Pakialamera!

BAKIT BA nakikialam at gustong umeksena itong si Atty. Amal Alamuddin Clooney, isang international human rights lawyer at asawa ng sikat na Hollywood actor na si George Clooney? May basehan nga ba ang pagdala niya sa United Nations Human Rights Committee sa reklamong hindi makataong pagtrato kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo?

Mayroon daw umanong “arbitrary detention” na ginagawa kay Arroyo ang pamahalaan ng Pilipinas at ito ay labag umano sa karapatang pantao ni Arroyo. Bunsod nito ay maraming mga probisyon diumano sa International Covenant on Civil and Political Rights ang nilabag ng gobyernong Aquino.

Hiniling ni Atty. Clooney na manghimasok ang United Nations para sa mabilis na pagpapalaya kay Arroyo at pagpapahintulot sa dating Pangulo na makaalis ng bansa at makapagpagamot sa mga eksperto sa ibang bansa. Binanggit ni Clooney ang Sections 9, 14, 19, at 25 ng International Covenant on Civil and Political Rights para makabuo ng isang kaso at reklamo laban sa Pilipinas. Sa huli ay hiniling din ni Atty. Clooney na magkaroon ng public apology ang Pilipinas dahil sa ginawa nito kay Arroyo.

LUBOS NGA kayang nauunawaan ni Atty. Clooney ang kanyang mga hinihiling sa gobyerno ng Pilipinas? Nais niyang payagan ng ating pamahalaan na makalabas ng bansa si GMA. Malinaw pa sa sikat ng araw na nagkukuntiyabahan lang ang kampo ni GMA at itong si Atty. Clooney. Ang tanging pag-asa na lang kasi ni Arroyo ay ang makatakas sa mga asuntong nakasampa sa kanya. Ang pagpunta sa ibang bansa ang pinakamadaling paraan at nagbabaka-sakali siguro ang kampo ni GMA na makalulusot dito sa bago nilang pakulo.

May 5 plunder cases ang kakaharapin ni GMA at sa tinatakbo ng paglilitis ay 2 pa lang ang nakasalang. Kung susumahin ay baka aabot sa 20 taon ang pagdinig sa lahat ng ito habang patuloy siyang nakakulong sa tinatawag na hospital arrest. Hindi naman sobra ito dahil nakasaad naman at nakabatay sa Saligang Batas at rule of court ang mga pinagdaraanan ni GMA. Sadyang napakarami lang talagang asunto ang kanyang kinakaharap.

Si Gloria lang din naman ang nagsubo sa kanyang sarili sa mga kasong ito at talagang sadyang napakalaki ng korapsyon noong panahon niya at katunayan ay marami pang mga kaso ng pagnanakaw sa gobyerno ang dinirinig ngayon sa Sandiganbayan na konektado sa panahon ng kanyang administrasyon. Patunay lamang ito na talagang nag-abuso si GMA sa kapangyarihan noong kanyang termino.

HINDI NAMAN makatotohanan ang “arbitrary detention” na sinasabi ni Atty. Clooney dahil si GMA ay nahaharap sa kasong pandarambong o plunder. Walang piyansa ang krimeng ito sa mga akusadong kinakitaan ng “probable cause” ang kaso. Naaayon lamang sa Saligang Batas ang pagkakadetine ni GMA sa Veterans Memorial Medical Center dahil masusing pinag-aralan ang kaso at nabigyan din naman ng sapat na panahon ang depensa ni GMA para patunayan ang kawalang-merito ng kaso laban sa kanya ngunit nabigo sila.

Hindi rin makatotohanan ang sinasabing paglabag sa karapatang pantao ni GMA dahil siya ngayon ay may pribilehiyo na hindi pinagkakaloob sa maraming akusado ng parehong krimen. Ang pagkakadetine sa ospital ay isang makataong pagtrato kay Arroyo. Sa ospital ay naibibigay sa kanya ang mga pangangailangang medikal at atensyon para siya ay bumuti. Hindi rin nangangailangan ng mga eksperto sa ibang bansa para tumingin sa kanyang kalusugan dahil may mga ekspertong doktor sa Pilipinas na kayang-kaya ang ganitong sakit.

Ang hospital arrest ay isa nang pribilehiyo. Ang pagtrato kay GMA ay ayon lamang sa mga pinag-uutos ng Saligang Batas ng Pilipinas. Ang paghiling ng pagpapalabas sa kanya sa bansa, pagpapagamit ng mga bagay na may kinalaman sa komunikasyon at media, at tuluyang pagpapalaya ay isang hindi makatarungang hakbang para sa isang taong may pananagutan sa batas. Tandaan natin na si Arroyo ay hindi isang political prisoner, kundi isang preso na inuusig sa isang mabigat na krimen. Ang pandarambong o “plunder” ay walang piyansa dahil itinuturing ito ng Saligang Batas bilang isang karumal-dumal na krimen.

ANG ELECTORAL sabotage na kaso na lang ay malinaw na malinaw ang mga ebidensyang inihain. Kung naaalala ninyo ang “Hello Garci” na isang voice recorded conversation sa pagitan ni GMA at noo’y kilalang “dagdag-bawas” na commissioner of election na si Virgilio Garcillano, lumikha ito ng isang malaking iskandalo. Habang malinaw sa rules of COMELEC ang hindi pinahihintulutang pakikipag-usap ng isang kandidato sa isang commissioner sa panahon ng eleksyon, tahasang binalewala ito ni GMA nang tawagan niya si Garcillano at tiyakin na lalamang siya ng 1-2 milyong boto laban sa sikat na aktor na si Fernando Poe, Jr.

Nagkaroon pa ng pag-amin si GMA sa katotohanan ng “Hello Garci” scandal nang mag-“sorry” ito o humingi ng tawad sa mamamayan sa isang mala-“state of the nation address”. Kung naging modest sana si GMA ay kusa sana itong bumaba sa puwesto dahil lumalabas na nagkaroon siya ng paglabag sa isang electoral law kung saan ang parusa ay diskuwalipikasyon. Ngunit, dahil hindi niya gustong bumaba at hindi rin nagtagumpay ang mga impeachment complaints laban sa kanya, nagpatuloy siya sa kanyang puwesto.

Kung tutuusin ay hindi naman talaga siya dapat ang umupo bilang Pangulo noong 2004 election dahil diskuwalipikado nga dapat si GMA. Kung malalaman lamang sana ni Atty. Clooney ang istoryang ito ay baka mahiya siya sa kanyang pakikialam sa ating bansa!

Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.

Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-8788536 at 0917-7926833.

Shooting Range
Raffy Tulfo

Previous articleBenepisyong PhilHealth para sa MERS-CoV
Next articleAno ba kasi?

No posts to display