Paje, “Noynoying” sa Bahain… Este, Tuwid na Daan

PATULOY NA lumalawak ang panawagan kay Pangulong Noynoying… este, Noynoy na palitan na si DENR Sec. Ramon Paje ‘pagkat gaya niya ay “noynoying” din ang kalihim sa usaping pagpo-protekta sa ating kapaligiran at kalikasan.

Lumahok na rin si forest protection advocate Father Pete Montallana sa mga humihiling kay P-Noy na sibakin na si Paje dahil numero unong salbahe ang kalihim sa kawalang-kakayahan na pigilan ang talamak na pagkalbo sa bundok ng Sierra Madre.

Ang kalbong kabundukan ng Sierra Madre ang sanhi ng mga pagbaha lalo sa mga lalawigan ng Quezon at Bulacan.

Si Father Montallana ang chairperson ng Save Sierra Madre Network (SSMN).

Awang-awa na, parekoy, si Fr. Montallana hindi lang sa bundok kundi lalo na sa mga residente sa paligid nito na namamatay sa mga landslide at flashflood.

Ayon sa pari, ilang beses nang nagsumbong ang SSMN hinggil sa nangyayaring katiwalian at kapabayaan ng DENR offices sa Quezon, Aurora, Isabela at buong Central Luzon, pero itong si Paje ay nagno-noynoying lang sa paboritong pansitan.

Maging ito palang si dating DENR Secretary Antonio Cerilles ay kinukuwestiyon ang integridad at kuwalipikasyon ni Paje para pamunuan ang DENR.

Ngayo’y gobernador ng Zamboanga del Sur, pinaratangan ni Cerilles si Paje na sinungaling at ulyanin nang hindi maalala ang mga reklamo ng mamamayan sa illegal mining sa buong lalawigan.

Maaalalang kinondena rin ng Kalikasan People’s Network for the Environment si Paje dahil tulo-laway pa ang kalihim habang natutulog sa pansitan.

Pulos “noynoying” ang ginawa raw ni Paje sa mga reklamo para maprotektahan ang kapaligiran at likas na yaman ng bansa.

Ayon sa 4K, walang kapatawaran lalo na sa mga taga-Bulacan ang pagkakaloob ni Paje ng ECC sa Obando landfill nang walang konsultasyon sa mga mamamayan na labis naaapektuhan ng flashflood sanhi ng mga bagyong Ondoy, Pedring at Quiel.

Ano pa ba ang hinihintay ni P-Noy? Gusto pa ba niyang mag-alsa ang mamamayan sa pagkunsinti sa tulad ni Paje na manhid sa napakaraming namatay sa landslides at flashfloods sanhi ng kanyang kapabayaan?

Sa halip na matuwid na daan, bahaing daan ang nararanasan ng mga tao sa ilalim ng administrasyong Aquino dahil sa mga iresponsableng opisyal tulad ni Paje. P’we!!!

Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303

Previous articleMga Manhid na Employer! Mga Walang Pusong Recruiter!
Next articleGinto

No posts to display