BUHAY MILYONARYO ANG isang Maritime Police na nakatalaga sa North Harbor dahil sa iligal na gawain sa nasabing pier.
Ang “paihi” parekoy ng krudo at gasoline na simula pa noon ay talamak na sa nasabing lugar ang nag-aakyat ng limpak-limpak na salapi kay SP01 Joel L.
Ayon sa ating source, si SP01 Joel L. ay hindi kayang tibagin sa puwesto dahil kasabay ng kanyang paihi ay siya rin ang caretaker ng paihi ng kanyang boss!
Naku, ha?! ibig sabihin, parekoy, mismong mga kagawad ng Maritime ang nagpapatakbo ng “paihi” sa North Harbor kaya hindi ito kayang patigilin ng mga awtoridad.
Ano kaya ang masasabi rito ng Regional Officer (RO) ng Maritime na si Col. Olay?
KAMAKAILAN AY ITINALAGA ni P-Noy bilang bagong Director ng Bureau of Corrections si Ret. General Gaudencio Pangilinan.
Ang BuCor, parekoy, ang namamahala ng Bilibid (Muntinlupa), kung saan ito naging sentro ng ma-tinding batikos dahil sa paglalabas-masok ng mga bilanggo, partikular si dating Batangas Gov. Leviste.
Kung bakit naman sa dami ng mga kuwalipikadong Pilipino para sa nasabing posisyon, si Gen. Pa-ngilinan pa talaga ang iniluklok?
Hindi ba’t ang Gen. Pangilinan na ito rin ang kamakailan lamang ay sinampahan ng kasong “plunder” dahil sa talamak na anomalya sa pondo ng AFP?
Susmaryosep na buhay natin ito, parekoy, ito ba ang tunay na kahulugan ng “kung walang korap walang mahirap”?
Ito pa ang isang nakakatawang pangyayari sa Bilibid na nagpapakita rin ng halimbawa ng “matuwid na daan”.
Simula pa noong Enero 2011, nakikiusap na kay P-Noy ang Task Force Detainees of the Philippines (TFD) na mabigyan ng executive clemency ang isang bilanggo dahil sa kanyang sakit na kanser.
Sa awa ng Diyos, noong Hulyo 19, pinagkalooban na ni P-Noy ng presidential pardon ang nasabing preso na nakilalang si Mariano Umbrero.
‘Yun nga lang, noon pa palang Hulyo 15 ay patay na ito! Aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo!
Ibig sabihin, parekoy, nauna nang tumuwid ang mga paa ni Umbrero bago dumating ang daan!
Yakkkkks!
Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303