HINDI PA yata nakukuntento ang mga buwaya sa Bureau of Customs (BOC) dahil may bago na naman silang pakulo. Balak ng mga gutom na “croc” na lagyan ng bagong buwis ang mga balikbayan boxes na palagiang ipinadadala ng mga kababayan nating nasa ibang bansa para sa kani-kanilang mga pamilya. Ito umano ay para pigilan ang mga nagsasamantalang maliliit na mangangalakal na ginagamit ang mga balikbayan boxes upang makaiwas sa pagbabayad ng buwis para sa mga kalakal na kanilang pinapasok at ibinibenta sa Pilipinas.
Ang Customs Commissioner na si Alberto Lina ang nagunguna sa pakulong ito. Ayon sa kanya ay napag-iwanan na ng panahon ang mga makalumang patakaran sa Customs kaya napapanahon ang ganitong pagbabago. Nalulugi rin daw ang pamahalaan sa makalumang kultura ng pagpapadala ng mga balikbayan boxes dahil hindi nakokolekta ang tamang buwis.
Nawawalan na yata ng bait ang mga taga-Customs dahil sukdulan na ang pagpapahirap ng mga ito sa mga kababayan nating patuloy na nagpapakahirap sa ibang bansa para matulungan ang kanilang mga kapamilya rito at tumutulong sa pamahalaan upang kumita ng salapi sa pamamagitan ng kanilang mga ipinapadalang dolyares sa bansa.
TILA NAKAKALIMUTAN na ng BOC na ang mga OFW, na karaniwang nagpapadala ng mga balikbayan boxes ang patuloy na nagdadala ng dolyares sa Pilipinas at nagpapalakas sa ating ekonomiya. Nitong nakaraang 6 na buwan lang ay umabot sa mahigit 12 billion dollars ang ipinasok ng mga kababayan natin sa abroad sa Pilipinas mula sa kanilang remittances. Ito ang pinakamalaki sa kasaysayan.
Ito bang bagong pagbubuwis sa mga balikbayan boxes ang regalo at pasasalamat ng BOC sa mga bagong bayani? Wika ka nga ni PNoy, “Saan ba kumukuha ng kakakapalan ng mukha ang mga taong ito?” Hindi ba imbes na dagdagan ang pasanin sa buwis ng mga bagong bayani ay dapat pa nga silang “exempted” na sana sa mga ganitong buwis?
Hindi ba naaawa ang BOC sa mga taong ito na tanging ang pagpapadala na lamang ng mga balikbayan boxes ang nagbibigay sa kanila ng kaligayahan mula sa matinding lungkot ng pagkakalayo sa kanilang mga mahal sa buhay. Bakit imbes na pagpapagaan sa kanilang pasanin sa buhay ay gustong pahirapan pa ni Lina ang mga kababayan natin?
ANG PAGPAPADALA ng mga balikbayan boxes ng mga kababayan nating nasa abroad ay naging bahagi na ng kulturang Pilipino. Ang mga kuwentong tumatatak sa puso natin mula sa mga OFW ay umiikot sa pagpapadala nila ng balikbayan boxes.
Karamihan daw sa mga OFW ay nakagawian na ang laging may balikbayan box sa kanilang mumunting tirahan sa abroad. Dahan-dahan nila itong nilalagyan ng laman mula sa mga kung anu-anong bagay na kanilang binibili nang paunti-unti sa araw-araw na pagpasok nila sa trabaho.
Kapag napuno na ito ay ganoon na lamang ang saya ng mga kababayan nating nasa ibang bansa na nakipagsapalaran. Masaya silang nakapagpapadala sa mga mahal nila sa buhay ng mga gamit na hindi kayang bilhin dito o ‘di kaya ay wala rito sa Pilipinas. Ito ang kaligayahang hindi nabibili ng pera. Mahalaga sa kanila ang makapagpadala gamit ang balikbayan box.
Ang kanilang mga kapamilya naman na naghihintay sa mga balikbayan boxes na ito ay nag-uumapaw rin ang kaligayahan sa tuwing bubuksan na nila ang mga ito. Hindi lamang materyal na bagay ang pinag-uusapan natin dito, bagkus ay ang mas malalim na kahulugan ng pagpapadala ng balikbayan boxes. Ang pagmamahal, paglalambing, at pagpapadama ng buhay nilang nasa abroad ang kalakip ng mga balikbayan boxes na ito. Nakalulungkot isipin na tila balewala ito sa pamunuan ng BOC.
TIYAK NA dadalang na ang pagpapadala ng mga balikbayan boxes sa oras na ipatupad ang pagbubuwis dito. Iisipin ng mga kababayan natin sa abroad na pera na lamang ang kanilang ipadadala at dito na lang bibili sa Pilipinas. Kung ganito ang mangyayari ay mawawala rin ang kulturang nakapaloob dito. Mawawala na rin ang mga ngiti at kaligayahang kahit kailan ay hindi natutumbasan ng pera.
Tiyak rin na kaliwa’t kanan na naman ang nakawan at suhulan dito. Para hindi buksan o buwisan ang balikbayan boxes ay magkakaroon ng oportunidad na magpabayad na lang ang ilang tiwali na taga-Customs. Madadagdagan na naman sila ng raket sa loob ng ahensya. Marami na namang masasayang buwaya at siguradong mabubundat ang kanilang mga tiyan.
Noon pa man ay marami na ang tumututol sa pagkakatalaga kay Lina bilang Customs Commissioner. Isa kasi itong dating mangangalakal dito at mayroong malalaking kompanyang konektado sa Customs. Ang duda ng iba ay tiyak na maraming papaboran itong si Lina at tiyak ding magpapayaman pa sa puwesto.
Sana naman ay pakinggan ng pamahalaan ni PNoy ang hinaing na ito ng mga tao. Ang pagpapabuti sana ng kalagayan ng mga OFW ang atupagin ng pamahalaan. Maraming bagay ang dapat pang bigyang tulong ng pamahalaan para sa ikabubuti ng mga OFW. Ang bagong pagbubuwis na ito sa mga balikbayan boxes ay hindi makatarungan at dapat ay ibasura na.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan at napanonood sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Ang inyong lingkod ay napanonood sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Panoorin ang T3: Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6843.
Shooting Range
Raffy Tulfo