HINDI KO naman nilalahat ang mga taga-SOCO o ‘yung ibang kapulisang rumeresponde sa krimen. Paglilinaw po ‘yan, ha? Saka sa friend ko pong aktor ito nangyari, hindi po sa akin. Sobra siyang na-depress nu’ng pag-uwi nila ng girlfriend niya sa bahay ay wala na ang koleksyong LV bags at kung anu-ano pang gadgets. Nanakaw na.
Feeling ng aktor, na-inside job sila. At me suspek na. Kapitbahay rin na may bisyong droga. Anyway, sabi na nga lang namin sa kanya ay at least, wala sila roon. Or else, baka pinatay sila o nakapatay sila.
Nakalulungkot lang na ‘pag me pinaimbestigahan ka sa kanila, tulad nang malimas lahat ang gamit mo sa bahay. Pagkatapos nilang mag-imbestiga at kumuha ng mga finger prints, paulit-ulit sila sa kasasabi na, “Sige po, ire-record na po namin ito at kami na po ang bahala.”
Ikaw naman, clueless. Basta sige ka lang din sa kasasabi ng, “Salamat po. Asahan po namin ang tulong n’yo.”
Tapos, ayaw pang umalis ang mga mokong at doon mo mararamdaman na para silang mga kaluluwang ang lakas ng paramdam na ang gusto palang sabihin ay, “Wala ba tayong pang-for the boys man lang diyan o pangmeryenda diyan?”
Alam mo ‘yung feeling na, “Kuya, nakita n’yo naman po, nalimas po ang mga gamit namin, tapos, kami pa po ba ang hihingan n’yo ng pu–ang inang pangmeryenda eh, naglalakihan na nga ang mga tiyan n’yong parang butete?”
Hindi ba puwedeng magtrabaho naman kayo nang matino, dahil ‘yan naman ang sinumpaan ninyong tungkulin?
Porke madalas n’yo nang nae-encounter ang mga krimen sa trabaho n’yo, hindi ba puwedeng magkaroon naman kayo ng puso sa mga biktima?
Na biktima na nga, eh “bibiktimahin” n’yo pa sa pamamagitan ng paghingi ng lagay?
Kayo kaya ang manakawan, tapos, kayo rin ang mag-iimbestiga sa krimen? Pamemeryendahin n’yo din ba ang mga sarili n’yo?
DALAWANG SIKAT na artista ang um-absent muna sa Twitter ngayon. Una, si Sharon Cuneta na kung ilarawan namin sa pagtu-Twitter ay adik talaga, dahil bawat isa sa mga basher niya ay sinasagot niya. Ewan kung napagod na si Sharon o desisyon niya na talagang tuluyan nang magpahinga sa Twitter.
Ang pangalawa naman ay si Kris Aquino na mula nu’ng pumutok ang isyu sa kanila ng dating asawang si James Yap ay pansamantalang tumigil muna sa pagtu-Tweet. (Pero ewan lang natin kung naka-open pa rin ang Twitter niya, pero basa-basa lang ang ginagawa niya at no to posting muna ang drama niya.)
Hindi na rin muna nagpo-post ng mga pictures sa Instagram si Kris. At kung kami nga ang tatanungin, tama na rin muna ‘yon. Palamig muna. Alam mo namang humusga ang mga tao, parang sila dapat ang tularan ni Kris. Hahahaha!
Anyway, hindi natin alam kung kelan ang pagbabalik nina Mega at Kris sa twitterworld. Ang mahalaga, malayo muna sila sa mapanghusgang “followers” sa Twitter.
BUKAS PO, ‘wag n’yo namang kalimutang samahan kami nina Carmina Villarroel at Janice de Belen sa pagse-celebrate ng unang anibersaryo ng Showbiz Inside Report pagkatapos ng It’s Showtime.
Ang wonderful relationship ng mag-amang Rommel Padilla at Daniel Padilla ang inyong mapapanood. Bukod doon, dahil um-absent muna si Cong. este, Tsong Joey Marquez para tumakbo bilang congressman sa second district ng Parañaque, pansamantalang may guest co-host kami.
Isang lalaki rin na hindi nalalayo ang gandang lalaki kay Manong Joey. Na minsang pinakilig ang maraming kababaihan sa kanyang pagiging sweet sa babae. Taklesa at times, pero ‘pag sinabi niya, kaya niyang panindigan. Malalaman n’yo rin kung sino ito, kaya abangan n’yo.
‘Pag nahulaan n’yo ‘to, bongga kayo. Pero ‘pag hindi n’yo nahulaan, zoren na lang kayo.
CONGRATS KINA John Lloyd Cruz at Sarah Geronimo, dahil mukhang lalampasan ng kanilang It Takes A Man And A Woman ang dalawang nauna nilang pelikula. Kaya congrats din sa Viva Films at Star Cinema, lalo na siyempre pa sa staff and crew at kay Direk Cathy Garcia-Molina.
Ang narinig naming projection ni Boss Vic del Rosario dito ay malamang maka-P420M ito sa kabuuang gross. If ever mangyari ‘yon, lalampasan nito ang Sisterakas na almost P400M ang total gross.
‘Yun na!
Oh My G!
by Ogie Diaz