ANG USAPING hustisya ay matagal nang pinagdududahan sa ating bansa. Ang hustisya raw ay para sa mayayaman lamang at ang mga mahihirap ay laging biktima ng kawalan ng hustisya. Ngayon, isang kakaibang kawalang hustisya ang nasaksihan ng ating lipunan sa pagbaba sa puwesto ng isang makapangyarihang gobernador na napabibilang sa tinatawag na political dynasty.
Kinailangan pa na payuhan ng dating Pangulong Joseph Estrada ang kanyang pamangkin na kasalukuyang gobernador ng Laguna na si E.R. Ejercito na bumaba sa puwesto. Lumipad gamit ang kanyang personal na helicopter si Mayor Erap mula Maynila patungong kapitolyo ng Laguna kung saan nakatigil ang kanyang pamangking pinabababa sa pagiging gobernador.
Si E.R. Ejercito ang pinakaunang mataas na opisyal na natanggal sa puwesto dahil sa sobrang paggastos sa panahon ng kampanya. Hindi inaasahan na ang ganitong hindi pagsunod ng isang kandidato sa patakarang ipinatutupad ng COMELEC ay hahantong sa pagkadiskuwalipika. Sa isang banda, ang batas ay batas gaano man ito kasimple o kaseryoso. Naniniwala ako at sumasang-ayon na ang bawat isa sa atin, maging simpleng tao o makapangyarihang nasa puwesto, ay dapat sumunod sa batas.
Ang hindi ko sinasang-ayunan ay ang tila hindi patas na pagtingin at parang pinag-iinitan ang mga pulitikong hindi kaalyado ng administrasyong Aquino. Ito rin ang nasa-saloob ni Mayor Erap na tila pinag-initan lamang ang kanyang pamangkin dahil ito ay napapabilang sa partidong oposisyon.
ANG PAGPAPABABA kay Ejercito sa puwesto ay nangangahulugan lamang na maaaring naging mapili ang administrasyon sa mga pulitikong pinarurusahan nila. Maging kayo ay sasang-ayon sa akin na maraming mga pulitikong nasa puwesto ngayon ang labis ang ginastos noong nakaraang halalan. Kung sila ay seryoso sa pagpapatupad ng batas, hindi lang dapat iisa ang nadiskuwalipika sa paglabag na ito.
Hindi rin ako naniniwala na ang paggastos ng labis sa pangangampanya ang tanging naging paglabag ng mga kandidato noong panahon ng eleksyon. Nariyan ang paglalagay ng mga campaign ads sa mga bawal na lugar ngunit wala namang naparusahan dahil dito. Nariyan din ang mahahabang commercial ads sa telebisyon na tahasang taliwas sa itinakda ng COMELEC.
Bakit tanging ang kaso lamang ni Ejercito ang tinutukan ng COMELEC at ng administrasyong Aquino? Hindi ba ito ay nagpapakita ng isang uri ng palakasan sa gobyerno? Ipinamumukha lamang nito sa ating lipunan na hindi pantay ang hustisya, hindi lamang sa pagitan ng mayayaman at mahihirap kung hindi pati rin sa pagitan ng mga malalakas at hindi malakas sa pamahalaan.
Ang tanong ngayon ay kung nasa “tuwid na daan” pa rin ba ang ating pamahalaan? Hanggang may hindi pagkakapantay-pantay sa mata ng hustisya at pamahalaan ay patuloy ang kabulukang paraan ng pamamahala at lalong masasadlak sa kawalan ang ating bansa. Dapat ay ikulong ang dapat makulong at tanggalin sa puwesto ang lahat ng dapat matanggal.
KAMAKAILAN LANG ay ginunita ni Senador Grace Poe ang ikasampung anibersaryo ng “Hello, Garci” scandal. Binigyang-diin ng senadora na tila nauwi lang sa wala ang isyu na ito. Samantalang maliwanag pa sa sikat ng araw ang ginawang pandaraya ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa eleksyon noong 2004. Ang kanyang panunungkulan mula 2004 hanggang 2010 ay bunga ng pandaraya na para bang kinunsinti pa umano ng mga mambabatas sa Mababang Kapulungan noon.
Ang lahat ng mga kasangkot sa Hello Garci scandal gaya nina dating COMELEC Commissioner Virgilio Garcillano at dating COMELEC Chairman Ben Abalos ay patuloy na nakalalaya. Ang kasong election sabotage laban sa mga taong ito ay tila nabaon na rin sa limot. Paanong hinayaan ng mga mambabatas at husgado na mapunta sa wala ang isyu na ito, samantalang ang isyu ng overspending ni E.R. Ejercito ay mas binibigyang-diin?
Muli ay nais kong bigyang-diin na hindi ako pumapanig sa paggastos ng sobra sa eleksyon o hindi pagsunod sa batas, ngunit ang gusto kong bigyang-diin ay ang pantay na pagpapatupad ng batas. Maliwanag na hindi patas ang ating pamahalaan sa pagpapatupad ng batas sapagkat habang pinababa ang isang gobernador sa salang overspending, patuloy namang nakalalaya ang mga taong sangkot sa salang election sabotage na higit na mabigat ang pananagutan sa batas.
MAHABA AT masalimuot na landas pa ang tatahakin ng mga Pilipino bago tuluyang makamit ang tunay na “daang matuwid”. Kabi-kabila ngayon ang isyung may kinalaman sa korapsyon, pandaraya at iba pa. Ang maliliit na bagay tulad ng pagdiskuwalipika sa isang tanyag na pulitiko ay mabuting hakbang upang unti-unti ay mabawasan ang katiwaliang talamak sa lipunang ito. Subalit higit na mahalaga na sa simula pa lamang ay maging mapanuri na tayo sa pagpili ng mga lider ng bansa. Ang pagkilala sa pagkatao ng mga kandidatong ay makatutulong upang maiwasan ang ganitong mga problema sa hinaharap. Panahon na para magbago tayo ng paraan ng pagdedesisyon at pagpili. Laging isipin na ang pagboto ay higit pa sa pagsulat lamang ng pangalan ng sikat na kandidato, ito ay ang pagpili rin ng landas na tatahakin ng ating bayan.
Ang inyong lingkod ay napakikinggan at napanonood sa programang Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Napanonood din ang inyong lingkod sa T3 Reload sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 5:30-6:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo