SA PANG-APAT na shopping mall ako nakabili ng DVD ni Kevin Costner at yumaong singer Whitney Houston. Ang DVD ng “The Bodyguard” ay top-grosser na pelikula ng dalawa nu’ng 1992. Sa pagkamatay ni Whitney, selling like hotcakes uli ang DVD.
Sa buong mundo, patuloy pa rin ang pagtangis sa pagkamatay ng American pop icon sa edad 48. Sa loob ng tatlong dekada, ang kaibang music ni Whitney ay icon-worship ng mundo. “In living contemporary memory, no one has come closer to that voice,” noted a noted musical critic. Kasama ng legendary fame, salapi at salapi ay bumuhos sa buhay ng icon. Ngunit ‘di ‘to nagtagal.
Volumes of volumes na ang nalathala tungkol sa kanya. Pabayaan ninyong magdagdag ako ng munti kong kaisipan.
Lahat ng nilalang binigyan ng Maykapal ng kanya-kanyang talento o kakayahan. Dapat ito ay gamitin sa kabutihan, pagpupuri sa Diyos at pagsisilbi sa kapakanan ng kapwa. ‘Di dapat abusuhin o ipagamit ito sa masamang paraan. Sa panuntunang ito, sinawimpalad si Whitney. Sa kainitan ng kanyang katanyagan, ‘di niya napaglabanan ang tukso ng bisyo, ng droga, ng alcohol at depression hanggang sa ang mga ito ay kumitil sa kanya. Dito nagsimula ang kanyang malagim na wakas.
‘Di siya nag-iisa. Maraming world celebrities, ganito ang kinahinatnan, biktima ng droga at pagkawasak ng pagkatao at kaisipan. Para bang ang katanyagan at salapi ay nagsilbing lason sa moralidad at values nila. Nariyan si Marilyn Monroe, Michael Jackson, at kahit si Elvis Presley. Sa ating bakuran, nariyan ang dating singing superstar Nora Aunor.
‘Di ito pagtuligsa sa kanila. Katunayan, dapat silang kahabagan. Kagaya ni Whitney, si Nora ay tinangkang bumalik sa katanyagan. Ngunit binawi na ng Maykapal ang kanyang ginintuang tinig at ang pagsisisi ay laging sa huli.
Sa kabila ng lahat, dapat pa rin silang dakilain at ‘di husgahan. Milyung-milyong nilalang ang pinaligaya ng kanilang musika.
SAMUT-SAMOT
INAMIN NI Defense Sec. Voltaire Gazmin na bigo at palpak ang AFP modernization program na ipinatupad nu’ng 1996 hanggang 2001. Sa kabuuang P331-B, karampot na P35-B lang ang nai-release sa loob ng 15 taong singkad na implementasyon. Hindi pa binanggit dito ni Gazmin kung gaano ang ninakaw o ginamit sa conversion deal kung saan napatunayang nagkasala at sangkot ang ilang heneral. Hindi rin kasama rito ang direktang ayuda ng U.S. kung saan ninakaw umano ng ilang heneral sa kabila ng kapos na kagamitan ang mga ordinaryong kawal. Makikita natin na hindi ang laki o bulto ng pondo ang susi sa alinmang problema sa ating gobyerno, kundi ang maayos at tapat na implementasyon ng pondo.
MAGDARAGDAG NG mga tauhan si MMDA Chairman Francis Tolentino sa Macapagal Ave. upang tuluyang masugpo ang drag racing ng mga kabataan mula sa angkan ng mayayamang pamilya. Kamakailan, isang MMDA traffic enforcer ang binugbog ng mga kabataang drag racers.
PINAAABOT KO ang aming pakikiramay kay Atty. Rene de Jesus sa pagyao ng kanyang kabiyak, Bernadette, 64. Biktima ng diabetic complications. Inaanak ko sa kasal ang panganay na anak nila, si Vince. At magkatapatan ang bahay namin sa Doña Juana Subdivision, Pasig City. Si Rene ay retired Customs Port Collector at si Bernadette ay employed sa PhilHealth. Napakabait at matulunging mag-asawa. Mahal ng mga kapit-bahay at simple lang ang pamumuhay.
Napansin ko na sa pagpasok ng 2012, halos linggu-linggo, may lamay akong dinadalaw. Bukod pa rito ang mga balita tungkol sa pagkakasakit o aksidente ng malapit kong kaibigan. May perpetual light shine on kumareng Bernadette.
NAKARAANG ABRIL 19, nag-observe si Erap ng kanyang ika-75 na milestone. As usual, pinutakti siya ng libu-libong wellwishers sa buong kapuluan. Wala pa ring kupas ang dating Pangulo. Mahal na mahal pa rin siya ng masa. Ito’y kabaligtaran sa pakikitungo ng bayan sa dating Pangulong GMA na ngayon ay nakakulong sa Veterans Memorial Medical Center. Totoong tao si Erap. At sa kasaysayan ng ating pulitika, si Ramon Magsaysay lang ‘ata ang makakatalo sa kanyang karisma. Ang patunay ay ang patuloy na pagtangkilik ng mga halal sa kanyang dalawang anak, Sen. Jinggoy Estrada at Rep. JV Ejercito. Kaugnay nito, malabo na rin ang balak ni Erap na tumakbo bilang alkalde ng Maynila. Tama lang.
NU’NG KAMI’Y dumaan sa EDSA, napasin namin na ang blue motorcycle lane na nilagay ng MMDA ay nasa bandang gitna ng daan. Mukhang alanganin ‘ata ang puwesto nito at accident-prone. ‘Di ba naisip ng nagplano nito na delikado itong lane na ‘to sa mga motorista, lalo na ‘yung nagmomotorsiklo? Sa aming palagay, kailangang ilipat itong lane na ‘to sa bandang kanan ng major highways para ma-minimize ang aksidente. Paging Chairman Francis Tolentino. Samantala, sa Roxas Blvd. sa Baclaran, nakikipag-patintero ang mga pedestrian sa mga sasakyan pagtawid nila patungo sa simbahan at pabalik sa sakayan. Dati-rati, may pedestrian overpass dito pero giniba ito nu’ng isang taon. Kung walang traffic aid, kadalasan ang mga sasakyan ay ‘di humihinto kapag tumatawid ang mga tao gamit ang pedestrian lane. Kailangang itayo muli ang pedestrian overpass upang ‘di malagay sa panganib ang mga tumatawid. Paging Mayor Florencio Bernabe, Jr. at MMDA Chairman Francis Tolentino.
MATAGAL NANG ibinigay sa atensyon ng mga kinauukulan ang madilim na EDSA-Boni Ave. (Mandaluyong) tunnel. Isang side lang ng tunnel ang naiilawan. ‘Di gaanong maliwanag ang naturang mga ilaw at di maganda ang visibility lalo na kung may nauuna sa inyong smoke-belchers. Ilang taon na ‘tong kalagayan ng tunnel. Dapat gawan ng paraan ng mga kinauukulan na lagyan ng mga ilaw ang kabilang side ng tunnel upang maayos ang visibility rito at maiwasan ang anumang malubhang aksidente. Paging DPWH at Mayor Benhur Abalos.
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez