Pahatid kay Sen. Revilla Sr.

NAKAKALUNGKOT NA SA hinog na katandaan ng dating beteranong aktor at senador na si Ramon Revilla, Sr., dumating pa ang malagim na unos sa kanyang buhay. Tinutukoy ko ang napabalitang pagpaslang ng anak ni Revilla sa kanyang nakakatandang kapatid dahil sa diumano’y pag-aaway sa salapi. ‘Di ko na iisa-isahin ang malagim na detalye.

Mahigit akong limang taong naglingkod bilang publicist o mediaman ni Revilla nu’ng siya’y senador. Sa loob ng ganyang panahon, kami’y nagkalapit at napakahusay ng aming samahan. Okay siyang boss at napaka-generous. Ang kakulangan niya sa formal education ay napupunuan ng kanyang remarkable common sense at kayamanan ng karanasan sa buhay. Si Revilla ay may tinatawag na “pusong mamon”.  Kahit mabalasik ang kanyang personalidad, malambot ang kanyang puso sa mga nangangailangan at naaapi.

Kundi dahil sa kanya, marahil nasa loob pa ng rehas ang sikat na aktor na si Robin Padilla. Nu’ng 1986, si Padilla ay naparusahan ng 10 taong pagkabilanggo dahil sa illegal possession of firearms. Agad-agad nagsagawa si Revilla ng isang batas na nag-aalis sa kaparusahan sa isang menor na nasampahan ng kaso. Record time, napasa-batas sa Kongreso at nakalaya si Padilla.

Bilang isang mambabatas, marami siyang accomplishments sa passage ng mga batas sa kapakanan ng dukha at maliliit.  Siya ang may akda ng New Magna Carta of Labor, tinuturing na isang landmark legislation.

Bilang isang aktor, ‘di matatawaran ang kanyang kakayahan. “Nardong Putik”, kanyang pinakasikat na pelikula.  Hanggang ngayon, tinabo nito sa takilya, ‘di pa napapantayan.

Matagumpay din siyang entrepreneur. Isang cockfighting aficionado, kilala siyang bigtime cockfighter sa bansa at ibang parte ng mundo. Marami kaming dalawang pinagsaluhang alaala. Mahigit na limang taon kaming ‘di nagkikita. Subalit tuwina inaalam ko kanyang kalagayan.

Mga malagim na pangyayari sa buhay ay dumara-ting ng di inaasahan.  Ako’y nakikiramay at pinahahatid sa kanya aking pagmamahal.  Sa tulong ng Maykapal, sana’y malampsan niya ang unos.

SAMUT-SAMOT

FIRST CLASS TSIMIS. Isang very controversial political personality na ngayo’y sangkot sa maraming plunder cases ang namataan kasama ang kanyang batang girlfriend sa isang kilalang bakeshop sa White Plains, Q.C. Sa harap ng maraming customers, very lovey-dovey ang dalawa at diumano nagsusubuan pa raw. Very scandalizing, palag ng nakamasid. Clue: matabang lalake at taga-Visayas.

SEVEN BILLION NA ang populasyon sa mundo. Overloaded na ang planeta. Sa loob ng higanteng bilang na ito, ilang bunganga ang ‘di kumakain araw-araw? Ilang mga murang katawan ang walang saplot at matirahan? Ilan ang mga maysakit na ‘di malapatan ng kaukulang lunas?

Sa ating bansa, tinatayang 20.2-M nagugutom araw-araw. Dahil sa civil unrest sa Middle East, maraming OFWs ang na-displaced at ngayo’y kasama ng hanay na walang trabaho. Mahigit na 80 milyon ang ating populasyon. At palago pa nang palago. Saan pupulutin ang bansa sa susunod na 10 taon?

Mga katanungang dapat pag-ukulan ng pansin ng kasalukuyang liderato. Malubha ang ating hinaharap kung ‘di tayo magpaplano at kikilos.

PARA MAPANSIN SA pagkalaos, kalimitang pa-ek-ek ng mga artista ay makipagkagalit sa kapwa artista, maging kontrobersiyal sa mga isyung interesado ang publiko. Punung-puno ang showbiz tabloids ng ganitong gimik at maraming pumapatol.

KALIMITAN GUMAGAPOS SA akin ang takot. Takot na ‘di ko alam ang pangalan o saan nanggaling. Sabi ng aking psychiatrist, kasama raw ito ng pagtanda. Ang pagiging insecure at sensitive kasama ng takot ay pagkabalisa sa mga bagay na dapat ‘di bigyan ng focus o panahon. Ngunit ito ang aking kalbaryo araw-araw.

TILA ‘DI PA umiinit ang diwa ng Pasko. Dati-rati, ang dami ng Christmas lights at dekorasyon sa mga lansangan at tahanan. Ngayon mangilan-ngilan na lang. Dahil marahil sa kahirapan ng buhay at sa kaguluhan sa mundo at bansa.  Ngunit ang diwa ng Pasko ay wala sa material kundi sa ating puso.

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Previous articleRecall Rep. Relampagos; at Lipa Mayor, swak sa iligal
Next articleValid ba ang secret marriage?

No posts to display