ANO BA ‘TONG kabalbalan sa isip ko? Marahil gawain ng isang taong walang magawa. Totoo lang, bored-to-death ako sa nangyayari sa kapaligiran. Buklat ng peryodiko, korapsyon at krimen. Pakinig ng radyo, batikos sa gobyerno. Pindot ng TV, showbiz tsismis nina Abunda at Kris. Mapanghi. Nakakasawa.
‘Sang hapon, nagkape kami ng isang kaibigan. Umusad ang usapan sa totoong nangyayari sa bayan sa ilalim ni P-Noy. Malabo. Wika niya habang nakatutok sa balakang nu’ng sexy waitress. Nu’ng nakaraang eleksyon, sangkatutak na pangako. Pagkain at pabahay sa mahihirap. Trabaho. Mababang presyo ng pagkain, elektrisidad, at gasolina. Ligtas sa krimen. Proteksyon ng kalikasan. Alang bagong buwis. Etcetera. Etcetera. Etcetera. Pagkatapos, dating gawi. Alang nangyayari. Pakuya-kuyakoy ang Pangulo. Balangkas niya.
Pakuya-kuyakoy. Malalim na Tagalog. Pagda-ting ko sa bahay, text ko tiyuhin sa probinsya para itanong ang kahulugan. Sagot: “Alang ginagawa o papetek-petek sa ginagawa o balak gawin.” Ureka, alam ko na. Equivalent ito sa famous two words ni former Defense Secretary Renato de Villa. Teka, teka.
Ngunit ‘di naman pakuya-kuyakoy ang liderato ni P-Noy. Abalang-abala. Buwan-buwan halos maglakbay sa ibang bansa. Napupuyat sa paglalaro ng PS at pagmamaneho sa gabi ng Porsche sports car. Lagi ring nasa lalawigan upang inspeksyunin ang mga lugar na binaha at pinuksa ng iba pang kalamidad. Hanep, ganyan kaabala si P-Noy.
Naisip ko na walang kasiyahan ang mga Pinoy. Lagi na lang may kulang. Naghahanap ng sukli. Buti nga ang Pangulo ay binata pa kaya maraming panahon para maigugugol sa paglilingkod. ‘Yun lang, bigyan din natin siya ng oras sa panliligaw. Karapatan bilang isang bachelor.
Este, ano ‘tong tinext ngayon lang ng isang kaibigan. Nag-iimbitang mag-dinner sa isang bagong restoran sa Makati. Pangalan ng restoran: Pakuya-kuyakoy Republik.
TYPE KO ANG musical program ni Dr. Love sa DZMM mula Lunes hanggang Biyernes. Pagkatapos kumain at maglagay ng toothpick sa bibig, kay sarap humimlay at sumalo sa ginintuang alaala ng kanyang pinatutugtog na old favorites. Nakakaalis ng vertigo at migraine. Nagpapababa ng BP at blood sugar. Humahaplos sa pagod nang pagpintig ng aking pagod nang puso. Ang sarap ba-langkasin ang nakalipas.
Si Jun Banaag o Mr. Love ay may counseling program din sa gabi. Ang programa ay tungkol sa mga reklamo na kalimita’y maybahay na ino-onse ng asawa. Makatuwiran at mahinahon ang mga payo. Dahil sa ang programa ay hanggang alas-dose, madaling-araw ako bago dalawin ng antok. Ngunit ayos lang. Sa edad ko, mapalad na akong makatulog ng anim na oras. Kasama raw ‘to ng pagtanda.
Paborito ko ring radio-TV program ang “Moments” ni Fr. Gerry Orbos aired every Saturday night. Kasama niya ang halos santo nang batang bulag, si Fatima. Napakaayang tambalan ng dalawa. Iba si Fr. Orbos. Maraming talento. Masipag at matapat sa kanyang paglilingkod sa Diyos. Kung saan man magmisa sa Kamaynilaan si Fr. Fernando Suarez, ‘di maaaring di ako dumalo. Kagaya ni Fr. Orbos, napakadedikado ang alagad ng Diyos. Ang homily ay laging kurot sa puso at sikat ng araw sa madilim na kaluluwa. Siya rin ay ‘sang celebrated healing priest.
May their tribe increase.
Quip of the Week
Tanong: “Bakit walang abugado sa langit?”
Sagot: “Sapagkat silang lahat ay maiiwan sa lupa para magdepensa kay Ampatuan.”
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez