-Kapamilya dahil meron siyang milyonaryong benefactor na puwedeng sumagot sa mga ipamimigay niyang tulong sa mga sinalanta ng bagyo at baha.

Hindi raw totoo ‘yun, sariling pera raw ni Angel ang kanyang ginastos, kasama na rin ang tulong na ibinigay ng kanyang mga kaibigan. Kalokohang kuwento lang daw ‘yun dahil wala namang millionaire boyfriend ang aktres.

Ang isa pang bersiyon ng kampo ay ang mga artista raw kasi ng Dos ang nagliligwak kay Angel sa pagdadala ng mga relief goods, sa madaling salita, ayaw siyang makasama ng mga ito sa pamimigay ng tulong.

May ganu’n palang intriga? Tama ba namang pairalin ang pagpapaksiyon-paksiyon sa ganitong panahon na maraming buhay ang umaasa sa kanilang mga dadalhing relief goods?

At kung totoo ngang may ganu’ng senaryo, ano naman kaya ang dahilan para pagkaisahan si Angel ng mga kapwa niya artista sa ABS-CBN, ganu’n din kaya sa mga inirereklamo ng mga dati niyang kasamahan sa GMA-7?

SA Huwebes na ang dating ni Governor Vilma Santos mula sa Amerika at Canada, personal silang dumalo nina John Lloyd Cruz at Luis Manzano sa pagpapalabas du’n ng In My Life, masaya ang grupo ng Star Cinema dahil hanggang du’n ay box office hit ang kanilang proyekto.

Hindi rin nagsasalita nang diretso si Governor Vilma tungkol sa break-up nina Luis at Angel, basta ang alam lang daw niya ay hiwalay na ang dalawa, maraming palatandaan ang Star For All Seasons kung bakit.

Dati nga naman ay laging abala sa pakikipag-usap sa phone ang kanyang anak, matagal na usapan ‘yun, pero ngayon ay hindi na nakikita si Luis na nakikipag-usap nang matagalan sa telepono.

Ayaw niyang pangunahan sina Luis at Angel kahit pa meron naman siyang alam, pabayaan daw nating ang dalawa na muna ang magsasalita, dahil baka mali-mali pa ang mga sasabihin niya.

Palusot?

Cristy Per Minute
by Cristy Fermin

Previous articleHayden Kho, binastos sa medical mission? – Ronnie Carrasco
Next articleYoung actor, nagwala sa airport

No posts to display