Ilang tulog na lang, Marso na naman! Makakaramdam na tayo ng mainit-init na panahon dahil magsa-summer na. Kay raming nagsusulputang magagandang beach resorts, pero may kamahalan ang presyo. Kay rami ring abot kaya naman sana ang budget, pero laging jampacked sa dami ng tao. Mga bagets pa naman, kapag nag-beach outing, gusto sa lahat ng pictures maganda o guwapo sila, pati rin siyempre ang background. Ngayong papalapit na ang summer, saan naman kaya maganda pumunta?
- Cagbalete Island
Sa Mauban, Quezon, matatagpuan ang napakagandang isla ng Cagbalete. May apat hanggang limang oras ang layo ng biyahe n’yo sa Maynila. Pero sulit naman ang mahaba-habang pagmamaneho, kapag nakarating ka sa Cagbalete, para bang nasa ibang mundo ka na agad dahil tahimik at mapayapa rito. Kung gusto mong makalimot kahit panandalian lamang sa mga problema n’yo o makatakas man lang sa ingay ng Maynila, Cagbalete Island na nga ang nararapat para sa inyo. Sa isla na ito ay tabi tabi ang resorts, pero hindi ito gaya ng ibang resorts dahil mamalagi ka lamang sa mga tent, cottage, o cabanas nila. Kung magbabarkada kayo, puwede na sigurong maghanda ang bawat isa sa inyo ng Php2,000.
- Mt. Manabu
Siyempre hindi na puwedeng mawala sa bucketlist ng mga bagets ngayon ang makaakyat ng bundok. Bakit hindi subukan ang Mt. Manabu sa Sto. Tomas, Batangas. Puwedeng-puwede na ito para sa mga first time hikers, dahil aabutin ka lang ng isa hanggang isa’t kalahating oras para marating ang summit. Mae-enjoy mo pa ang malamig na hangin at ang napakagandang scenic view mula sa summit. Puwede ka pang mag-overnight stay rito para naman sulit na sulit ang lugar. Isama ang barkada o pamilya sa pag-akyat dito, gagastos lang naman ang bawat isa ng Php1,000 – Php1,500. Puwedeng-puwede na!
- Tanay
Kung medyo tight na tight ang budget o nagkukuripot ka lang talaga, pero gusto mong makapag-summer outing nang bonggang-bongga, mukhang Tanay na nga ang magandang destinasyon. Dalawang oras lang ito mula sa Maynila kaya parang regular na commute hours mo lang ito sa Maynila. Kilala ang Tanay, Rizal dahil sa kanilang ipinagmamalaki na Daranak at Batlag Falls. Kakaibang set up naman ito dahil sa waterfalls ka lalangoy. Kapag narito ka na sa Tanay, huwag mo na ring kalimutang bisitahin ang over 400 years old na San Ildefonso Church at manood na rin ng sunset malapit sa Parola. Wala pang isang libo ang gastos dito kaya go, go, go na!
- Anawangin Cove
Isa sa aking pinakapaboritong destinasyon ay ang Anawangin Cove sa Zambales. Sa budget na Php1,500, para ka na ring nasa Boracay dahil sa taglay na white sand beach dito. May maganda ring river at samahan mo pa ng napakagandang mountain background. Solve-solve na! All in, ‘ika nga. Tent accommodation dito at huwag mo nang tangkaing mag-Facebook o Instagram habang nasa Anawangin Cove, dahil walang signal dito. Maganda na rin ‘yun para mas ma-enjoy mo ang lugar at mas mag-bonding kayo ng mga kasama mo.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo