NARITO ANG ilan lamang sa mga sumbong na ipinadala sa pamamagitan ng aming texthotlines na 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Gusto ko lang pong ipaabot kay Chief PNP na sana ay paimbestigahan niya ang sistema ng promotion dito sa Police Regional Office sa ARMM dahil mayroon silang bata-bata at pera-pera system para sa promotion dito. Kung wala kang kadikit na boss at pera, mahihirapan kang ma-promote. Sana po ay mabigyan ito ng pansin ng bagong pamunuan. Salamat po.
Hihingi po ako ng tulong kasi po iyong school sa probinsiya namin na public school naman ay naniningil ng PTA a kung anu-anong bayarin. Ang pangalan ng eskuwelahan ay Mandus Elementary School at Margarita Yusingco National High School sa municipality ng Lingig, Surigao del Sur.
Isusumbong ko lang po iyong mga jeep na ginawang pilahan ng Malibay ang ilalim ng Magallanes fly-over na papuntang Pasay-Taft. Nagdudulot po kasi ng sobrang traffic sa mga motorista na galing ng SLEX na papasok ng Pasay-Taft.
Reklamo ko lang po ang ginagawang sobrang paniningil sa mga estudyante na nag-aaral sa Benito Soliven Elementary School. Kailangang magbayad ng P250.00 to P400.00 bawat bata sa PTCA. Sana po ay matulungan ninyo kami para maipatigil na ito.
Pakiaksyunan po ang walang tigil na bayarin dito sa Dodan Elementary School sa Peñablanca, Cagayan. Taun-taon na lang ay ganito, kung hindi electric fan ay pintura ang binabayaran ng mga bata sa eskuwelahan.
Pakitawagan naman po ang pansin ng mga kinauukulan na sana ay may mag-check doon sa bandang Quiapo ng mga UV Express na biyaheng Fairview dahil nakikipagsabwatan sa mga barker. Iyong pamasaheng P35.00 lang ay pinapatungan ng P10.00, bale nagiging P45.00 ang pamasahe. Sobra-sobra po ang sinisingil nila. Wala po kasing ginagawa iyong mga pulis at traffic enforcer na nasa paligid.
Hihingi lang po kami ng tulong tungkol sa pensiyon namin sa senior citizen dahil isang taon na kaming walang natatanggap. Dati ay maayos naman at kada quarter ay naibibigay naman ng DSWD dito sa Bago City, Negros Occidental ang aming pensiyon. Sana po ay matulungan ninyo kami. Salamat.
Irereklamo ko lang po ang PTA rito sa Kapalong Central Elementary School dahil nangongolekta sila ng P650.00 sa bawat estudyante. Sana po ay matulungan ninyo kaming mga concerned parents. Salamat po.
Baka pupuwede pong pakisilip ang isang kalye rito sa Brgy. Putatan sa Muntinlupa, sa gilid lang ito ng city hall. Sinakop na po kasi ng mga tindahan ang sidewalk. Ang mga tao ay sa gitna na ng kalsada naglalakad dahil dito.
Makinig at manood ng Wanted Sa Radyo 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.
Ang inyong lingkod ay mapanonood din sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 12:00 nn.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833.
Shooting Range
Raffy Tulfo